This Week In Showbiz: Satire site, pinatulan ni Kris; 15-year-old actress nagpakamatay
by Rommel R. Llanes July 6 to 12, 2015, heto ang mga pinag-usapang showbiz balita nung panahong iyon.
KRIS AQUINO said what about maria OZAWA?!
Eksklusibong nagparating ng mensahe si Kris Aquino sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) upang linawin ang isang isyu tungkol sa kanya.
Mayroon kasing artikulong kumalat sa social media kunsaan diumano'y nagsalita siya nang hindi maganda tungkol sa Japanese Adult Video actress na si Maria Ozawa.
Sa artikulong lumabas sa ManilaLink.com, hiningan daw si Kris ng reaksyon sa pagkaka-link ni Maria sa kapatid ng TV host-actress na noo'y Pangulo ng Pilipinas na si Benigno "Noynoy" Aquino III.
Sabi raw ni Kris: "Ilang lalake na gumamit sa kanya? Wag na nilang i-link yun kay kuya. Yun lang."
Kumalat ang nasabing blogpost sa social media at umani ng puna at batikos mula sa netizens.
Sa pamamagitan ng PEP, nais iparating ni Kris na wala siyang ibinigay na interview sa ManilaLink.com.
Kaya wala raw siyang binitawang salita laban kay Maria Ozawa.
Napag-alaman naman ng PEP na isang "satirical new site" ang ManilaLink.com.
Ibig sabihin, ang mga artikulong lumalabas dito ay posibleng base sa mga totoong pangyayari o isyu, ngunit kathang-isip lamang ang mga pahayag o panayam sa mga taong sangkot dito.
BEA ADMITS PROBLEM
Umamin si Bea Alonzo na may pagsubok ngang pinagdadaanan ang relasyon nila ng boyfriend of four years na si Zanjoe Marudo.
Ito ang pahayag ni Bea nang ma-interview ng TV Patrol reporter na si Gretchen Fullido.
Naging palaisipan sa Instagram followers nina Bea at Zanjoe kung hiwalay na ang celebrity couple nang mapansing mag-isang bumiyahe ang aktor sa Spain at wala nang gaanong post na magkasama ang dalawa sa kani-kanilang Instagram accounts.
Sabi ni Bea sa kanyang interview, inaayos daw nila ni Zanjoe ang kanilang relasyon.
Ilang buwan ang lumipas, matapos ang mga usap-usapang hiwalay na talaga sila, umamin din si Zanjoe sa Tonight With Boy Abunda na winakasan na nila ni Bea ang kanilang relasyon.
Sa January 20 airing ng nasabing Kapamilya show, kinumpirma ni Zanjoe ang tsismis na hiwalay na sila ng longtime girlfriend ngunit hindi na nagbigay pa ng detalye.
ANGELICA COMMENTS ON MARIAN POST
Maraming fans ang natuwa sa palitan ng mensahe sa Instagram nina Marian Rivera at Angelica Panganiban.
Sa kabila ng pagiging Kapuso at Kapamilya ng dalawang aktres, nananatili silang magkaibigan.
Matatandaang present sa bridal shower ni Marian si Angelica nung 2014, na ikinagulat ng marami.
Hindi kasi masyadong alam na magkaibigan sa totoong buhay sina Angelica at Marian.
Sa post naman ni Marian sa kanyang Instagram nung July 8, kunsaan kasama ng Kapuso Primetime Queen ang celebrity makeup artist na si Bambbi Fuentes, napansin ni Angelica ang magandang bag na bitbit nito.
Nagpalitan ng biro ang dalawa sa comments wall at nagsabihan pareho na mag-ingat dahil may bagyo nung panahon na yun.
MATTEO ON BEING SARAH'S "DREAMBOY"
Sa kanyang PEP Talk guest appearance, hiningan ng reaksyon si Matteo Guidicelli kung ano ang masasabi niya sa mga naiinggit na boyfriend siya ni Sarah Geronimo.
Ginawang reference ni PEP Talk host Nerisa Almo ang upcoming concert niya noong Dreamboys sa pagiging "dreamboy" raw ni Matteo kay Sarah.
Sagot ni Matteo: "Dapat mainggit sila..."
Sinundan pa ang sinabing ito ni Matteo kung paanong matagal na talaga niyang crush si Sarah.
After six years of going steady, ikinasal sina Sarah at Matteo nung Pebrero ng taong ito.
SADNESS IS DIFFERENT FROM DEPRESSION
Nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti ang 15-year-old na anak na babae nina Nonie at Sharmaine Buencamino, na si Julia Louise Buencamino.
Isa ring artista si Julia katulad ng kanyang mga magulang. Nakaganap na ito sa mga proyektong Sandalang Bahay (2005), Inang Yaya (2006), at Oh, My G! (2015).
Base sa report ng ABS-CBN News online, natagpuan si Julia ng kanilang kasambahay na nakabitin mula sa kisame sa bahay ng mga Buencamino sa Quezon City bandang alas-otso ng gabi ng Martes, July 7.
Lubos na dinamdam ng mag-asawang Nonie at Sharmaine ang nangyari sa bunso sa kanilang apat na anak.
Binigyan naman ng publiko ng panahon ang mag-asawa at ang kanilang pamilyang magdalamhati nang pribado dahil sa pagkamatay ni Julia.
Nung January 2018, sa Magandang Buhay guest appearance ni Sharmaine, inamin niyang hindi nila nakita agad ni Nonie kung ano ang pinagdaraanan ni Julia.
Ayon daw sa doktor na nagsagawa ng psychological autopsy kay Julia, may sakit itong Borderline Personality Disorder.
Ang diary, mga tula, at artwork ang pinagbasehan ng doktor sa diagnosis nito sa yumaong anak nina Sharmaine at Nonie.
Kaya't payo ni Sharmaine sa mga magulang, huwag balewalain ang mga pinagdadaanang mood swings o sadness ng mga anak.
Malaki raw ang pagkakaiba ng simpleng sadness sa depression.
Ang depression ang siyang nagtulak kay Julia upang kitilin nito ang sariling buhay.
Ed's Note: Kung nakakaranas ng depression at kailangan ng makakausap, may handang tumulong at makinig sa iyo. Tumawag sa mga 24/7 hotlines ng The Hopeline Project: (02)-8804-HOPE (4673), 0917-558-HOPE (4673), o sa 2919 (toll-free number sa lahat ng Globe at TM subscribers).
Maari ring makipag-ugnayan sa National Center for Mental Health (NCMH): 0917-899-USAP (8727) at sa 0917-989-8727.





