Hindi natinag si ABS-CBN President and CEO Carlo Lopez Katigbak sa dinaarang panggigisa ng Kongreso hinggil sa ABS-CBN franchise.
Sa nagdaang 13 hearings, kalmado at marespeto niyang pinabulaanan ang mga matitinding alegasyong paglabag sa batas at iba pang isyung ibinato sa ABS-CBN.
Diretso rin nitong sinagot ang mga tanong ng mga kongresista.
Pero sa isang bihirang pagkakataon, naaninag ang hirap ng kalooban ni Katigbak nang harapin ang mga Kapamilya sa ABS-CBN.
Naganap ito sa isang virtual townhall meeting, base sa maiksing video na ibinahagi ng aktor na si Gerald Anderson sa kanyang Instagram, Linggo, July 12.
Bungad ni Katigbak, "Magandang hapon mga Kapamilya. First of all, I want to thank everyone for..."
Napahinto sa pagsasalita si Katigbak at tila pinigilan ang bugso ng emosyong naramdaman.
Sinubukan niyang ngumiti, pero napayuko siya at huminga nang malalim bago itinuloy ang pagsasalita.
"First of all I want to thank everyone for fighting with us," ani Katigbak na hindi na napigilan gumaralgal ang boses.
Napahawak siya sa kanyang lalamunan at tila pinipigilan ang maluha.
Hanggang doon lamang ang ipinakitang video ni Gerald.
Sa isang hiwalay na Twitter post, may nagbahagi rin ng isa pang video clip mula sa madamdaming speech ni Katigbak.
Aniya, napatunayan ang pagkaka-solido ng mga taga-ABS-CBN sa gitna ng hirap ng kanilang sitwasyon.
"I want you to know that in this pain, we rediscovered what it means to be a family."
Biyernes ng hapon, July 10, inanunsiyo ng Kongreso na hindi ire-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Kinagabihan, namataan pa si Katigbak na nakiisa sa vigil ng ABS-CBN employees at supporters sa tapat ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
GERALD ANDERSON
Isang mensahe ng pagbibigay-pugay ang ipinarating ni Gerald para sa pagiging magaling na "leader" ni Katigbak.
"A boss has the title.. A leader has the people," ani Gerald patungkol sa ABS-CBN president and CEO.
Si Gerald ay bida sa ABS-CBN prime-time series na A Soldier's Heart.
BIANCA GONZALEZ
Si Bianca ay nauna nang nagpahayag ng paghanga kay Katigbak dahil daw napanatili nito ang dignidad sa kabuuan ng pagdinig ng prangkisa sa Kongreso.
"Proud to have Sir Carlo Katigbak as our leader," tweet ni Bianca noong July 6.
Kaugnay ito ng mahinahong pagkontra ni Katigbak sa sinabi ni Cavite 7th District Representative Jesus Crispin "Boying" Remulla, na "more powerful" ang mass media kaysa sa gobyerno.
Paliwanag ni Katigbak, ang pagharap ng ABS-CBN sa Kongreso ay patunay na naiintindihan nilang nakasalalay sa gobyerno ang kinabukasan ng network.
Kinabukasan, July 7, muling nagbahagi si Bianca ng litrato ni Katigbak na kuha ng ABS-CBN News sa isang pagdinig sa Kongreso.
Ani Bianca, "Proud to have leaders like Sir Carlo Katigbak, Tita Cory Vidanes, Sir Mark Lopez, with our bosses from Finance, Legal, Production, News and everyone honorably representing the network at the hearings."
Si Bianca ay nakilala bilang resident host sa ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother.
OFFICIAL STATEMENT ON JUNKED ABS-CBN FRANCHISE
Noong July 10, naiulat ang pahayag ni Katigbak na malalim ang sakit na dulot ng pagpatay sa prankisa ng ABS-CBN.
Pero nagpasalamat pa rin siya sa binigay na pagkakataon sa ABS-CBN management na mag-ere ng kanilang panig sa mga alegasyong ibinabato sa network.
Nagpasalamat din si Katigbak sa mga kongresistang nanindigan sa mga isinumite nilang 13 na panukala para ma-renew ang ABS-CBN franchise.
Habang-buhay daw na ipagpapasalamat ng ABS-CBN ang pagtatanggol na ginawa ng mga kongresistang pabor na magpatuloy ang TV and radio operations ng ABS-CBN.
"We also thank everyone who expressed their support and offered their prayers for us. We could not have gotten to this point without you.
"We remain committed to public service, and we hope to find other ways to achieve our mission."
Dagdag ni Katigbak, "We look forward to the day when we can again reunite under our broadcast."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.