Si Jak Roberto ang gaganap sa life story ni DJ Loonyo sa brand-new episode ng Kapuso drama anthology na Magpakailanman sa Sabado, July 18, 8 P.M.
May pamagat na "Dance King ng Quarantine: The DJ Loonyo Story," ito ang unang fresh episode ng Magpakailanman (#MPK) ngayong quarantine.
Si DJ Loonyo ang sikat na dancer-choreographer at internet sensation na nakilala sa kanyang mga dance videos.
Pero bago ito, unang napansin si DJ Loonyo sa kanyang video kung saan ikinuwento niya ang naging karanasan sa China sa panahon ng pandemic na dulot ng COVID-19. Nagbigay rin siya ng babala sa mga Pilipino tungkol sa naturang virus.
Kahapon, July, 15, Miyerkules, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jak via Zoom.
JAK AS DJ LOONYO
Hindi nag-audition si Jak para sa role bilang si DJ Loonyo (Rhemuel Lunio sa tunay na buhay).
Saad niya, “Yung role po, ibinigay lang po sa akin.
"Usually naman po sa Magpakailanman, tinitingnan nila yung gaganap dun sa case study mismo, na dapat parang lapit or may similarities ng skills or medyo napupuna nilang may similarity yung gaganap.
“Nung una, nagtaka din po ako bakit ako. Sabi ko, hindi naman ako masyadong sumasayaw kagaya ni DJ Loonyo.
"Sabi nila, ‘Ows ikaw, humble ka pa, nakikita namin sa mga TikTok mo sumasayaw ka naman!’
“Hindi nila alam, mga one hundred takes lahat yun bawat isa bago ma-post kaya nape-perfect!” at tumawa si Jak.
“Pero kung isahan lang kagaya ni DJ Loonyo, medyo hindi ko gamay ang pagsasayaw.”
Ano sa tingin ni Jak ang similarities nila ni DJ Loonyo?
“Para sa akin, kasi actually nalaman ko lang nung piniktyuran ako, nung stylist ko, na naka-costume na, outfit ni DJ Loonyo, naka-cap tsaka naka-eyeglasses, ginaya ko lang yung pose niya na naka-sideview, dun ko nakita na, ‘Oo nga, ‘no?’ Same built, same stand...
"Parang nung nag-characterize ako sa kanya, pinanood ko lang lahat yung vlogs niya tsaka yung mga interview niya, tsaka kung paano siya magturo ng sayaw, tsaka kung paano siya maglakad, sabi ko, parang ang ie-effort ko na lang yung boses.
“Kasi, mas dun kami hindi magkaparehas, e, sa boses lang. Tsaka sa sayaw, siyempre!” at muling natawa si Jak.
KNOWING DJ LOONYO
Ano ang mga bagay na nadiskubre at nagustuhan ni Jak tungkol kay DJ Loonyo?
“Ang natutunan ko sa kanya is yung paninidigan niya, e. Tsaka kung ano yung nasa isip niyang makakatulong sa kanya at saka yung tama, iyon lang yung ine-express niya.
"'Yung personality niya is very positive sa lahat ng bagay.
"Kumbaga yung una, alam naman nating yung pagiging dancer, sobrang yung struggle niyan sa umpisa. Raket-raket lang siya.
“Naka-mindset siya na, ‘Hindi, magiging successful na dancer ako!’
“Hanggang sa ayun nga naging successful na dancer siya. Nag-risk siya pumunta ng ibang bansa.
"Bilib ako sa pagiging determinado niya sa lahat ng bagay. Yung pagiging driven and kung paano din niya hinarap lahat ng pagsubok sa buhay niya. Galing," bulalas pa ni Jak.
Ano ang ire-rate ni Jak sa sarili sa ginawa niyang portrayal kay DJ Loonyo?
“Feeling ko yung buhay ni DJ Loonyo, nagawa ko naman siya. Kung sa scale ng one to ten, siguro nasa eight.”
TAPING DURING QUARANTINE
Nagbahagi rin si Jak ng mga sitwasyon sa pagte-taping ngayong panahon ng pandemya.
“Inalam yung lugar na walang COVID positive, tinest kami lahat, sa taping, nag-rapid testing kami,” sabi niya.
Gaano katagal natapos ang buong taping nila?
“Ang bilis lang! Nakakapanibago nga, e.
"Kasi kung before umaabot kami ng halos madaling-araw na, may bukang-liwayway na, this time mga ala-una tapos na kami, e. May mga pinolish na lang na mga eksena.
“Nag-start kami ng 9 [A.M.], tapos natapos kami 1 [A.M.], lahat ng eksena nakunan!”
BARBIE'S REACTION
Ano ang reaksiyon ng girlfriend niyang si Barbie Forteza, na mas active sa TikTok kaysa kay Jak, nang nalaman nitong siya ang gaganap bilang DJ Loonyo?
Kuwento ng Kapuso actor, “Sabi niya sa akin, ‘Naku, ma-pressure ka! Alam mo naman yung character na ipo-portray mo, magaling sumayaw 'yan! Basta galingan mo,’ sabi niyang ganun.
“Supportive naman siya sa akin dito sa Magpakailanman.
“And sabi ko, bahala na kung ano na lang makayanan sa sayaw. Pero sa acting, sabi ko, ibubuhos ko dun, dun na lang ako babawi.”
LESSONS FROM DJ LOONYO'S LIFE
Ano ang nais ni Jak na mapulot ng viewers ng Magpakailanman sa life story ni DJ Loonyo?
“For me siguro, ang dapat matutunan ng tao sa istorya niya, hindi kasi natin alam kung ano yung pinagdaraanan nung tao, e.
"Hindi natin alam kung saan nanggaling yung mga sinasabi natin, saan nanggaling yung mga pinaghuhugutan natin.
"Pero siya kasi, ako, nung nabasa ko yung istorya niya, grabe ang bigat, e! Ang daming pagsubok.
“Bilib ako sa pagiging determinado niya sa lahat ng bagay, yung pagiging driven niya, at kung paano niya hinarap ang lahat ng pagsubok.
“Alam naman natin na ang pagiging dancer sa umpisa, hindi talaga ganun kalaki yung kita, paraket-raket lang, paturu-turo.
"Hanggang sa nakarating siya sa China, naging successful siya sa pagsasayaw, naging kilala siya sa pagsasayaw sa Facebook at TikTok, at pag-choreograph ng mga sayaw.
"Para sa akin, napakahirap ng pinagdaanan niya.
“Dapat matutunan ng mga tao sa istorya niya na sana huwag tayo agad manghusga ng kapwa.
"Hindi kasi natin alam kung ano yung pinagdaraanan ng bawat isa sa atin."
Bukod kay Jak, bahagi rin ng Magpakailanman episode na ito sina Lovely Rivero, Jong Cuenco, at Liezel Lopez.
Ito ay mula sa direksiyon ni Zig Dulay.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!
