Kung akala ng marami ay kampante na si Daniel Padilla, 25, dahil tried and tested na ang tambalan nila ni Kathryn Bernardo, 24, nagkakamali sila.
Aminado si Daniel na sa kabila ng pamamayagpag ng KathNiel—ang tawag sa kanilang love team—sa loob ng halos isang dekada, hindi nawawala ang kanilang pagdududa kung hanggang kailan sila tatangkilikin.
Taong 2011 nang unang magtambal ang dalawa sa Growing Up, isang youth-oriented show sa ABS-CBN.
Simula noon, tuluy-tuloy na ang pagsikat ng kanilang love team.
Fast-forward sa kasalukuyan, aminado si Daniel na malaking hamon na panatilihing relevant ang KathNiel.
“Ang kasama ko sa romance movies, e, si Kathryn.
"At nine-and-a-half years na yata kaming magkasama sa lahat ng rom-com at drama na pelikula,” paliwanag ni Daniel.
Ayon sa aktor, hindi madali kahit isa sila sa pinakasikat na love team sa kasalukuyan.
“Mahirap, kasi ang dami na naming nagawa, e.
“Ang dami na naming pelikulang nagawa, laging challenge…
“Yung, ‘O, pa’no na ‘to ngayon? Pa’no na naman niyo iibahin ito ngayon? Hindi ba?”
Nagkuwento si Daniel sa Actors's Cue session na pinangunahan ni direktor Adolf Alix Jr. noong May 22.
Ang naturang live virtual interview, na napanood sa Facebook, ay bahagi ng #ExtendTheLove fundraising efforts para sa film workers na nawalan ng trabaho dahil sa kasalukuyang health crisis.
THE HOWS OF US
Patuloy ni Daniel, marami ang nagduda noon kung papatok ba ang The Hows of Us, ang pelikula nila ni Kathryn noong 2018.
“Nung nagsisimula kami nung Hows of Us, ang daming mga tanong, ang daming kuwestiyon sa aming dalawa, na baka hindi na panoorin.
“O, baka hindi na panoorin ang pelikula niyo dahil parang lahat, e, nagawa niyo na.”
Ipinalabas ang pelikula noong August 2018, at naging certified blockbuster hit.
Ang The Hows Of Us ang kasalukuyang second-highest grossing Philippine movie.
Nangunguna lang dito ang Hello, Love, Goodbye, ang 2019 movie na pinagbidahan ni Kathryn at ng Kapuso actor na si Alden Richards.
Lahad pa ni Daniel, “Mas challenging siya, pero mas satisfying din, lalo na pag positive yung outcome ng pelikula.
“Hindi siya madali at kailangan naming trabahuhin.
"Kailangan iba-iba rin. Kasi kung pare-pareho lang, wala namang mangyayari na."

Ang susunod na pelikulang pagtatambalan ng KathNiel ay ang After Forever, na naantala ang shooting dahil sa pandemic.
DANIEL HAD TO PROVE HIMSELF
Inalala rin ni Daniel ang mga hamon na hinarap niya nang itambal siya kay Kathryn sa teen drama anthology na Growing Up.
Wala pa raw napapatunayan noon si Daniel, habang nagsisimula nang makagawa ng pangalan si Kathryn dahil sa tagumpay ng teleseryeng Mara Clara noong 2010.
Doon daw unang naranasan ni Daniel ang pamba-bash dahil ang unang ipinareha noon kay Kathryn ay si Albie Casiño.
“Dun ko first time nakita yung mga basher dahil galit sila sa akin, dahil ang original na love team ni Kathryn noon si Albie.
"Sabay next show, biglang ako yung kasama.
“Inaano ako ng mga tao.”

Pero naging motivation daw ito ni Daniel para patunayan ang sarili.
“Dun ako nagkaroon na… kailangan kong galingan, kailangan kong patunayan sa kanila na worthy ako ipinalit para kay Kathryn.
“Ayokong pumalpak dahil ako yung baguhan. Extra effort na mas husayan.
“I did my best. Dun na nag-ano sa ‘kin na kailangan kong husayan at kailangan ding galingan para sa co-actor ko na si Kathryn.”
Sa telebisyon, nagtambal sina Daniel at Kathryn sa mga teleseryeng Princess And I (2012), Got To Believe (2013), Pangako Sa 'Yo (2015), at La Luna Sangre (2017).
Kabilang naman sa mga pinagbidahan nilang mga pelikula ang Must Be... Love (2013), She's Dating The Gangster (2014), Crazy Beautiful You (2015), Barcelona (2016), Can't Help Falling In Love (2017), at The Hows of Us (2018).
Bukod sa pamamayagpag ng kanilang love team, patuloy rin ang pagtibay ng relasyon ng dalawa na halos walong taon nang magkasintahan.
(Alam mo ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here: https://bit.ly/PEPBotQuiz)
