"Bastos mo, Dick Gordon."
Isa ito sa gigil na gigil na tweet ng nakapanood ng panayam kay Senator Dick Gordon sa GMA-7 News and Public Affairs program na Unang Hirit.
Ang news anchor na si Connie Sison ang nag-interview sa senador via phone patch nitong Martes ng umaga, May 26.
Nag-trend sa Twitter ang pangalan ni Gordon dahil sa umano'y pambabastos niya kay Connie sa live telecast ng Unang Hirit.
Umabot pa sa Top 3 trending topic ang senador.
Si Gordon ang chairman at chief executive officer ng Philippine Red Cross, isang non-government organization na naglalayong tulungan ang gobyerno sa humanitarian efforts.
MASS TESTING ON REPATRIATED OFWS
Base sa ulat ng Unang Hirit, pinag-uusapan ang mass testing na ginagawa ng Philippine Red Cross para sa libu-libong overseas Filipino workers na bumalik sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Tinanong din ni Connie ang senador tungkol sa mga "dumadaing" sa presyo ng polymerase chain reaction (PCR) testing na "PHP4,500."
Nilinaw ni Gordon na "PHP3,500" ang singil kada PCR testing.
Ang real-time reverse transcription-PCR test kits ay gumagamit ng actual swabs mula sa mga pasyente na kinukuha mula sa ilong o lalamunan. Ang test na ito ay nagdedetermina kung mayroong coronavirus ang pasyente o kung siya ay infected.
Inalam ni Connie mula sa senador kung may paraan para mas mapabilis ang proseso.
Ito ay upang hindi na i-require ang OFWs na pumunta sa PhilHealth para magpa-reimburse ng gastos sa COVID-19 test.
Sinabi ni Gordon na ang tanging masisiguro niya, isa hanggang tatlong araw lang ang itinatagal ng testing sa laboratories ng Philippine Red Cross.
Kaagad daw itong ibinabalik sa DOH.
Iyon nga lang ay nagkakaproblema raw sa encoding, na hindi naman raw hawak ng Philippine Red Cross.
Hindi rin daw masisi ng senador ang sinuman sa gobyerno dahil sadyang mahirap na trabaho raw ang hinaharap nila ngayon.
Aniya, "24 na barko" ang inakyat ng Philippine Coast Guards na tumulong sa pagkuha ng swab tests para sa "33,000" repatriated OFWs/seamen.
"Biruin mo yun, napakahirap," dagdag ng senador.
SENATOR GORDON'S SUDDEN OUTBURST
Kung susuriin ang panayam, maayos ang pagtatanong ni Connie, pati na rin ang pagsusuma niya sa mensaheng nais iparating ni Gordon sa taong-bayan.
Pero nang magsabi si Connie na mayroon siyang huling tanong para kay Gordon, bigla na lang sinita ito ng senador na nagsabing hindi nakikinig si Connie.
"Can you listen to me, please? Kasi parang hindi ka nakikinig.
"I'm sorry, but I have to be very frank," iritableng sabi ni Gordon kay Connie.
Tila nagulumihan pa si Connie na napatanong, "Ano po iyon?"
Patuloy na salita ni Gordon: "Importante ang mga sinasabi namin. Na dapat maintindihan ng tao.
"We have to test and there is payment. Because yung China, sinisingil tayo niyan.
"Yung mga testing kit, sinisingil tayo. Tinataas pa nga nila.
"Gusto nila pag bumili ka ng isang machine ngayon, bibili ka ng 20,000 to 30,000 test kits.
"Magkano isa, 15 dollars to 18 dollars. Multiply niyo. Milyun-milyong dolar na 'yan."
Pinatapos ni Connie ang pahayag ni Gordon.
Tila nasa defensive mode ang senador sa mass testing na ginagawa ng gobyerno at ng Philippine Red Cross.
Ang isyu sa dumadaing na repatriated OFWs—na naghihintay ng go signal para sila ay makauwi sa kanilang tahanan—ay ilang araw nang laman ng headlines sa telebisyon at online news sites.
Saka sinabi ni Connie, "Sir, this is the reason why we're actually getting your side, para mas maplantsa..."
Pasinghal na sumabat si Gordon, "There is no side! Excuse me, there is no side!"
Kalmadong paglilinaw pa rin ni Connie, "Okay. At least your opinion on this. Kasi eto ho ang tanong din ng ating mga kababayan, Sir."
Pero inis pa rin si Gordon.
Sabi ng senador, "No, no! Don't tell us na meron kayong pagsasabungin kami."
Sa puntong ito ay binanggit ni Gordon na "nagalit" siya sa pagkukumpara sa "high speed test" na ginagawa raw ng iba.
Dagdag ng senador, "Hindi ko sila pipigilin. Wala akong pakialam dun!"
Kalmado pa ring nagpaalam si Connie sa senador bago tapusin ang kanilang panayam.
Aniya, "Alright, Senator. Naku, magandang umaga naman ho naman sa inyo."
Iritableng sagot ni Gordon, "Hindi! Pagod na kami!"
Sabi ulit ni Connie, "Thank you so much for your time, Senator Dick Gordon."
Pabalang na sagot pa rin ni Gordon, "Sige!"
THE VIEWERS' REACTIONS
Nanggigil ang mga nakapanood sa inasal ni Senator Gordon, na tinawag nilang "bastos, rude, at unprofessional."
Kung pagod man daw ang senador sa dami ng trabaho nito, hindi raw dahilan iyon para ibunton ang inis o galit nito kay Connie.

Nagulat daw ang mga manonood sa "pananalita" ni Gordon kay Connie.

Napansin ng netizens na pabalang daw ang sagot ng senador.
Habang si Connie ay nanatiling "professional" daw at nakapagbigay pa nang maayos na "closing greeting" sa senador.


Hanga raw ang netizens sa "composure" ng Unang Hirit news anchor.
Sabi pa ng isang netizen, "Be like Connie Sison with professionalism" sa mundo na "full of unprofessional DICK Gordon!"
Dagdag pa nito, "You can't really learn and buy respect!"

(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
