h
Hindi pinalampas ng mag-inang Sharon Cuneta at Frankie Pangilinan ang pang-iinsulto ng bashers kay Senator Francis "Kiko" Pangilinan.
Kahapon, June 7, inilantad ni Frankie ang isang basher na tinawag na "Kiko unggoy" ang kanyang ama.
Sinamahan ito ni Frankie ng quote na nagsasabing "if you block them just because their beliefs differ from yours then you’re against free speech."

May sumunod na netizen na napatanong kung mas angkop ba ang "kiko matsing."
Si Kiko Matsing ay isang puppet monkey na sumikat mula 1984 hanggang 2002 sa children's show na Batibot.
Sagot ni Frankie, mas tamang tawagin ang ama niya sa pangalan nitong "kiko pangilinan."

Pati si Sharon ay napuna ang name-calling ng basher laban kay kay Senator Kiko.
Ang lakas daw ng loob na basher mang-alipusta gayong hindi nito maipakita sa display photo ng kanyang Twitter account kung anong hitsura nito.
Isa lang ang follower ng basher at kagagawa lang ng Twitter account nitong April 2020.
Buwelta ni Sharon, "Patingin naman ng pikchur mo.
"Tapang mo magsabi ng 'unggoy' eh nakakahiya naman sayo kung kamukha mo si brad pitt o angelina jolie. Awwww..."
Paglilinaw pa ng Megastar, "That’s for the troll who said your dada’s a meenki."

May ilang supporters si Frankie na sumang-ayon kay Sharon na "troll" ang basher na nagsabing "kiko unggoy."
Wala raw epekto ang pambabatikos nito sa senador dahil iisa lang naman daw ang follower nito.
May nagbanggit ding baka binayaran ng "500" pesos ang troll na bumabatikos kay Senator Kiko.
Sabi pa ng isang netizen, "Dds troll used the ad hominem attack It was funny but it wasn't very effective!"
Ang DDS ay kilalang abbreviation para sa "Diehard Duterte Supporter."


HOW TROLLS WORK
Ang troll, ayon sa GMA-7 public affairs program na Brigada, ay isang tao na binayaran para gumawa ng multiple fake accounts para i-promote ang isang kliyente.
Noong February 2019, nakapanayam ng GMA News reporter ang isang master troll na itinago sa pangalang "Don."
May dalawang klase raw ng trolls: ang white troll at ang black troll.
Trabaho ng white troll na pabanguhin ang pangalan ng kliyente tulad halimbawa raw ay isang pulitiko.
Ang black troll naman ay iyong umaatake sa sinumang kalaban ng kliyente.
Ipinaliwanag din ni Don na ang proseso ng pagbibigay serbisyo ng troll army na "boosting, defense, fortify."
Iuutos daw ng pulitiko ang kampanyang gusto nito sa isang Public Relations Head.
Makikipag-ugnayan naman ang PR Head sa isang Content Editor, na siyang bubuo ng centralized mensahe at hashtag na siyang ipapakalat naman ng trolls.
Ang master troll tulad ni Don ay may hawak daw na 500 trolls. At kada isang troll ay bumubuo ng 100 to 200 fake accounts.
Ang isang "entry level" troll ay maaari raw kumita ng P30,000 kada buwan.
Habang ang senior troll ay kumikita ng PHP50,000 hanggang PHP70,000.
ANTI-TERRORISM BILL
Bukas naman si Frankie sa pagsasabing madalas siyang makatanggap ng hate messages mula sa "trolls."
Aware daw siya sa trabaho ng troll army na tumitira sa sinumang naghahayag ng opinyon laban sa gobyerno.
Aktibo si Frankie sa pagbahagi sa social media ng kanyang pananaw sa current events sa Pilipinas, tulad ng pagkontra niya sa Anti-Terrorism Bill.
Hindi raw niya lubos maisip kung paanong naatim ng mga mambabatas na atupagin ang pagkitil sa freedom of expression ng mamamayan sa gitna ng pandemya.
June 3 nang ipagmalaki ni Frankie ang quote ng ama na nagsasabing "Gamot ba ang Anti-terror bill sa COVID-19?
Noong June 4, inilatag ni Frankie ang dahilan niya kung bakit nakikiisa siya sa "#junkantiterrrorbillnow."
Naniniwala siyang paglabag sa human rights ang "arrest without warrant" sa mga pinaghihinalaang sangkot sa terorismo.
Kuwestiyonable rin daw ang probisyon na maaaring manatili ng "14 days" sa piitan ang isang inaresto.
Gayong sa existing law ay tatlong araw lang ang period of detention sa isang inaresto nang walang warrant.
Tweet ni Frankie, "Why 14 days? If security officials and law enforcers are doing their job, why will it take them long to file a case?"
Ipatutupad daw ba ang kalakarang "arrest and detain now, produce or invent evidence later," na talamak noong panahon ng panunungkulan ng yumaong diktador at Pangulong Ferdinand Marcos.
Inaalmahan din ni Frankie ang probisyon sa Anti-Terrorism Bill na pinapayagan ang "surveillance of cellphones, calls, wiretapping, phone bills and conversations" ng mga hinihinalang nanghihikayat, nagpaplano, o magsasagawa ng terrorist act.
Ayon pa kay Frankie, nakakaalarma ang panukala dahil maaari itong magamit na "tool of repression" sa mga inosenteng mamamayan sa halip na parusahan ang mga tunay na terorista.
Diin ng 19-year-old na si Frankie, "So, essentially, the primary reason why my father is and why i myself am personally against this bill is that it has every potential to be abused by this administration and the establishment which has been abusing its power ever since it was elected."
Kahapon, June 7, ibinahagi ni Frankie ang kopya ng Anti-Terrorism Bill, at pati na ang kopya ng paliwanag ni Senator Kiko kung bakit "No" ang boto niya sa panukala.
At ngayong Lunes, June 8, nanindigan si Frankie na hindi siya mananahimik tungkol sa kanyang politicial opinions nang dahil lang sa bashers.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
