Pinuna ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang nakatatandang kapatid na si Cavite 7th District Representative Jesus Crispin Remulla sa kawalang respeto sa “Lupang Hinirang.”
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang video ng kongresista na nakayuko at may isinusulat sa kanyang desk habang tumutugtog ang “Lupang Hinirang” sa plenary hall.
Ang lahat ng tao sa plenary hall ay nakatayo nang tuwid habang nakalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib, gaya ng tradisyunal na pagbibigay respeto sa Pambansang Awit ng bansa.
“Kuya, that wasn’t you,” bungad ni Governor Jonvic, 52, sa kanyang open letter para sa kapatid na mambabatas.
May titulo itong: "Cain at Abel: When Politics End & Civility Begins."
Ipinost ng gobernador sa Facebook ang sulat niya para sa 59-year-old congressman ngayong Biyernes, July 3.
Ayon sa gobernador, ilang beses na niyang nakasama ang kapatid sa mga flag ceremony sa kapitolyo ng Cavite.
Likas daw sa kongresista ang pagiging marespeto sa watawat at sa Pambansang Awit.
Ibang-iba raw ang Congressman Remulla na napanood niya sa video, sabi ni Governor Jonvic.
“We have attended countless flag ceremonies together in the Capitol.
“We have always come on time.
“We have always treated the people with respect.
“We have always stood and held our hands to our chest.
“That wasn’t you on the Batasan floor.
“You were never like that.”
CONGRESSMAN REMULLA APOLOGIZES
Nauna nang nag-sorry si Congressman Remulla sa nangyari.
Bago simulan ang kanyang interpellation sa ABS-CBN franchise hearing nitong Miyerkules, July 1, humingi ng paumanhin ang mambabatas.
Paliwanag niya, isang tanong para sa pagdinig ang biglang pumasok sa isip niya habang tinutugtog ang Pambansang Awit.
Kinailangan daw niyang isulat iyon kaagad.
Gayunman, hindi raw iyon excuse sa kanyang pagkakamali.
“I’d like to apologize for an earlier incident na ako po’y may isinusulat na note nung nagpa-flag ceremony tayo,” sabi ni Congressman Remulla.
“Ang sa akin ho, I wrote the note—hindi ko ho excuse ‘to—because something went into my mind for the questions I will ask tonight…
“Ako’y humihingi ng dispensa sa ating mga kababayan.”

Gayunman, sinisi ng mambabatas ang ABS-CBN sa umano’y pagpapalaki sa issue laban sa kanya.
“As usual, the ABS-CBN people are the ones playing it up now on social media.
“But I will forgive them,” ani Congressman Remulla.
Ang anumang kawalang respeto sa “Lupang Hinirang” ay paglabag sa Section 38 ng Republic Act 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
May katapat itong multa na PHP5,000-PHP20,000 o hindi lalampas sa isang taong pagkakakulong, o pareho, depende sa desisyon ng korte.
ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL HEARING
Isa si Congressman Remulla sa mga kongresistang naghihimay sa mga alegasyong kinakaharap ng ABS-CBN kaugnay ng pending franchise renewal nito.
Siya ang vice chairperson ng House Committee on Good Governance and Public Accountability.
Magkatuwang ang komite ni Congressman Remulla at ang House Committee on Legislative Franchises sa pagsasagawa ng hearing kung bibigyan ng panibagong 25-taong prangkisa ang Kapamilya network.
Binanggit din ni Governor Jonvic sa open letter ang ginagawang hearing ng komite ng kapatid sa ABS-CBN franchise renewal.
Dahil daw sa House hearing ay mas naunawaan ng gobernador ang mga isyu tungkol sa prangkisa ng pinakamalaking media conglomerate sa bansa.
“I am only learning about the issue of ABS-CBN through the Congressional hearings.
“The issue on Channel 43, the taxes, the franchise, and the rest,” saad sa open letter ni Governor Jonvic sa kapatid.
“WE OWE THE COUNTRY FACTS”
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng gobernador ang kapatid na mambabatas.
Nakatatanggap kasi ng pambabatikos si Congressman Remulla mula sa netizens sa paraan niya ng pagtatanong sa imbitadong resource persons mula sa ABS-CBN.
Minsan ay may tono ang kongresista na parang nag-aakusa, o kaya naman ay hindi pinapatapos ang sagot ng resource person.
“We owe the people to be respectful," sabi ni Governor Jonvic kay Congressman Remulla.
“We owe the people clarity.
“We owe the country FACTS.
“As leaders, we owe the people examples of civility which they can learn from.
“Whether we like it or not, as public servants our behaviour shapes and influences others.
“Our language becomes the people’s language.
“Our attitude is seen and judged everyday.”
THE FATHER FIGURE
Ayon kay Governor Jonvic, mismong ang nakatatandang kapatid ang nagturo sa kanya ng mga “values” na isinasapuso niya ngayon bilang lingkod-bayan.
Si Congressman Remulla raw kasi ang nagsilbing “father figure” ni Governor Jonvic dahil lumaki silang abala sa public service ang kanilang ama.
Ang magkapatid ay anak ni dating Cavite Governor Johnny Remulla.
Bunso nilang kapatid si Gilbert Remulla, 49, na dating ABS-CBN news reporter at naging kongresista rin.
“You practically raised me as the father figure in the house," sabi ni Governor Jonvic sa nakatatandang kapatid.
“I learned a lot from you.
“The values of standing up for what is right and fighting for it, if need be.
“The values of integrity in work and the primacy of the people’s interest.
“The values of being graceful when making decisions and thanking people when it goes right, and owning up to it when it goes wrong.”
Sa huli, hinimok ng gobernador ang kapatid na kongresista na piliin ang maging mabuting tao.
“Let’s be the better person.
“Let’s be the clearer person.”
Sa usapin ng ABS-CBN franchise hearing, pinayuhan ni Governor Jonvic si Congressman Remulla: “Let the facts speak louder than our own words.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
