Hindi inurungan ni Kapuso actress Jennylyn Mercado ang mga bumabatikos sa kanya matapos niyang ipagtanggol ang ABS-CBN.
Ayon sa 33-year-old GMA7 talent, karapatan niya ang magpahayag ng saloobin.
Ngayong Lunes, July 13, nag-tweet si Jennylyn ng kanyang puna sa Kongreso dahil sa hindi nito pag-renew sa prangkisa ng Kapamilya network.
Noong Biyernes, July 10, nagdesisyon ang House Committee on Legislative Franchises na huwag bigyan ng franchise renewal ng TV network, sa botong 70-11.
May mga pahayag na si Jennylyn sa Facebook noong Biyernes bilang suporta sa ABS-CBN.
Ngayong hapon, ni-repost ng aktres ang mga pahayag na ito sa kanyang Twitter account.
May tweet din si Jennylyn laban sa mga nagsasabing “shut up,” “manahimik,” at “huwag mangelam” dahil hindi naman siya talent ng ABS-CBN.
Paalala niya sa mga ito: “Respecting other people’s opinion is a value you seem to have forgotten.”

"YOU'RE NOT A KAPAMILYA STAR"
Ni-repost din ni Jennylyn ang screenshot ng komento ng isang netizen na hinihimok siyang manahimik na lamang para “iwas bashing.”
Sabi ng netizen, “At the end of he day, ur not kapamilya star.”
Sagot ng Kapuso star: “But I am a Filipino and that alone is enough.
“To be neutral or silent in times of injustice is injustice.
“If being ‘bashed’ is a small price to pay for practicing my right to freedom of speech. Then I am fine with it.”

May patutsada rin si Jennylyn sa Kongreso na pinagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN, at dahilan ng posibleng pagkawala ng trabaho ng 11,000 empleyado ng istasyon sa panahon ng health crisis.
Tweet ng aktres: “When the Philippines unemployment rate just recorded an all time high, that’s when the congress decided to terminate a renewal which will cost and additional thousands of people their jobs.
“Nasan yung logic nun?”
Ayon pa kay Jennylyn, may domino effect ang pagsasara ng network.
Hindi lamang daw ang libu-libong empleyado nito ang apektado, kundi ang iba pang maliliit na manggagawang at negosyong may kaugnayan sa network.
Kabilang na raw rito ang “caterers sa set, drivers, equipment rental houses at mga employado nila, mga cameraman at tech team, talent managers, mga assistang ng mga artista, talent suppliers, mga talents o bit players, freelance production designers, freelance writers” at marami pang iba.

Isa si Jennylyn Mercado sa ilang Kapuso artists na nakagawa ng pelikulang ipinrodyus ng Star Cinema, ang movie production outfit ng ABS-CBN.
Nagtambal sila ni John Lloyd Cruz sa Just the 3 of Us noong 2016.
Ilan pa sa Kapuso stars na nakagawa ng pelikula sa ABS-CBN ay sina Marian Rivera (Kung Fu Divas, 2013), Alden Richards (Hello, Love, Goodbye, 2019), at Dingdong Dantes.
Ilan sa mga pelikula ni Dingdong sa Star Cinema ay ang Segunda Mano (2011), One More Try (2012), She's The One (2013), The Unmarried Wife (2016), at Seven Sundays (2017).
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
