Ang actor-record producer na si James Reid ang bagong Ambassador for Food Security ng bansa.
Kinumpirma ito ng Department of Agriculture (DA) sa isang event ng kagawaran ngayong Martes, May 26.
Pinangunahan ni Agriculture Secretary William Dar ang opening ceremony ng Farmers’ and Fisherfolks’ Month sa DA Central Office sa Quezon City.
Kasama ang iba pang DA officials, dumalo sa event ang 27-year-old Filipino-Australian actor.
Ipinakilala ni Secretary Dar si James bilang bagong talagang DA Ambassador for Food Security.
Pangungunahan ni James ang malawakang information campaign ng DA “on ensuring sustained food security, food accessibility and affordability.”
Ayon sa post ng official Facebook page ni Secretary Dar, imumulat din ni James ang tulad niyang kabataan at ang iba pang advocates sa mahalagang kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda.
Bago pa man magkaroon ng coronavirus pandemic, matagal nang frontliners sa pagtiyak ng food supply sa bansa ang ating mga magsasaka at mangingisda.
JAMES VOLUNTEERS
Kaugnay nito, sinabi ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na nag-volunteer si James sa kagawaran.
Si Reyes, na dumalo rin sa event, ang tumatayong tagapagsalita ng DA.
Sa report ng Manila Bulletin, quoted si Reyes sa pagsasabing si James “volunteered for this.”
Ibig sabihin, hindi tatanggap ng suweldo ang actor-singer sa kanyang bagong trabaho.
Nakilala si James sa showbiz bilang Big Winner ng Pinoy Big Brother: Teen Clash 2010.
Pero mas sumikat si James bilang other half ng "JaDine" love team nila ng ex-girlfriend niyang si Nadine Lustre.
HYDROPONICS GARDENING
Dagdag pa ni Assistant Secretary Reyes, miyembro raw si James ng isang grupo ng millennials na nagsasagawa ng hydroponics.
Ang hydroponics ay isang paraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng halaman na hindi gumagamit ng lupa.
Sa halip, gumagamit ng mineral nutrient solutions sa water solvent kung saan lumalaki ang halaman.
Kabilang sa mga halamang maaaring palakihin sa hydroponics system ang kamatis, lettuce, pipino, at herbs, ayon sa greenandvibrant.com.
AGRI-DRIVEN ECONOMY VS PANDEMIC
Sa kanyang panig, binigyang-diin ni Secretary Dar ang importansiya ng agriculture sector sa pagbangon ng ekonomiya pagkatapos ng pandemic.
Sabi ng DA Chief: “For us to rise stronger from this COVID-19 crisis, the government must encourage the development of an agriculture-driven economy.
“Investments in agriculture can help revive food production and create jobs, following a crisis, and enable rural communities to recover.”
THANKFUL JAMES
Sa pamamagitan ng Instagram post ngayong Martes, nagpasalamat si James sa tiwalang ibinigay ni Agriculture Secretary Dar.
Mababasa sa caption ni James: “LETS GROOOW [I love you hand sign emoji]
“Thank you to the Department of Agriculture and Secretary Dar for trusting me with the role of Ambassador of Food Security.”
Ipinost ni James ang litrato niya habang kalong ang isang halaman na “gift” sa kanya ng kagawaran.
Pasimple ring nagbigay ng hint ang actor-singer tungkol sa mga proyektong pinagkakaabalahan niya bilang bagong food security ambassador.
“Thanks for the gift [seedling emoji],” bahagi pa ng post ni James.
“Can’t wait to show everyone what we’ve been working on during quarantine! #plantplantplant”
Ginamit ni James sa hashtag ang bagong programa ng DA na Plant, Plant, Plant.
Isinabay sa Farmers’ and Fisherfolks’ Month event ang launch ng nabanggit na DA program.
May PHP31 billion budget, layunin ng programa na mapasigla ang agri-fishery production, at matiyak ang supply ng bigas, karne, isda, at iba pang pagkain sa bansa.
CELEBRITY AGRI AMBASSADORS
Hindi si James ang unang celebrity na naging ambassador para sa DA.
Gaya ni James, nag-volunteer din ang aktor na si Robin Padilla sa DA noong June 2019.
Hangad daw ni Robin na tulungan ang DA para mapalakas ang benta ng agricultural products ng Pilipinas sa loob at labas ng bansa.
Taong 2013 naman nang maging Rice Ambassador ng kagawaran ang aktres na si Jasmine Curtis-Smith.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
