Angel Locsin to Kapamilya stars neutral on ABS-CBN shutdown: "Wala na kayong network!"

by Bernie V. Franco
Jul 19, 2020
Angel Locsin urges fellow celebs to speak for ABS-CBN amid its shutdown: “Huwag kayong matakot, wala na kayong poprotektahang career o image."
PHOTO/S: @lalaflores on Instagram / CTTO

Pinuna ni Angel Locsin, 35, ang mga kapwa niya artista na playing safe pa rin sa ginawang pagpapasara sa ABS-CBN.

Maaanghang ang pinakawalang mga salita ni Angel para sa kapwa Kapamilya stars na tikom ang bibig sa kabila ng sinapit ng kanilang home network.

Kinastigo rin ng aktres ang 70 mambabatas ng House Committee on Legislative Franchises na bumoto ng “Yes” para hindi na mabigyan ng panibagong prangkisa ang television network.

ANGEL: “WALA NA KAYONG POPROTEKTAHANG CAREER”

Patuloy ang pag-trending ni Angel sa Twitter nitong Sabado ng gabi, July 18.

Mababasa sa tweets ng netizens ang pagsang-ayon nila sa mga pahayag ni Angel tungkol sa shutdown ng ABS-CBN.

Ipinost sa Instagram ni Neil Arce, boyfriend ni Angel, ang four-minute long video ni Angel.

Continue reading below ↓

Mapapanood dito ang pagsasalita ni Angel sa noise barrage na dinaluhan ng mga empleyado at supporters ng ABS-CBN, Sabado ng gabi.

Ang tinumbok ni Angel ay hinggil sa higit sa 11,000 empleyado ng network na nanganganib mawalan ng trabaho.

“Sa mga artistang hindi nagsasalita, may career pa ba kayo? Wala na! Wala na kayong network!” ani Angel.

Sinalubong ang pahayag ni Angel ng malakas na hiyawan ng mga dumalo sa noise barrage, na ginanap sa harap ng ABS-CBN Compound sa Mother Ignacia St., Quezon City.

Bagama’t nakasuot ng protective goggles at face mask, bakas ang nagpupuyos na damdamin ni Angel.

Noon pa man, masugid si Angel sa panawagang mabigyan ng prangkisa ang TV network para isalba ang libu-libong empleyado ng network.

Hindi homegrown talent ng ABS-CBN si Angel.

Nagsimula ang kanyang career sa GMA-7, na nagbigay sa kanya ng top roles sa mga prime-time series. Sa Kapuso network siya naging Angel Locsin.

Continue reading below ↓

Taong 2007, lumipat si Angel sa Kapamilya network, na kinikilala niya ngayon dahil sa tulong nito para makilala raw siyang isang "aktres."

Sa kanyang speech, kinastigo ni Angel ang pagiging neutral ng ibang Kapamilya stars, na idinadaan lang daw ang pakikisimpatya sa home network sa pagpo-post sa social media.

“Kahit magpa-cute kayo diyan sa Instagram, mag-send kayo ng mga sad face… hindi n’yo madadamayan ang mga katrabaho n’yo na dahilan kung bakit kayo sumikat!”

Giit ni Angel: “Huwag kayong matakot, wala na kayong poprotektahang career o image. Nandito tayo sa panahon na kailangan na ding magsalita.”

Saad ni Angel, hindi sila dapat magsawalang-kibo.

“Naiintindihan ko na tayong mga artista expected dapat tahimik lang tayo, dapat sweet ang image, dapat neutral para walang kalaban.

“Pero ‘pag hindi tayo nagsalita, ibig sabihin no’n kinampihan natin ang mali!

“Hindi ako papayag na do’n ako sa maling part ng history kakampi.”

Prangka niyang sinabi: “Mahirap at totoong tagilid ang laban natin, pero alam ko, taas-noo ako, tama ang ipinaglalaban ko.”

Continue reading below ↓

Paglilinaw ni Angel, hindi siya binayaran at wala siyang kontrata sa ABS-CBN, pero nagsasalita raw siya para ipaglaban ang mga ordinaryong empleyadong naging katuwang nilang mga artista.

Aminado si Angel na may utang na loob siya sa TV network pagdating sa kanyang career, pero nagsasalita siya, aniya, “dahil ito ang tama para sa mga tao” ng network.

Bukod kay Angel, nakisali rin sa noise barrage sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Jake Cuenca, Kylie Verzosa, Mylene Dizon, Arjo Atayde, Ria Atayde, Vina Morales, Alex at Toni Gonzaga, at iba pa.

Continue reading below ↓

Samantala, ilang araw na ring sunud-sunod ang noise barrage simula nang ibinaba ng Kongreso ang desisyon nito noong July 10 na huwag pagkalooban ng prangkisa ang istasyon.

Nagkaroon na rin ng mga synchronized na pagbusina ng mga sasakyan at pagtirik ng mga kandila sa harap ng bahay-bahay bilang protesta.

ANGEL: "ANG SIMPLENG MAMAMAYAN ANG NAGUGUTOM."

Hindi rin nangimi si Angel na sabihing “galit na galit” siya nang lumabas ang balita tungkol sa isinapublikong mungkahi ni Camarines Sur 2nd District Luis Raymund “LRay” Villafuerte Jr..

“Lalabas sa balita na ibebenta daw ang ABS-CBN? Ano yun?" banat ni Angel. "Umpisa pa lang, yun na yung gusto n’yo?

“Iburol ang ABS-CBN at i-control ang media? Papayag ba tayo do’n?”

Si Congressman Villafuerte ay isa sa 70 miyembro ng Lower House na bumoto laban sa ABS-CBN.

Ginawa ni Villafuerte ang mungkahing ibenta ang network sa interbyu sa kanya ni Karen Davila sa ANC (ABS-CBN News Channel), July 17, pitong araw matapos pagkaitan ng prangkisa ang network.

Continue reading below ↓

May babala si Villafuerte kapag na-re-elect daw sa 2022 elections ang 70 lawmakers na nag-"Yes" para pagkaitan ng franchise renewal ang ABS-CBN.

Kapag muli raw mag-apply ang network para sa prangkisa, "They might experience the same scenario where they will be again denied."

Sumunod niyang pahayag: "My suggestion to the Lopez family, they just sell the corporation, and if they really love the 11,000 employees or more, and they really want to serve the Filipino people, ibenta na lang nila yung kumpanya.”

Hirit pa ng congressman: "I will support the renewal under new management and ownership.”

Nag-react si Angel at ipinost ito sa kanyang Instagram Story: “Ito po ba ang plano ever since? Palitan ang management para sa ‘iba’ mapunta?

“Sana hindi nangyari ang lahat nang ito in favor sa ‘cronies’ at para sa ‘media propaganda’ ng mga gustong manlinlang sa taumbayan.

“Marami pong nakabantay.

“Ako’y umaasang gagawin natin kung ano pong makakabuti para sa bayan at hindi sa mga personal na agenda.”

Continue reading below ↓

Samantala, ang mungkahi ni Villafuerte na ibenta ang ABS-CBN ay unang narinig mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganito rin ang iminungkahi ng Pangulo sa kanyang speech sa Cotabato noong December 2019.

Bahagi ng kanyang pahayag: "Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo. Mag-renew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan. Kung ako sa inyo, ipagbili n'yo na yan.”

Makailang ulit ding nagbanta noon ang Pangulo na haharangin niya ang panibagong prangkisa ng ABS-CBN.

Nag-ugat ang galit ni Pangulong Duterte sa ABS-CBN dahil sa hindi nito pag-ere ng kabuuan ng kanyang campaign ads noong 2016 presidential elections kahit bayad na.

Tinatayang nagpatuloy ang galit nito dahil sa news coverage ng istasyon, kasama na ang pag-report nito sa drug war ng Presidente na kumitil sa buhay ng libo-libong mahihirap.

Samantala, sa speech ni Angel, sinabi nitong sa pagpapasara ng mga mambabatas sa TV network na pagmamay-ari ng mga Lopez, ang talagang tinamaan ay mga ordinaryong empleyado.

Continue reading below ↓

“Akala n'yo ba na Lopez ang kalaban n’yo?” dinirekta ni Angel ang tanong sa 70 mambabatas.

“Hindi. Hindi sila mamamatay sa gutom. Ang mga simpleng mamamayan ang nagugutom."

Sinabi pa nito tungkol sa mga mambabatas: “Pinatay nila ang mga taong dapat protektahan nila, yung mga taong bumoto sa kanila, yung mga taong dapat pinoprotektahan nila ang trabaho.

“Dahil yun ang mahalaga at pinapangako nila sa bawat eleksyon. Pinatay nila yung mga tao, yung mga simpleng tao.”

Dugtong ng aktres: “Empleyadong nagtatrabaho na bumoto sa inyo, tatanggalan ninyo ng kabuhayan? Napaka-unfair.”

Kamakailan din ay nag-status si Enchong Dee at nanawagan sa kapwa artista sa ABS-CBN na magsalita at maging boses ng mga libo-libong empleyado ng network na isa-isa nang nawawalan ng trabaho.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Angel Locsin urges fellow celebs to speak for ABS-CBN amid its shutdown: “Huwag kayong matakot, wala na kayong poprotektahang career o image."
PHOTO/S: @lalaflores on Instagram / CTTO
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results