Nanawagan ang veteran actress at Batangas 6th District Representative Vilma Santos-Recto na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Ito ang buod ng open letter ng 66-year-old lawmaker sa kanyang mga kapwa mambabatas, na ipinost niya sa Instagram nitong Lunes, July 6.
Si Vilma ang may akda ng House Bill No. 4305, isa sa 11 panukalang inihain sa Kamara upang bigyan ng panibagong 25-year legislative franchise ang Kapamilya network.
Ngayong linggo ay pagbobotohan ng House Committee on Legislative Franchises kung bibigyan uli ng prangkisa ang ABS-CBN.
May 46 miyembro ang komite.
Kasama ring boboto ang House Speaker, Deputy Speakers, Majority Leader, Minority Leader, at mga pinuno ng lahat ng komite.
Sa kabuuan, may 92 mambabatas ang kailangang bumoto para rito.
Apela ng actress-turned politician sa mga kapwa kongresista, sana ay maging “patas” ang mga ito sa pagdedesisyon nang batay sa “balanseng pagtingin at pagsusuri.”
VILMA SPONSORS FRANCHISE RENEWAL BILL
Mababasa sa post ni Vilma: “Ako po ay umaapela sa aking mga kasamahan sa Committee on Legislative Franchises na magkaroon ng malawak na pag-unawa at pag-iisip tungkol sa usaping ito.
“Nawa’y patas na aplikasyon ng batas, at balanseng pagtingin at pagsusuri ang magiging sandigan natin sa paggawa ng desisyon.”
Ayon kay Vilma, mismong mga government agencies na ang nagpatunay na walang nilabag na batas ang pinakamalaking media conglomerate sa bansa.
Kumpiyansa rin ang multi-awarded actress sa ipinangako ni ABS-CBN President-CEO Carlo Katigbak na gagawing “mas mabuting kumpanya” ang network sakaling payagang magpatuloy ang operasyon nito.
ABS-CBN President-CEO Carlo Katigbak
ON ABS-CBN’S 65 YEARS OF SERVICE
Binanggit din ng mambabatas ang naging kontribusyon ng Kapamilya network sa iba’t ibang larangan sa nakalipas na mahigit 65 taon.
“Sakop dito ang pagbibigay ng balita’t impormasyon, edukasyon pang telebisyon, entertainment o libangan, pag-alaga ng kalikasan, at higit sa lahat, ang pagbibigay tulong sa kapwa, may sakuna man o wala, sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya at Bantay Bata.”
Ang Sagip Kapamilya at Bantay Bata ay dalawa sa tatlong pangunahing advocacy campaigns ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.
Ang isa pa ay ang Bantay Kalikasan.
KAPAMILYA NETWORK DESERVES A FRANCHISE
Nanindigan si Vilma na “karapat-dapat” ang ABS-CBN sa panibagong franchise to broadcast.
Kailangan daw ng mga Pilipino ang tulong ng network ngayong may pandemya, ayon sa solon-actress.
“Ako po ay isa sa mga naniniwala na karapat-dapat na mabigyan muli ng pagkakataon ang ABS-CBN na ipagpatuloy ang serbisyo sa mamamayang Pilipino lalo na sa panahon ng pandemya.
“Kailangan natin ang tulong nila.
“Sana ipagdasal natin na payagang magbukas muli ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pag pasa ng panukalang ito.”
VILMA MADE MOVIES UNDER STAR CINEMA
Bagamat mas tinutukan niya ang pulitika sa nakalipas na mga taon, Star Cinema ang nag-produce ng mga huling pelikulang ginawa ni Vilma.
Ang Star Cinema ay ang film production unit ng ABS-CBN.
Under Star Cinema ang huling pelikulang pinagbidahan ni Vilma, ang Everything About Her, na ipinalabas noong 2016.
Star Cinema rin ang producer ng The Healing (2012), In My Life (2009), Dekada ’90 (2002), at Anak: The Movie (2000).
Sa telebisyon, gumawa si Vilma ng “Regalo” episode para sa Maalaala Mo Kaya noong 2010.
May special appearance din siya sa Kapamilya teleseryeng 100 Days To Heaven noong 2011.
Kapamilya TV host ang panganay ni Vilma na si Luis Manzano.
Anak niya si Luis sa dating asawang si Edu Manzano.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika