Naglabas ng hinaing si Alessandra de Rossi, 35, dahil hindi pa nareresolbahan ang mga problemang dulot ng pandemya.
Kabilang na rito ang health issues, mga nagugutom, at patuloy na pag-akyat ng COVID-19 cases sa bansa.
Nagpasaring ang aktres sa Kongreso dahil, sa dami ng oras na ibinibigay sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN, hindi napagtutuunan ng atensiyon ang iba pang seryosong problema ng bansa.
Halatang nabahala si Alessandra dahil dalawang sumunod na araw ay higit 2,000 COVID-19 cases ang naitala.
“It kills my soul,” tweet ng aktres noong Lunes, July 6.
“2k cases, 2 days straight.
“Sige, let’s focus on abs cbn pa.
“Let’s talk about anything that’s used a smokescreen to mask the reality!”
Giit ni Alessandra: “We are not winning.
“People are hungry, sick and dying, and they need to risk their lives for food.
“Ano ABSCBN parin ang issue?”
Marami ang bumabatikos sa Kongreso dahil sa tagal nitong talakayin ang franchise renewal ng Kapamilya network, dalawang buwan mula nang mag-expire ang lisensiya nito noong May 5, 2020.
Sinabi ng management ng ABS-CBN na 2014 pa sila nag-apply sa Kongreso ng panibagong prangkisa.
COVID-19 CASES IN THE PHILIPPINES
Kalakip ng tweet ni Alessandra ang news bulletin na umabot na sa higit 46,333 ang COVID-19 cases sa Pilipinas kahapon, July 6:

Kahapon ay umabot sa 2,099 new cases ang naitala.
Noong July 5, Linggo, nakapagtala naman ng 2,434 bagong kaso.
Ngayong Martes, Jyuly 7, nakapag-record ng 1,540 new cases.
Sa kabuuan, umabot na ng 47,873 ang COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ang mga datos na ito ay mula sa Department of Health (DOH).
ALESSANDRA ARGUES WITH A NETIZEN
Tulad ng inaasahan, umani ng batikos mula sa ilang netizens at bashers ang tweet ni Alessandra.
Pinilosopo ng isang netizen si Alessandra na gusto raw yata ng aktres ay tutukan ng “lahat ng sangay ng gobyerno” ang DOH at paburan ng Kongreso ang ABS-CBN, na nagbibigay ng kabuhayan sa maraming kapwa artista ni Alessandra.
Pinayuhan pa nito si Alessandra na manood ng Congress hearing para mahimasmasan ito.
Katwiran naman ni Alessandra, ayaw niyang magtrabaho hangga’t may banta ang pandemya.
At hindi raw ang hearing ng Kongreso ang concern niya.
Saad niya, “Wala akong paki. Sana tulungan natin ang DOH kasi ilan lang sila doon.
“Kung may power ka at mga tao, utusan at tulungan natin kaya ang DOH?”

Base sa sagot ng netizen ay mahihinuhang isa itong tagasuporta ng pamahalaan.
Sinabi kasi nitong sa halip na magreklamo ay tumulong na lamang si Alessandra, na madalas na linya ng mga Duterte supporters sa mga nagrereklamo sa gobyerno.
Sinabihan din ng netizen ang aktres na kung umasta ito ay tila ang ABS-CBN—na “bread and butter” diumano ni Alessandra—ang nag-iisang TV network sa Pilipinas.
Nilinaw naman ni Alessandra na hindi siya talent ng ABS-CBN, at hindi siya kailanman nagkaroon ng kontrata sa network.
Dalawang taon na raw nang huli siyang gumawa ng project sa Kapamilya network.
Ang huling teleserye ni Alessandra sa ABS-CBN ay ang Since I Found You (2018), kung saan nakasama niya sina Piolo Pascual, Arci Muñoz, JC de Vera, at Empoy Marquez.
Sagot ni Alessandra: “Hindi nila ako talent po. Never akong nagka contract ever.
“Wala rin akong show sa kanila. 2 years na akong tumatanggi. FYI.
“Viva ang bread and butter ko,” pagtukoy niya sa Viva Artists Agency.
Buwelta pa niya sa netizen: “Wag ka magsalita na parang kilala mo ako.
"Nakakahiya sa nagpalaki sayo... forever na yan sa social media."

Dumepensa ang netizen na patas daw siyang tao.
May pang-uuyam na sagot ni Alessandra, sa lagay na iyon ay patas ang netizen gayung hinusgahan nito ang buong pagkatao niya.

ALESSANDRA GIVES
May isa ring netizen na sinabihan si Alessandra na kung naiinip ito sa bahay ay mamigay na lang siya ng tulong.
Seryosong sagot ni Alessandra: “Ginagawa ko po palagi.
“Di ko lang tinitweet kasi hindi lang talaga ako ganun.
“But I do what I can, I give the best of me, WITH ALL THAT’S LEFT OF ME.
“hindi ako mayaman.
“Alam yan ng lahat dahil bihira lang ako tumanggap ng work.”

Pasimple ring sinabihan ng aktres ang netizen na mag-research muna bago manghusga.
Pagdating naman sa network affiliation, may isang netizen ang nagtanong kay Alessandra kung Kapamilya o Kapuso ba siya.
Sagot niya: “Wala. Viva films ako [laughing emojis]”

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
