Detach Video
This Week In Showbiz: Nung mapamura si Daniel Padilla sa harap ng maraming tao
Jun 8, 2020

June 1 to 7, 2016, halos katatapos lang ng General Elections.

May mga bagong opisyal ng pamahalaan na uupo sa kani-kanilang mga puwesto.

May bagong halal na presidente na super sikat sa masa.

Sa sobrang sikat niya, napapatawad at napapalusot ng 16 million na bumoto sa kanya ang ilang nakaka-offend sa iba na gawain niya.

Kagaya ng paninipol sa babae.

"CATCALLING" PRESIDENT

NOON: Sa isang press conference, ilang araw pagkapanalo ni Rodrigo Duterte bilang pang-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sinipulan nito ang GMA-7 news reporter na si Mariz Umali.

Nagtatanong si Mariz noon kung ano ang gagawin ni noo'y President-Elect Duterte sa Cabinet members na hindi magtatrabaho nang maayos.

Imbes na sagutin ang tanong, sinipulan ni Duterte si Mariz at pagkatapos ay kinantahan pa ito.

Sinagot din naman kalaunan ng president-elect ang tanong ni Mariz.

Sa kanyang Facebook account, ipinahayag ng asawa ni Mariz at kapwa GMA News reporter na si Raffy Tima ang pagkadismaya sa inasal ni Duterte.

Aniya, maling sipulan o i-"catcall" ang kanyang asawa, lalo na ng bagong presidente.

Mas nadismaya pa raw siya dahil tila kinunsinti ng mga nasa presscon ang ginawa ni Duterte.

Dapat daw aniya, "When you see or hear anyone say something wrong, you do not encourage it, you do the opposite.

“Or in that particular instance at least, they should have kept quiet and in their silence gave the message that what the mayor did was wrong."

Alam ni Raffy na mapagbiro ang bagong presidente, pero hindi lahat ng biro ay nakakatawa.

“Some jokes are funny and should be laughed at... but disrespecting women is definitely not one of them.”

Sa sumunod na press conference ni Pangulong Duterte, itinanggi niyang binastos niya si Mariz at ang pagsipol daw niya ay kanyang "freedom of expression."

NGAYON: Bihira nang magbiro si Presidente Duterte, lalo na't sa harap ng krisis na dulot ng COVID-19.

Bukod pa rito, abala rin siya sa pagharap sa isyu ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill na pinamadali pa niya sa Kongreso ngunit sinalubong ng hindi magandang reaksyon mula sa mga mamamayang Pilipino.

GOOD TIME GIRL'S CLAIM

NOON: Nakakaiskandalo naman nung unang linggo ng June 2016 ang rebelasyon ng sexy comedienne na si Keanna Reeves.

Claim ni Keanna, naka-sex niya raw sina Cogie Domingo, Luis Manzano, John Prats, at iba pang mga aktor.

Ginawa niya ang pambubulgar sa podcast ni Mo Twister na Good Times with Mo.

Hindi naman nagsalita ang mga aktor na nabanggit tungkol sa claim ni Keanna.

NGAYON: Matapos na mademanda nung 2018 dahil sa kasong cyberlibel, ipinagpatuloy ni Keanna ang kanyang showbiz career.

Nakalabas pa sa ilang Kapamilya shows si Keanna bago napasara ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN nitong Mayo.

OLD TWEET, YOUNG MAINE

NOON: Nag-react ang Sexbomb Dancer at actress na si Rochelle Pangilinan sa isang diumano'y lumang tweet ni Maine Mendoza.

Sabi sa lumang tweet (publised as is): "May Daisy Siete papala! Nakakatawa! Puro ka jologsan ng Sexbomb. Yuck! Yuck! Yuck!"

Sabi ni Rochelle baka raw na-hack ang Twitter account ni Maine dahil alam niyang edukadong tao ito.

Pero kung sakaling nag-tweet nga si Maine ng ganito "deadma" na lang daw.

Pagtatanggol naman ng ilang fans ni Maine, luma na ang tweet. March 15, 2010 pa yun na-post.

Hindi nagustuhan ng fans ng Eat Bulaga Dabarkad na nahalungkat pa ni Rochelle ang lumang tweet ni Maine.

Natural daw na dahil bata pa noon si Maine at wala pa sa showbiz kaya nakapag-tweet nang ganoon.

Hindi naman nagsalita si Maine tungkol sa isyu na ito.

NGAYON: Tuluyan nang namatay ang issue tungkol sa lumang tweet ni Maine laban sa Sexbomb Dancers at Daisy Siete.

Kabilang pa rin si Maine sa hosts ng Eat Bulaga na minsan ding naging tirahan nina Rochelle at mga kasamahan niya sa Sexbomb Dancers.

STOP THE MEMES

NOON: Binabalitaan at ginagawan ng memes ng kanyang fans si Angel Locsin.

Laman ng mga memes at balita—sina Jessy Mendiola at ex-boyfriend ni Angel na si Luiz Manzano.

Sabi ng fans, nagde-date na ang dalawa.

At bilang pagpapakita ng inis nila sa nali-link sa dating boyfriend ng kanilang idolo, panay ang share nila ng memes na bina-bash si Jessy.

Nagpapasalamat naman si Angel sa concern na ipinapakita ng kanyang fans sa kanya.

Pero pakiusap ng aktres sa kanyang fans, itigil na ang pamba-bash dahil wala rin daw itong magandang maidudulot.

NGAYON: Tuluyan nang naging magkarelasyon sina Luis at Jessy, habang si Angel naman ay nakakita ng pag-ibig sa matagal nang kaibigan na si Neil Arce.

SHOWING HE'S STILL HUMAN

NOON: Habang kumakanta si Daniel Padilla sa isang show ng Kapamilya artists sa isang probinsiya, isang grupo ng kabataan ang nakakuha ng kanyang atensyon.

Maya-maya pa'y binulungan ni Daniel ang kanyang head of security sabay turo sa namataang kabataan.

Ilang sandali pa, sinipat niya uli ng tingin at hinarap ang mga kabataan, sabay sabing, "O, ano, nasa'n na kayo?

"Gago pala..."

Agad naman humingi ng tawad si Daniel sa audience dahil sa nasambit na mura.

Napag-alaman na kaya gano'n ang reaksyon ni Daniel ay dahil iniinis siya ng mga nakita niyang kabataan.

Nagdi-dirty finger daw ang mga ito at sumisigaw pa ng "Shut up ka na lang!"

May kaugnayan ang linyang iyon sa naging panayam ni Daniel nung kasagsagan ng pangangampanya niya para kay Mar Roxas nung 2016 (General) Presidential Elections.

NGAYON: Artista pa rin si Daniel, marami pa ring humahanga't umiidolo, at hindi nakaapekto sa kanyang career ang sandaling pagiging tunay na tao niya nung gabing iyon sa isang show sa isang probinsiya.

Recommended Videos

Featured Searches:

Read the Story →
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results