Hindi napigilang matawa nina Luis Manzano, Nadine Lustre, at Daniel Matsunaga sa isang netizen na pinalalabas na si Vico Sotto ang pasimuno ng COVID-19.
Si Luis ang nagbahagi ng screenshot ng Facebook post ng netizen na nagsasabing ang Pasig City mayor ang nag-imbento ng virus.
Ang eksplanasyon ng netizen, kapag binaliktad daw ang pangalan ni Vico ay mabubuo ang salitang "COVI"
Kapag binasa naman daw nang pabaliktad ang apelyido na Sotto ay lalabas ang salitang "OTTOS."
Kakatwang sabi ng netizen (published as is): What if si VICO SOTTO PALA ang nag imbinto ng covid-19?
"Idol ni Vico si yorme isko kaya kapag binaliktad pangalan nyam 'COVI' ang lalabas.
"SOTTO kapag binaliktad 'OTTOS' (utos)."
Ipinilit pa ng netizen na "4" ang favorite number daw ni Vico, at saka ikinonek ito sa letrang "D" na ika-apat daw sa alphabet.
Kaya raw nabuo ang salitang "COVID."
Nakuha naman ng netizen ang number 19 nang sumahin daw niya ang mga letrang bumubuo sa mga salitang "PASIG, MAYOR, VICO, at SOTTO."
Sabi pa ng netizen (published as is): "Inutusan siya ng divel na mag kalat ng virus [shocked emojis] ...
"omg guys sana aware kayo."

SHOOKT CELEBS
Klarong walang katotohanan ang pinagsasabi ng netizen.
Maaari ngang may konting sayad pa ito.
Pero idinaan na lang sa biro ni Luis. Ang kanyang caption: "Di pa tapos ang laban sa COVID, pero wag natin kalimutan na mukhang na figure ni Anna Marie lahat ng to..."
Natawa naman sina Nadine at Daniel na napa-comment sa post ni Luis.
Sabi ni Nadine, "Di ko kinaya."
Reply ni Luis, "I think nakapag-aral sa ibang planet!"

Panay laughing with tears emojis ang comment ni Daniel.
Nag-reply ulit si Luis, "Stay safe bro!!"

MAYOR VICO REACTS
Noon pa lang April 5 ay nakarating na kay Mayor Vico ang Facebook post ng netizen na sinasabing siya ang nag-imbento ng COVID-19.
Ibinahagi niya ito sa kanyang Instagram Story at pabirong naglagay ng caption na "Totoo kaya to?!"
Tila tinawanan lang ng alkalde ang post.

Nakita rin naman ni Vico ang babala ng isang organisasyon na "fake news" ang kumakalat na meme tungkol sa alkalde.
Tweet ng @earthshakerph: "FAKE NEWS ALERT: May mga nagtatanong sa amin kung totoo raw ba na si Hon. Mayor @VicoSotto ang pasimuno ng #COVID19.
"Hindi po ito totoo.
"Maaaring biro lang ito para sa iba (lalo pa at may computations pa), may mga naniniwala pa rin po kaya itigil natin ang pag-post ng ganito."
Nag-reply si Vico at tila napaisip kung may naniwala sa post ng netizen.
Tweet ni Vico, ".........may nagtanong talaga na seryoso?"

(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
