Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang larawan ni Eric Fructuoso, 43, na nagmamaneho ng traysikel.
Lalo pa silang naintriga sa agaw-pansing larawan ng aktor dahil sa nakasulat sa caption.
Mensahe ni Eric sa Instagram post niya noong August 11, 2020: “Times like these hindi pwedeng kaartehan ang paiiralin! Basta ligal na pagkakakitaan para sa mga anak, tirahin lang ng tirahin!”
Si Eric ay 16 taon nang kasal sa kanyang non-showbiz wife na si Gian, at mayroon silang apat na anak. May isa pang anak ang aktor sa dating nakarelasyon noon.
Walang detalye si Eric kung recent o throwback ang larawang ipinost niya, o kung para ito sa isang proyekto noon.
Gayunpaman, samu’t sari ang komento ng netizens sa post ni Eric.
Sabi ng iba, bilib sila sa aktor na hindi raw nahihiyang mag-traysikel, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
May iba ring hindi makapaniwala na pinasok ni Eric ang pagta-tricycle driver.
ERIC GAMELY RESPONDS TO NETIZENS
Ilang komento ang magiliw na sinagot ni Eric.
Kinumpirma niya sa isang netizen na nasa Naic, Cavite, siya ngayon.
May isang nagtanong kung magkano ang bayad hanggang kanto, at sinagot ito ni Eric ng "P5," o limang piso.
Ang isa naman, tinanong kung magkano ang boundary.
Sagot ni Eric: “basta hanggang bayan 32 petot with a smile [laughing face with sweat emojis].”
Sinagot din niya ang ilang netizens na tinawag siya sa mga pangalan ng ginampanang roles noon—Rodolfo sa Kapamilya teleseryeng Lobo (2008) at Elias sa pelikulang Tenement 2 (2009).
PRAISE AND DOUBTS
Marami ring followers si Eric na pumuri at sumaludo dahil hindi raw ito nangiming pumasada ng traysikel, na isa namang marangal na trabaho.
Pero mayroon ding nagtanong kay Eric kung totoo nga bang namamasada siya ng traysikel.
Walang sagot si Eric para kumpirmahin kung totoo ang ipinahihiwatig ng kanyang post.
Narito ang ilan sa mga komentong papuri at pagduda sa post ni Eric:
ON EXPENSIVE SHOES AND MISSING FACE MASK
Samantala, hindi naman nakalusot sa mapagmatyag na netizens ang mamahaling suot na sapatos ni Eric sa kanyang Instagram post.
Nakasuot kasi ang aktor ng black-and-white Air Jordan 11 Concorde sneakers, na nasa P11,000 ang halaga.
Kaya naman sabi ng isa, ang yaman ng tricycle driver na ito.
May nagbiro pang baka ma-holdap siya dahil sa suot na branded shoes.
Marami rin ang nagpaalala kay Eric na magsuot ng face mask, na isang mahigpit na safety protocol ngayong may health crisis.
Narito ang ilan pa sa comments:
ERIC, INFLUENCER AND RIDER
Kapansin-pansin din ngayon na aktibo ni Eric sa kanyang social media accounts, gaya ng Facebook, Instagram, at YouTube.
Tila pinasok na ni Eric ang pagiging influencer?
Madalas siyang mag-post ng videos ng taste test niya ng mga ipinadadala sa kanya ng mga may negosyo sa pagkain at iba pang produkto.
Hindi rin maikakailang nahihilig ngayon ang aktor sa motor at scooter.
Sa maraming litratong ipino-post niya, nakapormang rider ito, katabi ng kanyang motorsiklo.
Maging ang recent YouTube videos niya ay test drive ng mga motorsiklo.
FULFILLMENT AS A RIDER
Kahapon naman, August 14, nag-Facebook Live si Eric kasama ang isang kapwa rider habang nasa isang coffee shop sila sa Lemery, Batangas.
May mga random statement din si Eric tungkol sa kaligayahang dulot sa kanya ng motorbike riding, na tila kamakailan lang niya sinimulan.
Sa katunayan, iniisip daw niyang ikutin ang Pilipinas gamit ang kanyang motorsiklo kapag natapos na ang pandemya.
“Sasakay ka sa roro [roll-on/roll-off ship], yung motor iikutin ang buong Pilipinas.
“Pag tapos na, naalis na ang COVID, tumino na ang Pinoy, at maayos na ang gobyerno, pag okay na tayo lahat… Iikutin ko ang buong Pilipinas, magro-roro ako."
Iba raw ang hatid na kasiyahan ng pagmo-motor.
“Kahit mag-isa ka, nakakapag-isip ka, lahat ng mga plano mo, pumapasok lahat. Wala kang ibang iniintindi, wala kang ibang… parang freedom talaga.”
Sinang-ayunan din ni Eric ang isang kapwa rider na nagsabing hindi lang pera ang makapagpapasaya sa isang tao.
Mararanasan nga raw ang tuluy-tuloy na trabaho para kumita, pero mapapabayaan naman ang katawan.
“Walang fulfillment, e,” ani Eric. "Pangit yung sobrang daming pera, e. Masarap lang sobra pag dami mong pera, pero yung tutulong ka. Pero siyempre, minsan hindi rin maganda yung puro tulong, e."
LAST TELESERYE
Ibinahagi ni Eric ang lungkot na naramdaman matapos ng pinakahuling teleseryeng ginawa niya, ang Kadenang Ginto sa ABS-CBN, na umere mula 2018 hanggang 2020.
“Nung time na nagti-taping ako, yung araw-araw," pagbabahagi ng aktor, “masaya ako, kasama ko sina Joko [Diaz], di ba, nag-e-enjoy kami sa taping. Nag-e-enjoy ako dahil kasama ko sila sa trabaho.
“Pagkatapos nun, wala na akong ginagawa, kausap ko lang si Piso,” pagtukoy niya sa kanyang alagang aso.
Nakahanap daw siya ng ibayong kasiyahan nang madiskubre ang motorbike riding.
“Kung alam ko lang na okay pala yung nagmo-motor, sana bumili na ako ng motor noon pa,” sabi niya.
Nagsimula at sumikat si Eric sa bakuran ng ABS-CBN noong ‘90s.
Kasama niya sina Mark Anthony Fernandez, Jomari Yllana, at Jao Mapa sa grupong Gwapings. Nakagawa sila ng dalawang pelikula na may parehong titulo.
Nakilala rin ang Gwapings nang mapabilang sila sa ABS-CBN sitcom na Palibhasa Lalake.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika