Sumakabilang-buhay ang business tycoon at bilyonaryo na si Eduardo "Danding" Cojuangco, dahil sa lung cancer, nitong Martes, June 16.
Nagdiwang ng kanyang 85th birthday si Cojuangco nito lamang June 10.
Kinumpirma ni San Miguel Corporation President Ramon Ang ang pagpanaw ni Cojuangco ngayong Miyerkules ng umaga, June 17.
Si Cojuangco ang chairman at CEO ng San Miguel Corporation.
Bukod sa pagiging negosyante ay sumabak din sa pulitika si Cojuangco.
Siya ang founder ng political party na National People’s Coalition.
Naglingkod siya bilang gobernador ng Tarlac (mula 1967 hanggang 1969), congressman ng 1st District ng Tarlac (1969-1972), at naging ambassador ng Pilipinas sa Amerika.
Ang Philippine Basketball Association (PBA) ang isa sa mga unang nagpaabot ng pakikiramay sa mga naulila ni Cojuangco, na kilala rin bilang isang sportsman.
Nagpasalamat din ang PBA sa malaking kontribusyon ni Cojuangco sa kanilang organisasyon at sports
May apat na anak si Cojuangco sa kanyang asawa na si Soledad "Gretchen" Cojuangco—sina Margarita, Luisa, Charlie, at Mark.
Naulila rin ni Cojuangco ang kanyang kasalukuyang partner, ang Bb. Pilipinas-Universe 1996 titleholder at dating aktres na si Aileen Damiles, at ang kanilang dalawang anak na babae.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika