This Week In Showbiz: Nung hindi makapaghintay maging Kapamilya si Aljur Abrenica
by Rommel R. Llanes July 27 to August 2, 2017: Ito ang ilan sa mga pinakabinasang istorya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nung panahong ito.
AHRON VILLENA NUDE PHOTO
Nagulat ang Instagram followers ni Ahron Villena nang bumungad sa kanila ang nude photo ng aktor.
Hubo't hubad talaga't kita pa ang pribadong bahagi ng kanyang katawan.
Ilang minuto ang lumipas, binura ni Ahron ang photo.
Kinabukasan, nagpaliwanag ito tungkol sa nai-upload na larawan.
Aniya, hindi sinasadya ang pagkaka-upload ng kanyang nude photo. Puyat, pagod, wala raw siya sa sarili nang ma-upload ang photo.
GRETCHEN BARRETTO'S ALCOHOL FIX
Magkakahalo ang reaksyon ng Instagram followers ni Gretchen Barretto sa post nito ng bote ng isang rubbing alcohol.
May mga natawa, nagalit, at nag-react sa mga reaksyon sa post ni La Greta.
Ayon sa kanyang post, humingi siya ng alkohol sa receptionist ng restaurant na pinuntahan nila ng kanyang mga kaibigan.
Naka-location tag sa post ni Gretchen ang City of Dreams Manila na pahiwatig na nasa sosyal na hotel at casino sa Pasay City ang grupo nila.
Nang dumating daw ang receptionist, ang bote nga ng rubbing alkohol ang inabot sa kanya.
Maririnig ang tawanan ng at panunuya kay Gretchen ng mga kaibigan niya dahil sa nangyari.
Maya-maya pa'y nag-post na ng bote ng tequila si Gretchen. Ito raw ang alkohol na gusto niya talaga.
Sa post ng mga Instagram followers na nag-react, may ilang natawa dahil sa nangyari.
May ilan ding pumuna sa post ni Gretchen na para sa kanila ay hindi maganda para sa receptionist na nagsilibi sa aktres.
Nakadama pa nga ng awa ang iba para sa receptionist at inis at galit naman para kay Gretchen.
Pero meron din namang nagsabi na dapat di masyadong seryosohin ng mga nag-react nang di maganda ang post ni Gretchen.
THAT TIME WHEN ALJUR ABRENICA CAN'T WAIT TO BE A KAPAMILYA
Ilang buwan matapos na magtapos ang kontrata ni Aljur Abrenica sa GMA Network, sinalubong nang pormal ang dating Kapuso ng mga boss sa ABS-CBN.
Marso 2017 nagtapos ang kontrata ni Aljur, July naman nang i-welcome siya nina Deo Endrinal (Dreamscape Productions head), Laurenti Dyogi (business unit head), at Cory Vidanes (Chief Operating Officer) sa bakuran ng Kapamilya station.
Pero kung tutuusin, matagal nang gustong lumipat ni Aljur sa ABS-CBN.
Marso 2014 nang mag-file ito ng petisyon sa korte para ipawalang-bisa na ang kontrata niya sa GMA Network.
Usap-usapan na noon na lilipat siya sa ABS-CBN at may balita na noon na nakikipag-usap na siya sa mga tagarito para sa posibleng paglipat.
Sa kabila noon, binigyan pa rin si Aljur ng mga proyekto ng GMA matapos na magkasundo sila.
Agosto 2017 nang opisyal nang maging Kapamilya si Aljur nang pinapirma na siya ng exclusive contract sa ABS-CBN.
Ngayong 2020, naging kontrobersiyal si Aljur dahil sa pahayag niya tungkol sa kanyang paninindigan sa laban ng kasalukuyan niyang mother network sa gusot nito sa gobyerno.
ALFIE LORENZO DIES
Pumanaw ang beteranong showbiz columnist at talent manager na si Alfie Lorenzo sa edad na 78.
Ayon sa report, inatake ito sa puso habang nasa Solaire Resort & Casino sa Pasay City.
Ang naging alaga nito sa loob ng 28 na taon na si Judy Ann Santos ang nag-asikaso ng burol nito.
Pormal na nagpaalam si Judy Ann kay Alfie noong Agosto 2016, ngunit bali-balitang hindi na maayos ang kanilang relasyon bilang talent at manedyer maraming taon na rin ang nakalilipas.
Ang ilan pa sa mga artistang naging talents ni Alfie ay sina Ruffa Gutierrez, Sunshine Cruz, Karla Estrada, Jackie Forster, Edgar Mande, Lito Pimentel, Rey 'PJ' Abellana, at Jeffrey Santos.
Bilang isang entertainment columnist, nakilala si Alfie bilang bahagi ng Troika ng tabloid na Abante; kasama niya ang mga yumao na ring sina Oskee Salazar at Billy Balbastro.
Naging kontrobersiyal ang buhay ng kinilala sa showbiz na "Tito Alfie," dahil sa pakikipag-away nito sa mga artista, network executives, producers, at kahit kapwa talent manager.





