Kabilang ang TV host-actor na si KC Montero at ang kanyang misis sa 121 katao, kasama ang mga dayuhan, na dinakip sa isang high-rise restobar sa Makati City kahapon, June 28.
Paglabag sa Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act) o ang pinaiiral na social distancing dahil sa coronavirus pandemic ang kasong isinampa laban sa kanila.
Ayon kay Makati City Police Chief Colonel Oscar Jacildo, nakatanggap siya ng mga sumbong na nagkakaroon ng malalaking pagtitipon sa Skye restobar sa 18th floor ng isang condominium building sa Salcedo Village, Barangay Bel-Air, Makati City.
Hindi rin daw sumusunod ang mga bisita sa ipinatutupad na quarantine restrictions kaya sumalakay sila ng kanyang mga tauhan.
Sa panayam kay KC ng TV news crew, iginiit niyang sumusunod sa social distancing ang mga tao sa restobar nang biglang dumating ang mga pulis.
Saad niya, "I think, para sa mga tao na papunta diyan, I think what they thought was it was open.
"So, you’re allowed to go.
"And on top of that, everybody was practicing social distancing.
"The tables were wide apart, were far apart."
Noong una, inakala ni KC na waiters lamang ang mga pulis at isang gimmick ang naganap na raid.
"Wala pang five minutes, tapos nandoon yung mga pulis. 'Ano ‘to?'
"Akala ko, medyo yung pulis, parang waiters, like, gimmick or something."
Sinabi ni KC na naninirahan siya sa Pasig City, at sa kauna-unahang pagkakataon ay lumabas sila ng bahay ng kanyang asawa para kumain sa restobar nang sinalakay ng Makati City Police.
"That place was open before, so parang feeling ko, okay.
"Why were they open if they're not allowed to open?
"Maybe that's my fault, I didn't do my research.
"So, feeling ko, they're allowed to be open. So I went...," tila may pagsisising pahayag ni KC.
Pinuna naman ng TV host-actor ang dikit-dikit na puwesto nila sa truck ng mga dinakip nang dalhin sila ng mga pulis sa covered court ng Barangay Guadalupe Nuevo.
“That’s, like, backwards social distancing.
"They arrest us for protecting us for social distancing, tapos forced us to not social distance, and then put us... did you see the truck there? That’s bad," sentimyento ni KC.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang may-ari at kinatawan ng restobar, ngunit iginiit nilang wala silang ginawang paglabag at sumusunod sila sa pagbabawas ng mga customer na maaaring papasukin.
Maaari raw tumanggap ng 800 katao ang restaurant, pero ang pinapayagan lang daw nilang pumasok ay nasa 200 katao.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika