Tila nahihirapan pa rin si Regine Velasquez, 50, na tanggapin ang sinapit ng kanyang home network na ABS-CBN.
Aminado ang Asia’s Songbird na nag-aalala siya—kagaya ng 11,000 empleyado ng Kapamilya network—kung hanggang kailan pa sila may trabaho.
Biyernes, July 10, tuluyang ibinasura ng Kongreso ang apela ng Kapamilya network na i-renew ang prangkisa nito.
Bakas ang lungkot ni Regine sa kanyang tweet nitong Martes, July 14.
Mensahe ng singer-actress: “Habang tumatagal aaminin ko napanghihinaan na ako ng loob. Hindi ko alam kung may trabaho pa kaming lahat.”
Himutok niya, “Ang nakakalungkot parang ikinatuwa pa ng mga taong dapat ay nagtatangol sa ating karapatan.
“Bakit ganito??? Sana panaginip lang lahat ng ito [crying face and broken hearts emojis]"
Ngayong Miyerkules, July 15, binura ni Regine ang tweet niyang ito.

Malinaw na ang tinutukoy ni Regine na “mga taong dapat ay nagtatanggol sa ating karapatan” ay ang 70 kongresistang bumoto ng “Yes” upang ibasura ang franchise renewal appeal ng ABS-CBN.
Karamihan sa mga kongresistang ito ay kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na makailang ulit nagsabing haharangin niya ang prangkisa ng ABS-CBN.
Sa pamamagitan ng Kongreso, naisakatuparan ang kagustuhan ng Pangulo.
October 2018 nang opisyal na lumipat si Regine sa Kapamilya network pagkatapos ng dalawang dekadang pananatili sa GMA Network.
Mainstay si Regine sa Sunday musical-variety show na ASAP Natin ‘To.
Nasa bakuran din ng ABS-CBN ang asawa ni Regine na si Ogie Alcasid simula pa noong 2016.
Si Ogie ay isa sa mga hurado sa “Tawag ng Tanghalan” segment ng Kapamilya noontime program na It’s Showtime.
GARY VALENCIANO
Samantala, gaya ng inaasahan, ganito rin ang pakiramdam ng mga kasamahan ni Regine sa ASAP Natin ‘To, kagaya nina Gary Valenciano, Martin Nievera, at Erik Santos.
Sa kanyang social media, laging positibo at nagpapalakas ng loob si Gary.
Pero sa sinapit ng ABS-CBN, inamin ng Mr. Pure Energy na maging siya ay nangangailangan ng taong magpapalakas ng kanyang loob.
Tweet niya noong Biyernes: “Thank you so so much everyone. I hope you don’t mind me using the term ‘kapamilya’…it’s really how I looked at all Filipinos kasi.
“I guess for someone who loves to encourage others, I too need encouragement at this time.”
MARTIN NIEVERA
Ganito naman ang post ng Concert King na si Martin noong Biyernes: “I feel so empty inside. My heart breaks for my kapamilya. All 11,000 plus #kapamilyaforever the chance to be better was not given to us.
“What a sad sad shame…”
ERIK SANTOS
Umiyak naman daw si Erik Santos sa sama ng loob hanggang sa makatulog ito noong Sabado, July 11.
Post niya sa Instagram: “Kausap ko kagabi ang isang kaibigan. Wala kami ginawa kundi mag iyakan na lang.
“Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako dala ang galit at sakit na dulot ng mga pangyayari kahapon.”
Aniya, “sobrang bigat sa dibdib,” at “galit na galit” siya sa mga taong nagdiriwang pa sa tuluyang pagsasara ng kanilang TV network at posibleng pagkawala ng trabaho ng libu-libong empleyado nito.
Mensahe ni Erik: “There aren’t enough words to describe the pain we are feeling right now, but I find comfort in knowing that God is bigger than all of these.
“For now, allow us to grieve and respect what we are going through. Eventually, we will all rise up and move on from here - stronger and better.”
Inaasahan namang magdadaos ng pulong ang ABS-CBN ngayong hapon ng Miyerkules, July 15.
Dadaluhan ito ng mga big boss ng TV network, at inaasahan ng mga empleyado na isa sa mga tatalakayin ng network executives ay ang tungkol sa kanilang employment status.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
