Umiinit ang bakbakan ng tatlong Pinoy BL series.
Ang first episode ("Enemy!") ng Hello Stranger ay naka-947K na sa YouTube channel ng Black Sheep mula noong Hunyo 24—kahit wala pa rin itong subtitles.
Sa Facebook page ng Black Sheep, humamig na ng 392K views ang pagsisimula ng kuwento nina Xavier (Tony Labrusca) at Mico (JC Alcantara).
At this writing, ang second episode ("Feelings") ng Hello Stranger ay naka-337K views na sa YouTube, at 144K views sa FB.

Tony Labrusca and JC Alcantara in Hello Stranger
Sa isang eksena, may tatlong ballpen si Mico—pula, berde, at bughaw.
Nagkakamabutihan na ang XavMi, samantalang nagkakalabuan si Xavier at ang girlfriend niyang si Crystal (Gillian Vicencio).
Bongga ang makinarya ng Black Sheep. Todo-promo sina Tony at JC before and after the showing of the first episode.
Ang direktor ng Hello Stranger ay si Petersen Vargas.
CAIRO, GAVREEL & TERRENCE: FACE TO FACE
Sampung episodes ang first season ng Gameboys, na love story nina Cairo (Elijah Canlas) at Gavreel (Kokoy de Santos).
Kapagkuwan ay itutuloy ni Kokoy ang shooting ng BL series na Oh, Mando! katambal si Alex Diaz, sa direksiyon ni Eduardo “Edong” Roy Jr.
Naka-four shooting days na sila nang abutan ng lockdown last March.
“Magre-resume kami ng shooting sa third week of July,” sabi ni Direk Edong nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Messenger nitong Hulyo 2, Huwebes ng umaga.

Ikinakasa na ang pagsasapelikula ng Gameboys. Siyempre, sina Elijah at Kokoy pa rin ang mga bida.
Ang first episode ng Gameboys ("Pass or Play") ay naka-926K views na mula nang in-upload noong Mayo 22 sa YouTube channel ng The IdeaFirst Company.
Pero hindi natin masabi ang kabuuang bilang ng views ng nasabing episode, dahil may subtitles iyon sa 17 languages, so far.
Ang second episode ("Game of Love") ay naka-730K views na.
Ang third episode ("Strangers Online") ay naka-650K views na.
Ang fourth episode ("One Who Is Victorious") ay naka-552K views na.
Kapansin-pansin sa music video ng "Panalo Ka" (bahagi ng Gameboys OST) na nagtapos iyon na mag-isa si Cairo.
Ayun na nga, sa Episode 5 ("Thrill of the Chase") ay nagkaroon ng hidwaan ang CaiReel dahil sa hitod na si Terrence alias GavreelsOnlyLove (Kyle Velino). Naka-480K views na ito.
Nakakaaliw ang reaction videos sa episode na ito. Maski foreigners, lumuha.
More and more ang mga fan art ng netizens. Adorbs!
May Easter eggs sa nasabing episode. Ano ang ipinapahiwatig ng brain scan sa kuwarto ni Cairo?
In-upload ang lyric video ng "Pag-asa" nitong Hulyo 1, Miyerkules. Si Elijah ang umawit.
“Tayo ba mayro’ng pag-asa?/ Sa puso mo’y may kahati pala/ Puso ko’y ipupusta/ Buhay ko’y itataya/ Makita lang kitang lumigaya.”
Malalaman natin kung may pag-asa pa ang romansang CaiReel sa Episode 6 na matutunghayan bukas, Hulyo 3, Biyernes ng 8:00 P.M. (Manila time).
Magkakaalaman sina Cairo, Gavreel, Terrence at Pearl (Adrianna So). ‘Tsura ng Face to Face ni Amy Perez!

Ang direktor ng Gameboys ay si Ivan Andrew Payawal.
Ang papalit sa Gameboys ay ang GL (Girls’ Love) series na Pearl Next Door. Sino kaya ang katambal dito ni Adrianna?
At ang mas mahalagang tanong... may Season 2 ba ang Gameboys
NAKAKAPANGHINA ANG “GODDESS”
Walong episodes ang Sakristan, mula sa panulat at direksiyon ni Darryl Yap.
Kinunan ito sa Olongapo City na COVID-free, kaya walang social distancing ang mga karakter dito.
Payanig agad ang Episode 1 ("Touch Move"), kung saan masuyong hinagkan ni Zach (Clifford Pusing) si Christian (Henry Villanueva) sa harap ng simbahan.
May swimming pool scene si Zach, 'tsura ni Aquaman.
So far, ang first episode ng Sakristan ay naka-893K views na mula nang in-upload noong Mayo 31.
Ang second episode ("Bangkok") ay naka-624K views na.
Ang third episode ("Cuerdas") ay naka-426K views na.
Ang fourth episode ("Thick and White") ay naka-349K views na.
Sa ikalimang episode ("Barong"), mistulang Superman at Batman sina Christian at Wolf (Xavier Reyes) na magkaibigan mula pagkabata.

Nanghiram si Wolf ng barong kay Christian.
Himutok ni Wolf, “Hirap lang naman kasi sa ‘yo, Superman, nakalimutan mo na agad si Batman nung dumating si Aquaman.”
Nagselos si Zach. Gusto niyang patunayan na bading si Wolf, at may gusto ito kay Christian.
Hinalikan ni Zach si Wolf. Caught in the act sila ni Christian, na nagtatakbo habang lumuluha.

Naka-287K views na ang episode na ito.
Ang Episode 6 ("The Goddess") ay matutunghayan sa Hulyo 5, Linggo.
"If ep5 po is shocking and full of emotions, ep6 will make ep5 weak,” pangako ni Direk Darryl nitong Thursday afternoon via Messenger.
Naikasa na ni Direk Darryl ang kasunod na series ng Sakristan, ang four-episode na The Cousins na tungkol sa pag-iibigan ng magpinsan.
Maliban sa BL series na Sakristan, nakasulat na si Direk Darryl ng 76 short films sa VinCentiments.
Iyong Bunganay 2 ay tungkol sa pagbubunganga ng nanay (Rowena Quejada) sa anak (Trisha Lopez) niyang nagdadabog dahil hindi ibinili ng iPad o laptop para sa online class nito.
In-upload ito noong Hunyo 24, at lagpas-121K na ang views.
Sa Resbak Kakak 2: Online Class, nag-reaction video si Teacher (Roanna Mercado) kay Bunganay.
Hulyo 1, Miyerkules ng gabi ito in-upload, at lampas-36K views na ito.
Mga one whole sheet tayong lahat!
FORTHCOMING BL SERIES
As aforementioned, sa third week of July pa ang resume ng shoot ng Oh, Mando!
Hindi pa nakukunan ang karamihan ng eksena sa pilot episode nito, kaya hindi pa alam kung kailan ito magpe-premiere sa iWant TV.
Sa Hulyo 11, Sabado, magpi-premiere ang In Between (Sa Pagitan ng Kamusta at Paalam), sa YouTube channel ng USPHTV.
Bida rito ang volleyball player ng UST Golden Spikers na si Genesis Redido, at ang basketbolista ng Trinity College na si Migs Villasis.

Migs Villasis and Genesis Redido in In Between
Ayon sa direktor nitong si Briliant Juan, hindi ito sesentro sa kilig at harutan.
Sa July 12 pa lang mag-uumpisa ang shooting ng My Extra Ordinary sa Antipolo City.
Pagbibidahan ito nina Darwin Yu at Enzo Santiago, at kasama sa cast si Karissa Toliongco. Ang direktor ay si Jolo Atienza.
Tiniyak ng publicist na si Byx Almacen na ipapalabas ito ngayong Hulyo sa bagong channel na ONE TV.
Sa Agosto 8, Sabado, mag-uumpisa ang My Day, sa YouTube channel ng Oxin Films.
Bida rito si Aki Torres at ang Bidaman finalist na si Miko Gallardo, sa direksyon ni Xion Lim.

Aki Torres and Miko Gallardo
Ang istorya nito ay inspired ng actual events sa LGBT community.
LOVE THY NEIGHBORS
Sinusubaybayan naman ng kanenatics ang kapitbahay-serye sa YouTube channel ni Rico Bautista.
Once in a while ay may poging itinatampok dito, gaya ni Alvin Pitero bilang Bumbay, Dior Veneracion na kumanta ng "Panalangin," at si Kevin na nagtatanong tungkol sa assignment sa Math.
Iba’t ibang karakter ang ginagampanan dito ni Rico, na isang guro sa GMA, Cavite.
Apat ang pangunahing karakter niya — ang mag-inang Nena Schwarzenegger at Nenita, ang mars ni Aling Nena na si Maring, at ang anak nitong si Feliza.
Sumbungera si Feliza, kaya sumusugod si mars, at wagas ang kaplastikan ni Aling Nena sa linyang, “Walang ganun, mars.”

Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!
