Nakipagtulungan ang dating live-in partners na sina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna sa UP Medical Alumni Society-Cebu Chapter (UPMAS-Cebu) para sa pagpalaganap ng kaalaman upang maiwasan ang hawaan dulot ng COVID-19.
Nasa spotlight ngayon ang Cebu City dahil sa mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases doon.
Umayuda na ang national government, sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), upang masawata ang nakababahalang pagdami ng infected sa siyudad.
JOHN LLOYD CRUZ
Kahapon, June 23, ibinahagi ng UPMAS-Cebu sa kanilang Facebook page ang recorded message ni John Lloyd.
Nakapaloob sa mensahe ng aktor ang tungkol sa safety protocols upang hindi mahawaan ng nakakatakot na sakit.
Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas lagi ng kamay, at social distancing.
Ang tatlong alituntuning ito ay bahagi ng health protocols ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang lalo pang paglaganap ng COVID-19.
Mensahe ni John Lloyd: “Ako man, guilty usahay. [Kahit ako, guilty minsan.]
“Pero sugod karon, wa nay rason. [Pero simula ngayon, wala nang rason.]
“No more excuses. [Wala nang dahilan.]
“Magsuot po tayo ng face mask.
“Maghugas lagi ng mga kamay.
“Manatili po tayo sa ating mga balay [bahay].
“At kung kinakailangan lumabas, sundin po ang social distancing.
“Naay paglaum. [Merong pag-asa.]
"Kita ang paglaum. [Tayo ang pag-asa.]”
Caption sa videopost: “Naa pa ta second chance. [Meron pa tayong tsansa].
“Naay paglaum. [Merong pag-asa.]
“Kita ang paglaum. [Tayo ang pag-asa.]”
“Thank you Mr. John Lloyd Cruz
#TheresHope #kaypinanggataka [kasimahalkita]”
Ipinagdiriwang ni John Lloyd ang kanyang ika-37 kaarawan ngayong Miyerkules, June 24.
ELLEN ADARNA
Nauna nang ibinahagi ng UPMAS-Cebu ang short instructional video ng dating karelasyon ni John Lloyd na si Ellen Adarna.
Ang laman naman ng video ng 32-year-old sexy star ay ang tamang pagsusuot ng face mask.
Ang face mask ay isang mabisang gamit upang hindi mahawaan ng virus ang isang tao.
Ibinahagi rin ni Ellen ang video sa kanyang Instagram account noong June 21.
Samantala, nakapagtala na ang Cebu City ng 4,479 cases, 2, 177 recoveries, at 89 deaths.
Isinailalim ang siyudad sa hard lockdown kasabay ng pagsuspinde sa 250,000 quarantine passes.
Kung ang National Capital Region ang itinuturing na epicenter ng coronavirus, ang Queen City of the South naman ang kinukunsiderang coronavirus hot spot.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika