Umagaw ng pansin sa second hearing ng ABS-CBN franchise renewal sa Kongreso ngayong Martes, May 26, ang "Bawal Lumabas" video ni Kim Chiu.
Isang kongresista ang nagpalabas ng video ng Kapamilya actress upang idiiin na "hindi nag-comply sa batas" ang broadcast giant.
Sa kanyang opening statement, sinimulan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang presentasyon niya sa viral video ni Kim Chiu.
Mapapanood dito ang sinabi ng Kapamilya actress, sa isang Facebook Live ng Kapamilya stars, tungkol sa “classroom law” na inihambing niya sa pagpapasara ng ABS-CBN.

Matapos ang video, sinabi ni Marcoleta, “Mr. Speaker, my distinguished colleagues, hindi po nag-comply sa batas ang ABS-CBN, kaya hindi po sila puwedeng lumabas at magpalabas."
Kasunod nito ay inisa-isa ng SAGIP Party List representative ang mga dahilan kung bakit hindi na raw dapat bigyan ng prangkisa ang Kapamilya network.
May mga nilabag daw itong probisyon ng napasong legislative franchise.
Una na raw dito ang duration ng prangkisa na lagpas na sa 50 taon.
Nakalagay raw sa Saligang Batas na ang franchise ng isang broadcast station ay dapat limampung taon lamang.
Fifty-three years na raw ginagamit ng ABS-CBN ang frequency na ibinigay ng gobyerno.
Taong 1957 nang makuha ni Eugenio Lopez Sr. ng Chronicle Broadcasting Network (CBN) ang Alto Broadcasting Services (ABS).
Mula 1967, naging ABS-CBN na ang pangalan ng istasyon dahil sa merger, kaya simula raw noon ay 53 years na itong gumagamit ng airwaves.
Sixty-three years naman kung isasama ang paggamit ng airwaves ng CBN.
Ayon kay Marcoleta, dapat daw hindi magpagamit ang Committee on Legislative Franchises sa ABS-CBN dahil babaliin na naman nito ang nakasaad sa batas.
Inungkat din ni Marcoleta kung paano naibalik sa pamilya Lopez ang ABS-CBN mula sa gobyerno noong matapos ang martial law taong 1986.
FOREIGN OWNERSHIP
Tinalakay din ng mambabatas ang tungkol sa foreign ownership ng ABS-CBN.
Labag daw sa Konstitusyon na ang broadcast media or anumang media sa bansa ay may nagmamay-aring dayuhan.
Ayon kay Marcoleta, ang dating chairman at may-ari ng ABS-CBN na si Eugenio “Gabby” Lopez III ay "American citizen."
Sabi ni Marcoleta, “ABS-CBN former president Mr. Eugenio “Gabby” Lopez III, who's an American citizen when he took the helm of the company in 1986 as director, then president and chairman in later years.
“It was only in 2000 that he petitioned for recognition for Filipino citizenship, and was issued a certificate of recognition as a Filipino citizen in 2002.”
Kahit wala na raw posisyon sa network si Lopez, nagpatuloy pa din daw ang paglabag ng network sa foreign ownership.
Ito ay nang nagbebenta pa raw ito ng ownership rights sa mga banyaga sa pamamagitan ng PDRs (Philippine Depository Receipts).
Sa hearing sa Senado noong February 2020, sinabi ng ABS-CBN executives na hindi American citizen si Lopez kundi natural-born Filipino.
Sa pahayag ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak sa hearing sa Kongreso ngayong araw, sinabi rin nitong wala silang nilabag sa pagbebenta ng PDRs.
“Nanggaling sa SEC [Securities and Exchange Commission] na aprubado sa kanila ang pag-issue ng mga PDR,” paglilinaw ni Katigbak.
VIOLATION OF WORKERS' RIGHTS
Inungkat din ni Marcoleta ang mga diumano’y labor abuses ng ABS-CBN.
"ABS-CBN has not regularized its contractual workers and talents despite performing the functions of regular workers... [It] consequently denied its employees the benefits required by law to be provided by all employers.”
Ibinigay niyang halimbawa ang kasong isinampa sa National Labor Relations Commission (NLRC) ng mahigit isang daang dating tauhan ng network na natanggal sa trabaho dahil talents lamang daw sila.
Nanalo sila sa NLRC at kalaunan ay sa Court of Appeals.
Pero hindi raw sinunod ng ABS-CBN ang hatol at umapela ang istasyon sa Supreme Court.
Mali rin daw sabihin ng network na lagpas 11,000 ang kanilang mga tauhan.
Sa imbestigasyon daw ni Marcoleta, mayroon lamang daw 2,661 regular employees ang ABS-CBN.
Ang nalalabi pang mahigit 8,000 na sinasabing empleyado ng network ay mga independent contractors o talents lamang daw.
POLITICAL BIAS
Inungkat din ni Marcoleta ang political bias umano ng ABS-CBN.
May mga kandidato raw kasi itong pinapaboran kapag may gaganaping eleksyon.
Bawal daw ito sa kanilang prangkisa at sa Omnibus Election Code.
Binanggit din ng kongresista ang hindi pag-ere ng political advertisement ni noo’y Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte kahit bayad na ito.
Kung hindi lamang daw sa temporary restraining order (TRO) na inilabas ng korte, may nakahanda na raw black propaganda ads ang network na ieere sa bisperas ng pagtatapos ng campaign period.
Funded daw ito ng isang dating senador. At sinadya raw ang timing nito na lumabas ilang oras bago magtapos ang campaign period upang hindi na makasagot noon si Duterte.
Hindi raw dapat payagan ang ABS-CBN makialam sa pulitika ng bansa.
Paalala pa ni Marcoleta sa ABS-CBN, “You are a broadcasting company, not a political kingmaker.
"Either you play ball, or you play fair.”
MULTIPLE CHANNELS/TAX AVOIDANCE
Isinunod ni Marcoleta ang isyu diumano tungkol sa ABS-CBN TVplus.
Inalmahan ng Federation of International Cable TV Association of the Philippines (FICTAP) ang ABS-CBN TVplus dahil unti-unti raw pinapatay nito ang kabuhayan ng maliliit na cable providers.
Sabi ni Marcoleta, pang-aabuso raw ito ng network sa kanyang prangkisa.
Hindi raw saklaw ang TVplus sa dating prangkisang ipinagkaloob sa ABS-CBN ng Kongreso.
Pero sa statement ni Katigbak sa hearing, sinabi nito, “Ang Department of Justice ang nagsabi na hindi labag sa prangkisa ang KBO.”
Pumunta naman si Marcoleta sa diumano’y pag-iwas ng ABS-CBN sa pagbayad ng tamang buwis.
Malaking tulong daw sana ito sa gobyerno.
Isang subsidiary raw ng network, ang Big Dipper, na isang PEZA-recognized company, ang ginawang tax shield ng ABS-CBN.
Dahil dito, nakaiwas daw ang network sa pagbayad ng tamang buwis sa gobyerno sa mga taong 2017, 2018, at 2019.
Hindi raw katulad ng GMA Network na nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno, kahit hindi naman daw kasinglaki at kasingyaman ito ng ABS-CBN.
Narito ang chart na ipinakita ni Marcoleta sa hearing:

Sagot naman ni Katigbak, wala pang korte ang nagsasabing lumabag sila sa batas.
Saad pa ng top man ng ABS-CBN, “We agree. The law is the law.
"And under the law, we are innocent unless proven guilty.
"Up to now, there is no court that has determined we have broken any laws.
“Sabi po ng BIR [Bureau of Internal Revenue], bayad ang aming buwis.”
Nagtapos ang presentasyon ni Marcoleta sa isa na namang video. Ang isang ito ay nagpakita naman sa sagutan sa telebisyon nina Vice Ganda at Pastor Apollo Quiboloy tungkol sa pagpapahinto ng trapik sa EDSA.
At gayundin sa sagot ni Quiboloy, isang Duterte supporter, na baka raw ang istasyong kinabibilangan ni Vice ang magpaalam sa ere.
Wala nang iba pang nakapagsalita sa hearing dahil halos dalawang oras lamang ang itinakdang pagdinig.
Naka-schedule ang susunod na congressional hearing sa Lunes, June 1.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
