Sinagot ni Sofia Andres ang tanong kung bakit inilihim niya ang kanyang pagbubuntis at panganganak noon.
Umamin lamang ang Kapamilya actress tungkol sa pagkakaroon niya ng anak noong June 21, Father’s Day—isa at kalahating taon mula nang malaman niyang buntis siya.
Isinilang ni Sofia ang anak nila ng boyfriend na si Daniel Miranda, isang race car driver, noong November 2019.
Walong buwan na ngayon ang anak nina Sofia at Daniel na si Zoe.
Paliwanag ng 21-year-old actress, “Kasi tinake ko lang yung advice ng sister ko, na pag daw hindi stressful ang pregnancy, nagre-reflect daw sa bata yun.
“And I think, kaya ko po yun ginawang private kasi para carefree ako, wala akong stress na iniintindi…
“Na parang, I don’t have to listen to other people na, ‘Bakit ka nanganak nang maaga and all that?’ Parang nakaka-stress.”
Sinabi ito ni Sofia sa episode ng ABS-CBN online show na I Feel U noong Sabado, July 19.
Makailang ulit nabalita noon ang tungkol sa kanyang pagbubuntis, pero tahamik lang at hindi umamin si Sofia.
Karamihan sa mga ipinu-post niyang larawan sa loob ng panahong iyon ay walang indikasyon na buntis siya, kaya’t marahil ay throwback photos ang mga iyon.
READY TO BE A MOTHER
Nagbalik-tanaw rin si Sofia nang malaman niyang buntis siya.
Aniya, “It’s more on excitement. I think I was ready during that time.”
Sa kanyang previous interviews, sinabi ni Sofia na nalaman niyang nagdadalantao siya noong February 14, 2019, Valentine’s Day.
Si Daniel daw ang umiyak noon nang ipagtapat ni Sofia na buntis siya.
Ikinatakot daw noon ni Sofia na baka hindi siya panindigan ni Daniel, pero tiniyak ng race car driver na pananagutan niya ang aktres.

Pagdating sa kanyang pamilya, ang una raw sinabihan ni Sofia ay ang ate niya.
“I’m scared with my parents kasi sobrang strict nila, e,” paliwanag ng aktres.
Nagpasama raw noon si Sofia sa kanyang ate para magpa-ultrasound.
“Pinakita ko ang ultrasound photo to my parents and then, siyempre, my mom cried. My dad naman was a bit chill.”
Tiniyak naman daw ni Sofia sa kanyang mga magulang na hindi siya iiwan ni Daniel.
Si Sofia rin daw ang nagsabi sa ina ni Daniel tungkol sa kanyang kalagayan.
“I told his mom. Daniel was so scared to tell his parents,” nangingiting kuwento ni Sofia.
SOFIA ON PARENTHOOD
Ayon kay Sofia, iba ang hatid na kaligayahan ng pagiging magulang.
“Exciting, kasi bagong experience.
"Challenging din, kasi pag madaling-araw, gumigising, nagpi-prepare ng food nila, nagtitimpla ng gatas, and all that.
“At the end of the day, masaya.”
Ikinatutuwa rin ng aktres ang pagiging hands-on ni Daniel bilang ama.
“Parang siya yung mommy ni Zoe. He’s more the mom.
“Kasi lagi niyang tsine-check yung temperature almost, like, every day.
“Pag may sipon, dala agad sa doktor, mga ganun.
“So, parang siya yung mas sensitive, mas OC [obsessive compulsive].”
Dahil isa na siyang ina, mas nauunawaan ngayon ni Sofia ang pagiging istrikto ng kanyang mga magulang.
Inamin ni Sofia na dahil sa sobrang istrikto ng kanyang mga magulang noon ay nagrebelde siya.
“Pag babae yung anak, talagang they’ll do everything para protektahan ka.
“I said sorry naman to them kasi hindi naman sinasadya, but they said naiintindihan naman nila, and blessing naman yung bata.
“The fact na na-forgive nila kung ano yung nagawa ko, at least now I understand bakit sila ganun.
“Dati galit na galit, nagrerebelde ako and all that, but now I appreciate everything kung gaano nila ako kamahal.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
