Nilinaw ni Enchong Dee, 31, na hindi niya pini-pressure ang ibang Kapamilya stars na magsalita para sa ABS-CBN.
Sabi ng aktor, nananawagan siya sa mga ito para maging boses ng 11,000 ABS-CBN employees na nanganganib mawalan ng trabaho.
Ito raw ang mga taong nakasama at nakatrabaho nilang mga artista araw-araw.
Noong July 14, Martes, sinabi ni Enchong sa Instagram na "hindi ako titigil sa pananalita laban sa kasamaan na pumapaligid satin."
Ang tinutukoy ng aktor ay ang pagsuporta sa kanyang home network matapos ipagkait ng Kongreso ang franchise renewal nito.
Pangako ni Enchong sa mga kasamahan, “Kasama nyo ko hanggang muling magbukas ang tahanan natin.”
Ganito tinapos ng aktor ang kanyang mensahe: “At sa mga kapwa ko artista, hindi ito ang oras para manahimik, maging totoo tayo sa salitang #kapamilya.”
NETIZENS' REACTION
Maraming netizens ang sumang-ayon kay Enchong, at pinatutsadahan ang ibang Kapamilya stars na tahimik daw sa isyu ng ABS-CBN.
Pero may ilan ding tumuligsa kay Enchong at sinabing huwag nitong i-pressure ang ibang artista.
Komento ng isang netizen, mali raw na pilitin ni Enchong ang ibang maging kasing vocal niya.
Maangas pang sinabi nito kay Enchong, “And there’s nothing really at risk for your career kasi di ka naman sikat.”
Liban dito, kahit daw magsama-samang magsalita ang maraming artista laban sa gobyerno, wala ring mangyayari “as long as their Lord Digong is incharge.”
Ang tinutukoy ng netizen na "Lord Digong" ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya pangaral nito kay Enchong: “ifocus nyo sa gobyerno ang pagkalampag, instead of shading other artists for being as vocal as you. Everyone shows support in different ways and it’s all valid.”
CALLING FOR SUPPORT OF FELLOW STARS
Naninindigan naman si Enchong na higit pa sa pansariling kapakanan ng artista ang pinag-uusapan dito.
Nilinaw din niyang hindi siya nagpaparinig sa mga artista. Bagkos ay nananawagan siyang magsalita ang mga ito para sa mga ordinaryong empleyado ng ABS-CBN.
Pahayag ni Enchong, "Our voice is not for us but for the others who have nothing, those who live paycheck to paycheck.
“I am not shading, I am calling for their support.
“I can go on with my life without this job but I couldn’t speak for the utility personnel, the wardrobe, the make up artists, the staff, the crew, which ALL artists get to work with everyday."
Giit pa niya, “I’m calling for their support because I know that my colleagues have enough influence to make things right. Again, this is beyond oneself.”
Ipinost ni Enchong sa Twitter ang pakikipagsagutan niya sa netizen.
Tweet ng aktor: “At marami pang iba na kasamahan ko sa trabaho. Marami sila na kailangan ng boses ng mga kapwa ko artista.”


Pinaalalahanan ng isa pang netizen si Enchong na baka hindi suklian ng network ang kanyang ginagawa.
Sabi ng netizen, isa lang si Enchong sa 11,000 empleyado na pwedeng pakawalan ng network, lalo na sa kasalukuyang estado ng kompanya.
Patutsada pa nito, “Hindi ka pa naman A-list star ng network mo.”
Giit ni Enchong, hindi niya kailangang mabahala kung iligwak siya ng network dahil financially secure siya.
Prinsipyo ang nakasalalay rito, sabi ng Star Magic artist.
Saad pa niya, “We are only A-list as we think we are, I have my own standards and I don’t consider myself any.
“And with all due respect, My financial security is well and I am not asking for any reciprocity from ABS-CBN, ang prinsipyo hindi hinihingan ng kapalit.”

OTHERS CELEBRITIES SHARE ENCHONG’S SENTIMENT
Hindi naman nag-iisa si Enchong sa paghimok sa ibang Kapamilya stars na magpahayag ng suporta sa pinagdaraanan ng ABS-CBN.
Noong July 9 at July 10, nagpunta sa labas ng Batasang Pambansa ang ilang empleyado at artista ng ABS-CBN upang manawagan sa Kongreso na paboran ang franchise renewal ng network.
May mga Kapamilya personalities ding nanawagan sa mga artistang samahan sila noong mga araw na iyon.
Isa sa mga artistang dumalo ay si Jolina Magdangal.
Pahayag niya, “Kaya ako sumasali sa ganito dahil pag Christmas special, magkakasama tayong lahat, di ba, pag mga Christmas party, pag mga special gatherings.
“Bakit sa ganito, biglang mawawala?”
May patama naman sa mga artista ng network ang indie director na si Arden Rod Condez noong July 9.
Sabi niya: “Sino-sinong mga artista ang di man lang nagpapakita ng suporta sa ABS-CBN ngayon? Kung Star Magic Ball 'to kanina pa kayo nagsilabasan.”
Si Arden ay naging writer sa ABS-CBN sa loob ng 15 taon.
Sumegunda rito ang Kapamilya director na si Theodore Boborol: “Gigil si Direk! Gigil na rin ako!”

Matapang din ang tweet ng ABS-CBN News reporter na si Kevin Manalo.
Aniya, “Marami sa atin ang mawawalan ng trabaho. Baka po pwede namin marinig ang boses nyo.
“Sabi nga po ni Ms. Jolina tuwing station ID magkakasama kayo. Sana pati ngayon.”
Banat pa niya: “Ilang taon po kayong nabuhay ng matiwasay dahil sa mga programang minahal ng mga manonood natin.
“Hindi po sapat ang puro ‘yakap Kapamilya’ at dasal kung wala pong mas matapang na pakikiisa at paninindigan.
“Sana po may espasyo kaming maliliit na empleyado ng ABSCBN sa puso niyo.”

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
