Sinagot ni Daniel Padilla, 25, ang mga kritiko ng kanyang home network at ng nakababatang kapatid na si Magui, 18.
Noong Biyernes, May 8, 2020, ipinost ni Daniel sa Instagram ang kanyang larawan habang pinapanood ang #LabanKapamilya Facebook Live ng ABS-CBN stars.
Caption ni Daniel: “SALAMAT SA LAHAT NG NAKINIG AT UMINTINDI NG MAIGI.”
Ang online discussion ay isinagawa ng ilang Kapamilya stars upang ihayag ang saloobin sa pagsasara sa ABS-CBN noong isang linggo.
Noong May 5, naglabas ng Cease and Desist Order ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa tigil-operasyon ng ABS-CBN Network .
Nag-expire ang legislative franchise ng network noong May 4.
DANIEL PADILLA DEFENDS SISTER
Gaya ng nangyayari sa ibang Kapamilya stars na nagtatanggol sa ABS-CBN, si Daniel ay kinakanti rin ng ilang netizens na pro-administration.
Komento ng isa: “pacencya idol d kami kasama sa laban nyo i mean ng mga bosses nyo. no one is above the law.”
Sinagot ito ni Daniel: “Sana nanonood ka kapatid baka sakaling nalinawan ka.”
Sinuportahan naman ni Magui ang pahayag ng kanyang Kuya Daniel.
Komento ni Magui: “no one is above the law. mismo. At siguro kung naunawaan niyo ang katotohanan, wala nang problema.”



Binalikan naman ng isang netizen si Magui.
Tanong nito: “@magsford ikaw ba nauunawaan mo ang batas?”
Hindi pinalampas ni Daniel ang paghamon ng kritiko sa kanyang nakababatang kapatid.
Babala ng aktor: “Ingat ka kapatid. Hindi mo kilala hinahamon mo. Baka pulutin ka bigla sa kangkungan nyan?”
Sa isang interview noong 2018 sa talk show na Magandang Buhay, sinabi ni Daniel na proud siya sa talino ng nakababatang kapatid.
March 2018 nang magtapos ng high school si Magui sa Assumption College sa Makati City.
Si Magui ay kapatid sa ina ni Daniel.
Anak ni Karla si Magui sa dating karelasyong si former Quezon City Councilor Mike Planas, habang si Daniel ay anak ng aktres sa aktor na si Rommel Padilla.
Bukod kina Daniel at Magui ay may dalawa pang anak si Karla—sina Juan Carlos at Carmela.



May isang netizen na nagbanggit na isang “politics student” ang kapatid ni Daniel.
Muling sumagot ang netizen at sinabi nitong idolo niya si Daniel.
Sabi nito, “fan na fan moko!”
Pero pinanindigan ng fan ni Daniel na ang nangyaring pagpapasara sa ABS-CBN ay naaayon sa batas.
Gayunpaman, humingi ito ng pasensiya kay Daniel.

MAGUI DEFENDS BROTHER
Sa kanyang Instagram account, nag-post din ng pagsuporta si Magui sa ABS-CBN.
Hindi na naman ito pinalampas ng bashers.
May basher na ikinatuwa ang pagsasara ng Kapamilya network at kinutya ang popular na tambalan nin Daniel at Kathryn Bernardo, ang KathNiel.
Tinawag ng basher na “PINAKA SCRIPTED NA LOVETEAM NG BANSA” ang tambalan ng real-life couple.
Nakipagsagutan pa ito sa mga tagapagtanggol ng KathNiel.

Hindi naman nagpapigil si Magui sa pagsagot sa basher.
Anito: “puede ba wag muna mangistorbo. Wala kaming oras para sa mga pinagsasabi mo. Mag aral ka nalang muna.”
Sumagot din si Magui sa basher na may sarkastikong comment na nanginginig daw siya sa pagtatanggol ng KathNiel supporter kina Kathryn at Daniel.
Komento ni Magui: “ok ka lang? Mukha ngang nanginginig ka talaga.
“Kalma lang masyado mong pinapahalata.”




TROLLS ON THE LOOSE
Kasabay ng pagpu-post ng mga artista ng ABS-CBN sa pagtatanggol ng kanilang home network, kapansin-pansin din ang paglipana ng mga kritiko at bashers.
Karamihan sa kanila, ikinakatuwiran na “no one is above the law” at lumabag daw sa batas ang ABS-CBN kaya nararapat itong ipasara.
Isa sa mga pinakamadalas na argumento ng mga troll ay ang pagtakas daw ng ABS-CBN sa pagbabayad ng buwis.
Sa isang Senate hearing noong February 2020, kinatigan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Kapamilya network.
Nilinaw ng ahensiya na walang ginawang paglabag ang ABS-CBN pagdating sa pagbabayad ng buwis.
"They are regularly filing and paying their taxes for the past number of years," sabi noon ni Simplicio Cabantac, Jr., head ng Large Tax Payers Audit Division 3 ng BIR.
Ang isa pang popular na argumento ngayon ng mga kritiko ng ABS-CBN ay ang paglabag umano nito sa “one franchise, one channel” rule, na iginigiit ng Federation of International Cable TV Association of the Philippines (FICTAP).
Ang FICTAP ay isang non-profit organization na binubuo ng 1,000 small and medium cable operators sa Pilipinas, na lumalabas ay competitors ng TV network.
Pero ipinaliwanag ng ABS-CBN na, dahil na rin sa teknolohiya, ang isang frequency ay maaari nang mag-broadcast ng higit sa isang channel.
Samakatuwid, kapag nakakuha ng franchise ang isang frequency ngayong digital age, maaari na itong magkaroon ng higit sa isang channel, na tinatawag ding digital migration.
Sa analog TV, iisang channel lamang ang kayang i-broadcast ng isang frequency.
Ang paliwanag na ito ay kinatigan din ng Philippine Cable Television Association, Inc.
Samantala, dahil sa pare-pareho ang argumento ng critics at bashers ng ABS-CBN, tila nagkaisa rin ang Kapamilya stars na huwag padaig sa mga internet trolls.
Ilan sa mga artistang may recent posts o comments na huwag patulan ang trolls para hindi kumita ng pera ang mga ito ay sina Angelica Panganiban, Bianca Manalo, ang fiancé ni Angel Locsin na si Neil Arce.
Ganito ang tweet ni Angelica: "Bulag? Mas marami sila satin. Yun ang nakakalungkot.
"Pero, may magagawa tayo kapag nagsalita tayo. Nagkaisa tayo. Ewan ko.
"Ano ba alam ko. Bobo kaya ako sa paningin ng karamihan. Diba bashers? Kaya nga akoninwan ng jowa?
"Oooops!! Bawal tayo pumatol sa kanila [smiley] kikita sila [smiley]
Si Bianca, nag-post naman ng quote card na naglalaman ng mga hakbang para hindi patulan ang trolls.
Ang advisory ay may titulong "Starve a Troll Today."
Ang trolls sa social media ay gumagamit ng mga pekeng account at nag-uudyok ng mga pag-aaway.
HOW TROLL FARMS MAKE MONEY
Sa isang report ng Brigada ng GMA News TV noong February 2019, tinalakay kung paano nag-o-operate ang isang troll farm.
Itinampok dito si “Don,” isang troll farm leader na itinago ang tunay na identity.
Si Don ay isang public-relations company owner at social media strategist.
Nagsa-sideline siya bilang troll farm leader.
Nagbibigay siya ng services, halimbawa, para ikampanya ang isang kandidato, ang kanilang kliyente.
Ang troll farm army ay babayaran ng kliyente kapalit ng serbisyong ”boosting, defense, fortify.”
Sa madaling sabi, iha-hire ang kanilang serbisyo para pabanguhin sa social media ang pangalan ng kliyente.
Lantaran daw ang ganitong gawain sa panahon ng eleksyon.
Inamin din ni Don na dalawang klase ang troll: ang white troll at ang black troll.
“May iba-ibang set of operation. But this is the good one,” aniya, at iyon nga ay pabanguhin ang pangalan ng kanilang kliyente.
Ang iba pang uri ng “operations” na ino-offer ni Don bilang troll leader ay “hindi mo naman pwedeng ipagmalaki.”
Ito ang black trolling.
“We’ll do a lot of ops against yung mga enemies kung sino man yung kliyente na gusto,” pag-amin nito.
Ibig sabihin, lilikha sila ng fake news o pamba-bash sa kalaban ng kanilang client.
Magsisimula ang lahat sa kliyente.
Sa kaso ni Don, ito ay ang pulitiko, na magbibigay sa PR head ng gusto niyang ipakalat na mensahe.
Ipapasa naman ng PR head ang mensahe sa content editor, na pinakamahalaga ang papel at tinatawag na master troll.
Trabaho ng content editor mag-isip ng ipo-post na content na kakagatin ng netizens.
“That person does the messaging, composes the messaging. Ginagawa na yung hashtags and all, kung ano yung itu-tweet, kung ano yung ipe-Facebook.
“From there, iikutan na lang yan, sa isang mensahe, iikutan na lang yan ng mga trolls.”
Dito na kikilos ang mga troll.
Ani Don na master troll, sa ilalim niya ay may 500 trolls, at bawat isang troll ay gagawa ng hanggang 200 fake accounts.
Ayon pa kay Don, hahati-hatiin sa grupo ang trolls at magkakaroon ang mga ito ng personality.
Halimbawa ni Don: “For example, you have 50 trolls, so 15 doon lahat ng personality teacher, dapat matalino kayo, madiplomasya makipag-usap.
“Or ito naman [grupo], maybahay kayo, concern n’yo nanay kayo, doon kayo magsi-stick sa personality n’yo.
“Hindi mo pwede na single lang kayo na profile. The idea is iba-ibang tao, isang persuasion.”
Sa grupo ni Don, sinabi nitong may three shifts ang kanyang 500-member troll army.
Binanggit din na, sa entry level, ang isang troll ay maaaring kumita ng P30,000 sa isang buwan, habang ang mas senior ay maaaring kumita mula P50,000 hanggang P70,000 kada buwan.
Binanggit ni Don kung ano ang kayang gawin ng trolling.
“Minsan hindi lumaki sa TV, pero pinapalaki ng social media through the aid of trolls also, and some operators also," ani Don tungkol sa mga istorya.
“So, maraming factors para lumaki ang story."
Giit ni Don, “In the first place, ang daling makaloko sa social media.
“People don’t think now, e. Most people don’t think.
“’Pag nakita nila, when you post on FB [Facebook] an old photo, people believe andon ka.
“Then you post another photo, na iba yung suot mo, iba yung lugar mo, people would actually believe na nando’n ka.
“So titingnan lang nila yung picture mo. ‘Andito siya, andito siya… How could that be possible?’ Meaning, hindi nag-iisip na. So gano’n din yung fake news.
“Gusto lang namin under the radar.”
