Inulan ng batikos si Sunshine Dizon matapos manindigang hindi siya "magbubulag-bulagan" sa mga namumunong "pansariling pakinabang lang ang uunahin" kaysa kapakanan ng taumbayan.
Si Sunshine ay exclusive star ng GMA-7.
Ilang oras bago mag-State of the Nation Address (SONA) si President Rodrigo Duterte, inihayag ni Sunshine ang kanyang pagkontra sa Anti-Terror Act of 2020 at pagpapasara sa ABS-CBN.
Aminado si Sunshine na marami ang maaaring kumontra sa kanya, pero wala raw siyang pakialam kahit pa tawagin siyang "bobo."
Post ni Sunshine sa kanyang Facebook at Instagram accounts ngayong Lunes, July 27 (published as is):
"Marami akong kaibigan na hindi ko na siguro magiging kaibigan pag katapos nito pero ayos lang kasi ibig sabihin hindi talaga sila kaibigan.
"Bago nyo ako husgahan at tawaging bobo gaya ng iba dyan na ang huhusay at ang lalakas ng loob mang liit ng kapwa nilang Pilipino kahit wala naman sila ni singkong na i ambag para sa kultura at bayan, Oo hindi po ako abogado pero marunong po akong mag basa at marunong din akong umintindi.
"Gusto ko pong mamuhay sa Pilipinas kasama ng aking mga anak, pamilya at mga kaibigan ng payapa at walang takot na may mga tao na matatas at makapangyarihan na pwedeng abusuhin ang batas na dapat ay poprotekta sa ating lahat.
"Gusto ko pong mamuhay na walang takot na ako ay pwedeng mapag suspetyahang terrorista dahil nilabas ko lang ang aking mga saloobin o akoy sumali sa isang protesta.
"Hindi tamang mawalan tayo ng boses at karapatang pumuna kapag tayo ay may mga mali nang nakikita.
"Gusto kong lumaki ang aking mga anak sa ating bayan na malayang makakapagpahayag ng kanilang saloobin, rerespetuhin ang kanilang karapatang pantao."
Sa isyu ng Anti-Terror Act of 2020—o Anti Terrorism Law—pinangangambahan ng mga kontra rito na masaklawan ang malayang pamamahayag.
Ayon sa batas, "criminal offense" ang pagkilos sa pamamagitan ng "speeches, writings, proclamations, emblems, banners, and other representations" para maghasik ng terorismo.
Ipatutupad din ang "warrantless arrest" sa sinumang matukoy na terorista, at may parusang labindalawang taong pagkabilanggo.
Patuloy ni Sunshine (published as is): "Sumasang ayon ako sa batas na poprotekta sa ating lahat laban sa terrorismo pero hindi ako sang ayon sa batas na hindi malinaw na posibleng ma abuso sa mga kamay ng mga taong nakatataas at makapangyarihan na pansariling pakinabang lang ang uunahin.
"Araw araw tumataas ang bilang ng may mga sakit dahil sa covid. Nasaan na ang kongkretong plano para sa bayan? Wala pa rin mass testing.
"Pero nagawang ipasara ang AbsCbn at tanggalan ng hanap buhay ang higit sa 11,000 na pamilya.
"Nagawa ang ANTI TERROR BILL.
"Paano at ano pa ang mga pwede nilang gawin ngayong ito ay nai sa batas na.
"Wag na tayong mag bulagbulagan kailangan nating ipag laban ang ating kalayan at protekatahan ang ating karapatang pantao."
Sa caption ng Instagram post ni Sunshine, tahasan niyang sinabi na handa siyang makipagsagutan sa sinumang gustong makipagdiskurso sa kanya.
Sabi ng Kapuso actress: "go lang may time ako sumagot basta make sure valid ang point para mapansin #patol pa ko.
"Hangang 2pm lang ako papatol nakaka pagod din pala sumagot pag pauulit. At respeto sa opinyon at wag ma mersonal."
Dinagdagan niya ito ng hashtags na "#itoangsonako #sonangaling #sonatotoo."
"GONGGONG KA..."
Mabilis na inatake ng mga tagasuporta ng pamahalaan si Sunshine.
Tinawag siyang "gonggong" at "bopol" dahil sa pag-alma niya sa Anti Terrorism Law.
Sabi ng isang netizen, "Gonggong ka m_sunshinedizon tsinelasen kita dyan eh, basahin mo batas, kahit mag rally kapa araw2x mag express na ayaw mo sa govt,
"Hindi yan ma consider na terrorist act... bopol natu!!!"
Iginiit ni Sunshine na hindi niya tinutuligsa ang pagkilos ng gobyerno para sugpuin ang terorismo sa bansa.
Buwelta niya sa basher, "you are a perfect example of how low one can get. We are all entitled to our own opinions regarding issues PERO HINDI TAMA MA MERSONAL.
"Mukang ikaw po ang walang pinag aralan sa inaasta mo. Pakita ka din po ng picture wag duwag na nag tatago sa fake accounts.
"Basa po ng maigi hindi ko po sinabing hindi ako pabor sa batas that should protect us from terrorism, what I don’t agree with is it is open to abuse.
"Ay sorry sana tinagalog ko para na gets mo."

SUNSHINE: ABS-CBN EMPLOYEES DON'T DESERVE A SHUTDOWN
Kinuwestiyon naman ng isang netizen ang pagdepensa ni Sunshine sa ABS-CBN.
Hindi raw totoo ang slogan ng ABS-CBN na "in the service of the Filipino" dahil base sa resulta ng imbestigasyon ng Kongreso, marami raw violations ang network.
Ilan sa mga diumano'y violations ng ABS-CBN ay may kinalaman sa buwis, labor issues, malaking porsiyento ng foreign investors ng network, at mga transaksiyon nito sa AMCARA Broadcasting Network.
Sabi ng detractor ng ABS-CBN, "ANG BATAS AY BATAS!!
"KASALANAN PO NG ABS-CBN UN AT TNX SA PANGULO NATIN NGAUN DHIL NBIGYAN NG HUSTISYA ANG PANLALAMANG NILA!"
Depensa ni Sunshine, tingin niya ay hindi total shutdown ang sagot sa mga isyung ibinabato laban sa ABS-CBN.
"Kung may pag kakamali man sana binigyan man lang ng pag kakataon para baguhin at itama ang mga pagkakamali para sa mga manggagawa dahil 11,000 na pamilya ang mas apektado lalo na ngayong may covid.
"Nirerespeto ang opinion mo pero sana makita mo sa puso mo ang awa para sa mga tao."

"UNFOLLOWING" SUNSHINE
Tulad ng inasahan ni Sunshine, may mga netizens na gustong mag-unfollow sa kanya dahil sa opinyon niya kontra sa gobyerno.
"Ur included with the rest of shallow people.. ive never thought how shallow u r until now.. that's why u ended up like that .. tsk..same here unfollowing," komento ng isang kritiko ni Sunshine.
Hindi natinag ang Kapuso actress.
Sagot niya, "thank you very much. I do not need your kind of opinion it's also shallow.
"And next time use your own photo do not hide it makes you a coward. Go with the likes of you."

Dedma rin si Sunshine kung mabawasan ang followers niya sa social media.
"salamat naman po para mabawasbawasan," kibit-balikat na sabi niya.


DEBATE ON ANTI-TERROR ACT OF 2020
May iba pang netizens ang nakipagdebate kay Sunshine hinggil sa Anti Terrorism Law.
Marami raw biktima ng terorismo sa mga probinsiya kunsaan "naghahasik ng lagim ang mga terorista."
Bahagi ng mensahe ng netizen kay Sunshine (published as is): "...sana kayong taga MAYNILA na hindi alam ang truama naming naranasan ang kahayupan ng mga terrorista na to...
"MAAWA naman kau sa amin ito na Yung time na maprotektahan na kmi e.
"Wla kayong puso pra sa aming nsa mga lalayong probinsya na hinuthutan at pag di nkpg bigay ay pinapatay ang mga magulang namin o Kaya sinusunog ang kabuhayan namin..."
Pero tingin ni Sunshine, hindi pa rin dapat ipatupad ang Anti Terrorism Law.
Naniniwala siyang kulang ang probisyon ng batas para masigurong hindi basta kung sino lang ang bansagang terorista.
Paliwanag ni Sunshine, "hindi po sinabing hindi ako pabor sa batas na dapat ay puprutekta sa atin laban sa terrismo.
"Hindi lang ako sangayon na pwede itong maabuso dahil hindi ito malinaw.
"Sa kamay ng mapag abuso pwedeng pwede maiba ang interpretasyon ng batas na ito."

Sa pakikipagsagutan niya sa isa pang netizen, diretsahang sinabi ni Sunshine na wala siyang tiwala sa kamay ng mga mapang-abusong "people seated in power."


SUNSHINE CALLED "NAGMAMARUNONG"
May isang avid supporter ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagdiinang "kuntento ako s presidente na binoto ko!"
Sadyang "nagmamagaling, nagmamarunong, at hindi marunong umintindi" raw si Sunshine.
Sagot ni Sunsine, "kung personalan na din po pala. Ibabalik ko din sayo na para sa akin ay nag mamarunong ka din at hindi marunong magbasa at umintindi.
"At talagang marami ding MGA KATULAD mo."

SUNSHINE'S ALLEGED BOYFRIEND
Isa pang netizen ang nagsabing atupagin na lang ni Sunshine ang kanyang "bf" na "bastos" at nakikisali sa "online concert" kasabay ng SONA ni Pangulong Duterte.
Pinabulaanan naman ni Sunshine ang espekulasyong mayroon siyang boyfriend.
Ani Sunshine, "wala po akong Bf. Fake news po kayo."

Maya-maya pa, nilinaw ng netizen na "hindi boyfriend" ang tinutukoy niya kundi "best friend" ni Sunshine na nakiisa raw sa "online concert."
Tila ang tinutukoy na "online concert" ay ang SONAgkaisa, kunsaan nagsama-sama ang Filipino artists para iparinig ang kanilang hinaing sa gobyerno.
Sagot ni Sunshine: "kung sino man ang tinutukoy mo RESPETO karapatan po nila yun gaya ng karapatan mo din iparinig ang opinion mo. Wag lang tayo na mamersonal."

SUNSHINE'S DEFENDERS
Sa kabilang banda, may netizens na humanga sa paninindigan ni Sunshine.
Hindi raw dapat manahimik pagdating sa pagsasabi ng katotohanang maraming pagkukulang ang gobyerno.

May netizen ding nagsabing karapatan ng bawat mamamayan na kuwestyunin ang gobyerno sa konkreto nitong plano para sa health at economic welfare ng taumbayan ngayong may pandemya.

Sa huli, in-edit ni Sunshine ang caption ng kanyang Instagram post para pasalamatan ang mga netizens na hindi idinaan sa "pa memersonal at pambabastos ang kanilang paraan upang depensahan nila ang kanilang katwiran."
Dagdag niya, "Ipagdarasal ko ang Pilipinas at lahat ng namumuno gabayan sana sila ng Poong May Kapal himukin at maalala nila ang tunay nilang tungkulin.
"Mag silbi para sa bayan, para sa mga Pilipino at hindi para sa kanilang mga sarili."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
