"#SONATotoo."
Ito ang pahayag ng mga artistang humihiling na aksyunan ni President Rodrigo Duterte ang mga problema ng bayan sa kasagsagan ng pandemya.
Ngayong Lunes, July 27, ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo mula nang maupo siya sa puwesto noong 2016.
"Change is coming" ang slogan na pinasikat ng Pangulo noong nangangampanya pa lang siya sa pagkapresidente.
Pero ngayon ay may ilang hindi maiwasang mapatanong kung tunay na pagbabago para sa taumbayan ang hatid ng Pangulo, lalo na ngayong nahaharap sa matinding krisis ang bansa.
ANNE CURTIS
Ang Kapamilya star na si Anne Curtis ay gumamit ng hashtag na "#SONATotoo" sa kanyang hiling sa Presidente.
Nag-aalala si Anne kung paano magkakaroon ng maayos na edukasyon ang kabataan, lalo pa't hindi lahat ay may access sa Internet connection at gadgets para sa ipatutupad na online classes ngayong school year.
Tweet ni Anne kahapon, July 26 (published as is): "Sana mayroong plano kung paano susurportahan ang pagaaral ng kabataan ngayon na hindi sila makapasok sa eskwelahan due to covid-19 Matagal pa cguro bago magkavaccine.
"I hope there’s a way na makakatuloy sa pagaaral ang LAHAT ng kabataan given the current circumstances #SONATotoo."
Si Anne ay isa sa mga hosts ng ABS-CBN noontime show na It's Showtime.

BIANCA GONZALEZ
Ang Kapamilya TV host na si Bianca Gonzalez ay umapela na hindi maabuso ang pagpapatupad sa Anti-Terror Law.
May labingsiyam (19) na isinumiteng petisyon sa Supreme Court ang iba't ibang grupong nagnanais mapawalang-bisa ang Anti-Terror Law, sa pangambang masagasaan nito hindi lang ang malayang pamamahayag kundi pati karapatang pantao.
Tweet ni Bianca kahapon, July 26: "Sana dinggin ng Supreme Court ang ilang hinain na petisyon para ma-amend ang Anti-Terror Law at lalong palakasin ang 'safeguards in place,' kasabay ng provisions sa pagsugpo ng mga tunay na terorista. #SANA2020"
Iginiit din ni Bianca ang kahalagahan ng transparency sa paggasta ng pondo mula sa kaban ng bayan.
"Sana, hindi man natin alam kung sino talaga ang mga nagnakaw o nangungurakot sa kaban ng bayan; sana managot sila, dahil sa tao at serbisyo publiko naman talaga dapat mapunta ang ating buwis, at hindi sa bulsa ng iilan lamang. #SANA2020"

IRMA ADLAWAN
Sa kaso ng veteran actress na si Irma Adlawan, isa raw siyang solid supporter ng Pangulo mula nang iboto niya ito noong 2016 elections.
Umasa raw siya na ang hinahangaang dating alkalde ng Davao City ay mas makapagsisilbi sa mas madaming maliliit na mamamayan nang maluklok ito sa pinakamataas na puwesto sa bansa.
Si Irma ay napapanood sa ABS-CBN prime-time series na A Soldier's Heart.
"Ako ay isang 'certified' DDS," bungad ni Irma sa kanyang Instagram post kahapon, July 26.
"Noong wala kahit isa sa pamilya ko na gustong bumoto sa ’yo, nanindigan ako sa paniniwala ko. Naniwala ako sa kapayakan mo. Naniwala ako sa katapatan mo.
"Naniwala ako at umasa na Ikaw na ang Pangulong makikipaglaban at makikinig sa pangngailangan ng mga maliliit na mamayan at ang tunay na magdadala sa atin sa kaunlaran...."
DISAPPOINTED BY PRESIDENT DUTERTE
Pero ani Irma, hindi siya bulag sa mga pagkukulang ng Pangulo.
Puno ng hinanakit na kinuwestiyon ni Irma kung bakit mas dumami pa ang mga taong nagigigipit ngayon, taliwas sa mga ipinangako nito noon.
"Apat na taon.... Totoo ngang may naipatupad. Totoo ngang may nailigtas.. Totoo ngang may magandang nagawa.... pero habang tumatagal... bakit parang nagiiba...??..
"Dahil ba ito sa mga taong nakapaligid sa yo....? Dahil ba ito sa pagod, kaya basta-basta ka na lang magpasiya na hindi mo na inisip na maraming magdurusa...?
"O dahil ito ang tunay na ikaw, na ngayon ko pala lang nakikita....?"
PERSONAL VENDETTA over people's needs?
Lumalabas daw na paghihiganti ang inuna ng Pangulo kaysa ang tugunan ang pangangailangan ng taumbayan.
Hinaing ni Irma: "Sa panahon ng pandemya kung saan humihiyaw ang bayan para sagipin mo sila, Bakit ang inuuna mo ay buwagin ang oligarkiya...?
"hulihin ang terrorista..? kilingan ang TSINA..? at magsayaw ng CHA-CHA!!?
"Sa dami ng nawawalan ng trabaho, dinagdagan mo pa, PARA MAKAGANTI !?!"
Hindi kaila na tinutukoy ni Irma ang pagpapasara ng gobyerno sa ABS-CBN, na napilitang magtanggal ng libu-libong empleyado dahil sa tigil-operasyon ng TV at radio operations ng istasyon.
Tatlong araw matapos pagkaitan ng prangkisa ang broadcast giant noong July 10, masayang inanunsiyo ni Pangulong Duterte na nabuwag daw niya ang "oligarkiya" nang hindi kinakailangang magdeklara ng martial law.
Sa parte ni Irma, tinawag niyang "walang puso" ang gobyerno.
"Wala akong nararamdaman kundi GALIT! Mga walang puso kayo! Lecheng gobyerno!" saad sa July 17 Instagram post ni Irma.
Kinabukasan, July 18, nag-alay si Irma ng dasal na sana ay manatiling matatag ang loob ng "mga kapwa Ko PILIPINONG tinanggalan ng kabuhayan ng GOBYERNONG ito."
Sa huli, sinabi ni Irma na hindi niya alam kung may natitira pa siyang tiwala sa Pangulo.
Diin niya sa kanyang Instagram post kahapon, July 26: "Bukas (July 27) magsasalita kang muli....... SONA matuto kang magpatawad.
"SONA marinig mo ang hinaing ng sinasabi mo’y MAHAL MONG PILIPINAS..
"SONA mapaniwala mo pa ako.... At ang lahat ng mamumutawi sa iyong bibig bukas.... #SONATotoo"
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
