Hinuli ang veteran Kapuso broadcast journalist na si Howie Severino matapos niyang ibaba ang suot na face mask para uminom ng tubig.
Nangyari ito ngayong Miyerkules ng umaga, July 8, sa Quezon City.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng visual journalist na si Luis Liwanag ang mga litrato ng pagsita kay Howie, 58.
Kuwento ni Howie sa sarili niyang post sa Facebook, isang oras na siyang nagbibisikleta sakay sa kanyang bamboo bike.
Kasama ng broadcaster ang dalawa niyang “bambike buddies” nang huminto sila sa isang bike shop sa Mother Ignacia.
Bumili raw sila ng maiinom sa isang tindahan sa lugar.
“We bought drinks at the store next door, and drank them after pulling down our masks below the mouth (because we have not learned to drink yet with masks on),” saad sa post ni Howie.
Akmang ibabalik na niya sa pagkakasuot ang kanyang mask nang lapitan siya ng mga tauhan ng Department of Order and Safety (DPOS) ng Quezon City government.

“At least three vehicles of QC law enforcers arrived to tell me I was talking without my mask covering my mouth and had to be brought to Amoranto Stadium for a seminar,” patuloy na kuwento ni Howie.

Sa Amoranto Stadium ay inabutan ni Howie ang daan-daang iba pa na tulad niya ay sasailalim din sa seminar tungkol sa COVID-19.
Ang paghuli kay Howie ay bahagi ng mahigpit na pagpapatupad ng Quezon City government ng quarantine protocols ngayong may pandemic.
Inaresto ang broadcaster ilang oras matapos ianunsiyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpositibo siya sa virus.
Ang lungsod ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa kabuuang 3,869.
COVID-19 SURVIVOR
Si Howie ay isang COVID-19 survivor.
At ipinaalam niya ito sa mga empleyado ng Quezon City government na nasa Amoranto Stadium.
“I explained to a group of QC employees there that as a recovered patient who had already tested negative three times for the coronavirus and positive for antibodies since my discharge from the hospital, the risk of me infecting anyone is near zero.
“Nevertheless I still wear a mask.”
Nag-volunteer din daw si Howie na ibahagi sa seminar ang kanyang karanasan bilang COVID-19 survivor.
“I even offered to give a talk at the seminar,” sabi ni Howie. “Instead they returned my bike and told me I could go home.”
QC'S RULES VS COVID-19 "A BIT DRACONIAN"
April 7 nang ibunyag ng broadcast journalist sa isang artikulo sa GMA News Online na siyam na araw siyang na-confine sa ospital dahil sa pneumonia na dulot ng COVID-19.
Ayon kay Howie, pinili niyang lumantad bilang survivor ng sakit upang maibsan ang takot ng publiko sa sakit.
Umaasa rin noon si Howie na sa pamamagitan ng mga tulad niyang survivors ay mabawasan ang diskriminasyon sa mga pasyente at sa mga gumaling na sa virus.
Sa kanyang Facebook post ngayong araw, nagbalik-tanaw si Howie noong panahong nagkasakit siya.
Ibinunyag ng broadcaster na hindi nagsagawa ng contact tracing ang Quezon City government nang magpositibo siya sa virus.
Hindi rin daw nito ipina-swab test ang kanyang pamilya o ang mga taong huling nakasalamuha niya.
“I did contact tracing on my own,” ayon kay Howie.
Kaya naman bagamat nahuli siya dahil sa pagbababa ng kanyang face mask, naa-appreciate daw ng broadcaster ang paghihigpit ngayon sa Quezon City.
Sabi ni Howie: “They are finally doing something, even if it’s a bit draconian.”
Si Howie ang mahusay na dokumentarista ng award-winning docu program ng GMA-7 na I-Witness.
Board member din siya ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
