Puno ng kilig na inihayag ni Vice Ganda na ramdam niya sa kanyang puso ang pagmamahalan nila ng boyfriend na si Ion Perez.
Nakangiting pahayag ni Vice, "Jusko, sa dami naman ng pinagdaanan ko sa pag-ibig.
"Sa dami rin naman ng nanloko sa akin, kaya damang-dama ko ang kaibahan ngayon.
"Ang puso, kusa mo mararamdaman na, 'Ay, eto na.' Wala ka nang ibang hinahanap."
Noong hindi pa raw niya nakikita ang tunay na pag-ibig, aligaga raw si Vice sa mga bagay na gusto niyang gawin.
"Dati pag wala kang dyowa, gusto mo rumampa, gusto mo uminom, gusto mo humarot, gusto mo tsumika.
"Lahat gusto mo gawin para lang malibang ka.
"Pero pag in love ka na, ayaw mo na ng pag-aaksaya ng energy sa walang kapararakan."
Sapat na raw iyong gigising siya sa umaga, papasok siya ng trabaho, at makikita si Ion na katrabaho niya sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime.
"Yung panatag ka na," dagdag ni Vice.
Sinabi ito ni Vice sa kanyang halos dalawang oras na Facebook Live noong Sabado, May 16.

NO BIG FIGHTS WITH ION
Tinanong din si Vice, 44, kung anu-ano ang pinag-aawayan nila ni Ion, 29.
Sagot ng comedian-TV host, "Hindi kami madalas mag-away ni Ion, e. Pero nag-aaway kami.
"Pero ang away namin yung magkakainisan, 'tapos hindi muna kami mag-uusap.
"After a few minutes, magso-sorry-han, tapos tapos na."
Hindi raw sila iyong tipo ng couple na pinatatagal ang tampuhan.
"Ayoko ng away na lalampas ng isang gabi o matutulog ng magkaaway. Ayokong natutulog na kaaway siya.
"Pinag-usapan namin iyan—'Pag magkatampuhan tayo, hindi tayo matutulog hangga't hindi tayo okay.'
"Hindi ako gigising ng may kaaway o kagalit. Ayoko nun."
Naniniwala raw si Vice na mahalagang pangalagaan ang positibong mindset.
"Ang pangit ng gising na magkagalit kayo. Ang hirap matulog ng may kagalit kayo.
"Kailangan pag gumising ka, masaya ka, kasi idi-dictate nun ang pakiramdam mo sa isang buong araw.
"Imagine mo, gigising ka, kaaway mo dyowa mo. Paano ka magtatrabaho nun?"

UNDERSTANDING EACH OTHER'S QUIRKS
Paliwang pa ni Vice, kabisado na rin daw nila ni Ion ang ugali ng isa't isa.
"Si Ion, ang simpleng tao. Kapag gusto niya makipagharutan, makikipagharutan siya.
"Kapag gusto niya matulog, matutulog siya. Kapag imbiyerna siya, imbiyerna siya.
"Pero pag imbiyerna siya, sasabihin niya, tapos wag mo siya kukulitin."
Isang payo ni Vice para sa isang smooth-sailing relationship, kailangan daw respetuhin ang space ng isa't isa.
"Di ba, kaaway natin dyowa natin, tapos nananahimik siya, tapos dakdak tayo nang dakdak.
"Ay, nababaliw ang dyowa natin. Lalo silang nabubuwisit.
"Pag sinabi nating, 'Mag-usap tayo.' Pag sinabi nilang, 'Huwag muna, mamaya na.'
"Huwag na natin kulitin. Give each other some space."
Minsan ay kailangan lang daw huminga nang malalim at uminom ng tubig, at saka raw mapagtatanto na wala nang dahilan para magalit.
"Kasi kung lagi kang galit, tapos makikipagbati ka, mukha ka nang gago nun!
"E, dati, tarantado ako. Gusto ko ngayon, good vibes lang."

FROM ONSCREEN TO REAL-LIFE LOVERS
October 25, 2018 nang maging magkarelasyon sila Vice at Ion.
Noong panahong iyon, baguhan si Ion sa It's Showtime at nakilala siya bilang si "Kuya Escort."
May segment sa show kunsaan madalas magtuksuhan sina Vice at Kuya Escort na nahuhulog ang loob nila sa isa't isa.
Hanggang sa naging totohanan ang kanilang tambalan.
Nasubaybayan ng madlang pipol ang pagiging malapit nina Vice at Ion sa isa't isa.
Hindi rin lingid sa publiko nang minsang bumisita si Vice sa hometown ni Ion sa Concepcion, Tarlac.
Nakunan pa sila ng litrato kasama ang kanilang mga ina.
Pormal na inanunsiyo nina Vice at Ion na magkasintahan sila sa tenth anniversary celebration ng It's Showtime noong October 26, 2019.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
