Oo, nagdo-donate si Pia Wurtzbach sa mga sinusuportahan niyang fundraisers.
Kinumpirma ito ng 30-year-old former Miss Universe sa isa niyang Instagram follower.
Lakas-loob kasing nagtanong ang curious na follower kung nag-aambag din si Pia sa pondong nakakalap niya para sa iba’t ibang advocacies.
Nangyari ito kasunod ng bagong fundraiser ni Pia para sa World Wildlife Fund for Nature (WWF) Philippines.
Sa isang Instagram post nitong Linggo, May 24, umapela ng donation ang Filipina-German beauty titlist upang mapailawan ang dalawang fishing communities sa Masbate.
Ito ay ang Barangay Boca Engano sa bayan ng Claveria sa Burias Island, at ang Barangay Guinhadap sa Monreal, Ticao Island.
SENDING LIGHT TO FISHING COMMUNITIES
Ayon kay Pia, walang permanenteng supply ng kuryente sa dalawang barangay.
Target ng WWF na makakalap ng PHP600,000 upang makabili ng 400 solar lights na magbibigay liwanag sa mga nabanggit na lugar.
Ang solar lights, ayon kay Pia, ay “handheld devices that can provide lights with just one tap!”
Kaya naman umaapela ng donation ang beauty queen para mabigyan ng permanenteng liwanag sa gabi ang mga pamilyang mangingisda.
Ilang oras matapos mag-post, nagbigay ng update si Pia, kasabay ng pasasalamat.
Isinulat niya sa comments section (published as is):
“Ang bilis ng pag akyat ng donations [crying with tears emoji]
“thank you guys! P”

JUST CURIOUS
Sa puntong ito napakomento ang lalaking follower.
Sa diyalektong Bisaya, sinabi nitong natutuwa siya at ginagamit ni Pia ang influence nito sa makabuluhang advocacies.
Pagkatapos ay nagtanong ang lalaki.
Nag-aambag din daw ba si Pia para makadagdag sa pondo, o tumutulong lang sa pangangalap ng donations?
Sagot ni Pia sa netizen: “syempre nag bibigay rin po [smiling face with smiling eyes emoji]”

Hindi naman nagustuhan ng ibang Instagram followers ng beauty queen ang pag-uusisa ng netizen.
Tinawag nilang “stupid” ang komento nito, at sinabihan ng “grabe kapal magtanong.”


Pero mabilis na dinepensahan ni Pia ang nagkomento mula sa mga nang-aaway dito.
Reply ni Pia: “hahaha okay lang naman magtanong.
“Hindi naman requirement pero syempre mas maganda kung naka donate ka rin doon sa fundraising,” dagdag paliwanag niya.

Sumang-ayon kay Pia ang dalawa pa niyang Instagram followers.
Nagpasalamat pa nga sila na nag-usisa ang netizen.
Iyon din daw kasi ang tanong na nasa isip nila, “if nagdo donate din mga artista na nanawagan for help.”


PIA RAISED FUNDS TO BUY MEDICAL MASKS
May 18 nang ianunsiyo ni Pia sa Instagram ang partnership niya sa WWF para sa tatlong fundraising campaigns.
Ito ay matapos na makumpleto niya ang pamamahagi ng 44,000 medical masks para sa frontliners sa 37 ospital sa bansa.
Sa parehong post, nagpasalamat si Pia sa lahat ng nag-donate.
Lumampas kasi sa target na PHP1 million ang nakalap ng kanyang grupo para sa mga healthcare frontliners.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
