Daryl Ong allegedly banned from ABS-CBN due to leaked private convo

by Rachelle Siazon
Jun 16, 2020
Singer Daryl Ong on leaked private conversation that led to his alleged removal from ABS-CBN: "Yung guy na nag-record about sa franchise issue, nagkataon kaibigan pala ng isa sa mga big boss sa ABS-CBN. Apparently, pinarinig yung recording. At ang dating sa kanila, wala kaming utang na loob."
PHOTO/S: @imdarylong Instagram

"Hindi po ako ang umalis sa ABS-CBN. Tinanggal po ako. Binan po ako."

Ito ang pahayag ng singer na si Daryl Ong matapos umani ng batikos mula sa netizens at inakusahang sinamantala niya umano ang pagpapasara sa ABS-CBN para makalipat ng ibang TV network.

Si Daryl ay semifinalist ng ABS-CBN reality show na The Voice of The Philippines Season 2 noong 2014.

Nakilala siya sa pagkanta ng covers para sa teleserye theme songs ng ABS-CBN—tulad ng "Ikaw" sa FPJ's Ang Probinsyano, "Stay" sa On The Wings of Love, at "Ikaw Na Nga" sa Bridges of Love.

Kahapon, June 15, naglabas ng video si Daryl sa kanyang YouTube account upang bigyang-linaw kung bakit hindi na siya napapanood sa ABS-CBN.

May "batas" umano ang ABS-CBN management na nagbabawal sa kanyang lumabas sa anumang Kapamilya shows.

May kinalaman daw ito sa leaked conversation nila ng kapwa singer na si Bugoy Drilon tungkol sa nakabinbing renewal ng ABS-CBN franchise.

Continue reading below ↓

Naganap ang insidente habang naghihintay sila sa airport sa Manila bago lumipad patungong Iloilo para sa isang event.

May appearance kasi roon ang BuDaKhel—o ang singing group nina Daryl, Bugoy, at Michael "Khel" Pangilinan.

THE LEAKED CONVERSATION ON ABS-CBN FRANCHISE ISSUE

Huling dumating si Daryl sa airport, at nadatnan daw niyang nag-uusap sina Bugoy at Michael tungkol sa investment sa stocks.

Kasama raw sa umpukan sa isang table ang "isang babeng dating nagwo-work sa ABS" at isang lalaki na hindi raw kilala ni Daryl.

Kuwento ng singer, "Yung babae na dating nagwo-work sa ABS, nag-butt in siya.

"Na-bring up niya yung current situation ng ABS that time regarding the franchise issue.

"So sabi niya, medyo pa-saracastic yung biro niya, 'Bakit di ka mag-invest sa ABS? Ayan o, bagsak yung presyo nila sa stocks dahil meron silang kinakaharap na krisis.'

"Dun nagsimula yung topic about franchise issue."

Sa punto raw na ito nabanggit ni Bugoy ang tungkol sa online petition sa change.org, na layong makalikom ng "one million signatures for ABS-CBN franchise renewal."

Continue reading below ↓

Pinasimulan iyon ng National Union Journalists of The Philippines (NUJP) noong buwan ng Enero.

Makalipas ang isang buwan, noong February 19, ipinasa ng NUJP sa Kongreso ang halos 200,000 signatures na kanilang nalikom mula sa ABS-CBN supporters.

Lumalabas na nangyari ang insidente sangkot sina Daryl at Bugoy bago naipasa ng NUJP sa Kongreso ang petition.

Nabanggit nga raw ni Bugoy sa kanilang usapan na nakita nito sa Facebook ang tungkol sa online petition.

Patuloy ni Daryl: "Sabi ni Bugoy na, '60,000 na lang kulang para mabuo yung one million.'

"Ako naman, nakita ko rin yun. Ang pagkakakita ko naman, 60,000 pa lang yung nagsa-sign.

"Sabi ko kay Bugs, 'Hindi 60,000 na lang. Sixty thousand pa lang. At anong petsa na?'"

Ang pagkakaintindi raw ni Daryl ay may deadline sa paglikom ng signatures. At tingin niya, hindi kakayanin ang one million signatures na tina-target sa petition.

"Tapos, nagdadag ako ng comment, 'Naku, malabo na 'yan. mahirap na 'yan. Kalaban pa man din nila ang gobyerno. Si Presidente ba naman ang kalaban. So, malabo na 'yan.'

Continue reading below ↓

"Dun na po nagtapos yung usapan namin regarding sa franchise issue."

Hindi raw akalain ni Daryl na ni-record pala ng lalaking kasama nila sa table ang usapan nila tungkol sa online petition na humihikayat na ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

"Yung usapan na yun, nire-record pala nung lalaking katabi namin sa table. Hindi namin alam.

"Akala ko kasi kaibigan yun nung babae, na dating nagwo-work sa ABS, na kakuwentuhan namin.

"It turns out, hindi pala niya kilala yung lalaki na yun."

RECORDED CONVO ALLEGEDLY LEAKED TO ABS-CBN BOSS

Ang simple raw nilang kuwentuhan sa airport ay nabigyang-malisya nang makarating sa isang ABS-CBN boss.

Nasa Iloilo na sila—nagdi-dinner pagkatapos ng dinaluhang event nina Daryl, Bugoy, at Michael—nang malaman ni Daryl ang tungkol sa kanilang leaked conversation.

Tinawag daw sina Daryl at Bugoy ng kanilang road manager para lumabas saglit mula sa kanilang celebratory dinner.

Iisa ang manager nina Daryl at Bugoy na mula raw sa Dreamscape.

Continue reading below ↓

Kuwento ni Daryl, nakausap nila sa telepono ang kanilang manager, na siyang nagpaalam sa kanila ng sitwasyon.

Nakarating umano sa isang "big boss sa ABS-CBN" ang tungkol sa usapan nina Daryl at Bugoy sa lagay ng ABS-CBN franchise.

Hindi naman daw galit ang kanilang manager, pero "worried" daw ito kung anong mangyayari dahil sa isyu.

Paliwanag pa ni Daryl: "Yung guy na nag-record about sa franchise issue, nagkataon kaibigan pala ng isa sa mga big boss sa ABS-CBN.

"Apparently, ipinarinig yung recording. At ang dating sa kanila, wala kaming utang na loob.

"Or parang, pinag-uusapan namin yung franchise issue, and it seems na wala raw kaming concern.

"And parang, ang dating sa akin personally, ang impression sa kanila, kumakampi kami sa fact na hindi mare-renew yung license.

"Hindi na kami nabigyan ng chance na magpaliwanag."

Kung tutuusin, ayon kay Daryl, ipinagbabawal sa probisyon ng Anti Wiretapping Law ang pag-record ng pribadong usapan nila ni Bugoy.

Continue reading below ↓

"Nung time na yun, hinihingi ko sana yung recording, gusto ko sana marinig.

"Pero naisip ko rin, hindi nila mapaparinig yung recording.

"Kasi, tama po ba, illegal wiretapping po ba tawag dun? Hindi rin ako sure kung illegal wiretapping tawag dun.

"Hindi rin naging malinaw kung bini-video ba kami or ni-record.

"So, yung mga binanggit na details na andun sa recording, hindi rin ma-verify kung ano ba talaga.

"Hinihingi namin recording, ayaw din ibigay sa amin.

"Naisip ko nga, baka illegal wiretapping yun."

HOT STORIES

ALLEGED DIRECTIVE from ABS-CBN

Pagbalik ng Manila, nag-meeting daw sina Daryl, Bugoy, at kanilang manager.

Doon na raw ipinaalam sa kanila na may direktiba umano ang ABS-CBN na nagbabawal sa kanila ni Bugoy na lumabas ng ABS-CBN shows.

Tukoy ni Daryl sa kanyang manager, "Kinuwento niya, 'Daryl, banned kayo ni Bugoy sa ABS.'

"May batas na bawal kami lumabas sa lahat ng mga shows sa ABS-CBN."

Pero hindi raw sila nagkaroon ng pagkakataong makaharap ang lalaking nag-record ng kanilang usapan at pati na ang ABS-CBN boss na pinagsumbungan umano nito.

Continue reading below ↓

Pahayag ni Daryl: "Nakakalungkot lang na hindi kami nabigyan ng chance magpaliwanag.

"Hindi man lang kami kinausap nung boss.

"Actually, kilala namin kung sinong nag-ban sa amin. Pero hindi ko naman siya puwedeng banggitin kasi baka bawal."

Tingin ni Daryl, wala naman daw siyang nasabing masama liban sa komentong tila mahihirapan ang Kapamilya network sa pagpapa-renew ng prangkisa.

Hindi rin daw tama na pati si Bugoy ay banned din umano sa ABS-CBN.

Ani Daryl: "Actually, more of nagi-guilty nga ako para kay Bugoy, e. Parang ang nangyari, nadamay siya, e.

"Pati siya na-ban kasi nandun din siya sa conversation.

"Pero wala naman siyang sinabing mali, at least, para sa akin.

"Ang sinabi niya lang, '60,000 na lang.' Tapos dun na ako sumingit.

"Sabi ko, 'Hindi, 60,000 pa lang. And mukhang malabo na yun [1M signatures] kasi anong petsa na.'"

EAT BULAGA, TUTOK TO WIN GUESTINGS

Ayon pa kay Daryl, nais niyang linawin ang isyu dahil nakatanggap daw siya ng pambabatikos nang magkaroon siya ng guest appearances sa GMA-7 noong Marso at nitong Hunyo.

Continue reading below ↓

Noong March 11, lumabas ang grupong BuDaKhel sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga.

Nagulat ang supporters nina Bugoy, Daryl, at Michael nang mapanood sila sa karibal na network ng ABS-CBN.

Paliwanag ni Darly, "Kasi po, bago mag-lockdown, dapat po magkakaroon kami ng concert ng BuDaKhel nung March 20.

"Kaya lang nga, since nung March 15 nagkaroon ng ECQ, hindi na natuloy.

"Since bawal nga kami ni Bugoy lumabas sa any ABS-CBN TV show, sobrang thankful naman kami na binigyan kami ng pagkakataon na pinagbigyan kami ng GMA at ng Eat Bulaga, especially ng Eat Bulaga, na makapag-promote ng concert namin.

"Pero nung time na yun, wala namang 'paglipat' na naganap."

Noong June 6, may guest appearance naman si Daryl sa Tutok To Win ni Willie Revillame sa GMA-7.

Nakasama rin nila si Michael Pangilinan sa show.

Ipinakita ni Daryl ang ilang komento ng netizens na tinawag siyang "balimbing" at huwag na raw siyang magpakita sa ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Akusa ng iba, sinamantala umano niya ang pagpapasara sa ABS-CBN ng National Telecommunications Commission noong May 5 para lumipat ng GMA-7.

"Nung nabasa ko yung mga ganitong comments, dun ako nagkaroon ng sense of urgency na ikuwento kung anong nangyari."

Aniya, malaya siyang magkaroon ng guest appearances sa ibang network matapos siyang bawalang lumabas sa ABS-CBN shows.

NO ILL WILL AGAINST ABS-CBN

Sa kabila ng lahat, iginiit ni Daryl na wala siyang sama ng loob sa ABS-CBN.

Aminado siyang malaki ang utang na loob niya sa ABS-CBN na naglunsad sa kanyang singing career.

"Again, nililinaw ko po wala na ako ABS-CBN.

"Pero wala akong galit.

"Wala akong karapatan na hindi maging mapagpasalamat dahil sila naman talaga ang nagbigay ng oportunity sa akin bilang artist na makatawid sa mainstream.

"Kaya habang-buhay ko ipagpapasalamat yun."

Isa-isa rin niyang pinasalamatan ang lahat ng shows sa ABS-CBN na nagbigay ng oportunidad sa kanya para maipakita ang kanyang talento.

Continue reading below ↓

Mula sa sinalihan niyang contest sa The Voice Season 2 hanggang sa guestings niya sa ASAP, It's Showtime, at Gandang Gabi, Vice.

Nabanggit din niya ang iba-ibang team na bumubuo ng mga teleserye na ipinagkatiwala sa kanya ang pagkanta ng theme songs.

Ani Daryl, "Maraming-maraming salamat. Hindi ko kayang sukatin kung gaano kalaking opportunities yung dumating sa akin kundi dahil sa inyo."

Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hingan ng pahayag ang ABS-CBN hinggil sa pahayag ni Daryl.

Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad o organisasyon na nabanggit sa artikulo.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Singer Daryl Ong on leaked private conversation that led to his alleged removal from ABS-CBN: "Yung guy na nag-record about sa franchise issue, nagkataon kaibigan pala ng isa sa mga big boss sa ABS-CBN. Apparently, pinarinig yung recording. At ang dating sa kanila, wala kaming utang na loob."
PHOTO/S: @imdarylong Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results