Mukhang tototohanin ni Raffy Tulfo ang sinabi nitong hahanapan niya ng trabaho sa bakuran ng TV5 ang komedyanteng si Donita Nose.
Pero nangangamba raw ang broadcaster sa sasabihin ni Willie Revillame, na dating boss ni Donita sa Wowowin ng GMA-7.
Ito ang pinag-usapan nina Raffy at Donita sa episode ng Tulfo in Action noong Sabado, August 15.
Na-discharge si Donita Nose sa St. Luke’s Medical Center Global City, noong August 12.
Umabot ng halos PHP600,000 ang kanyang hospital bill sa dalawang linggong pananatili sa ospital. Nagbigay sa kanya si Raffy ng PHP500,000.
Ilang araw bago ma-discharge si Donita, biniro niya si Raffy kung pwede siyang magtrabaho sa public-service program ng broadcaster.
Muli itong hinirit ni Donita sa virtual conversation nila ni Raffy noong Sabado.
Pangungumusta ni Raffy sa komedyante, “Ready ka nang mag-work?”
Natatawang sagot ni Donita, “Opo, sa inyo… reding-ready po ako!”
Pero pag-aatubili ni Raffy, “Teka muna, teka muna. Baka magalit sa atin ‘yang si Mr. Willie Revillame.”
Mabilis namang tugon ni Donita, “Ay, hindi. Naku, hindi. Actually, Sir Raffy, nasa kanya ako nun bago ako magka-COVID. Nasa kanya ako, sa Tutok to Win.
"Tapos ang nangyari po nun is pinalitan po ako ni Hipon, so wala po muna akong trabaho ngayon."
Ang tinutukoy ni Donita ay ang isa pang Wowowin co-host na si Herlene Budol a.k.a. Hipon Girl.
“Hindi ko alam kung si Hipon nandun pa rin, pero feeling ko wala na rin po muna.”
Sigurado raw si Donita na kayang-kaya ni Willie mag-host mag-isa sa kanyang programa.
“So, actually, kahit na si Kuya Wil, kayang-kaya naman niya na nandun, e,” sabi niya.
Sigurado rin daw si Donita na ikatutuwa ni Willie kung makahanap siya ng trabaho, lalo na sa panahong ito.
“Siguro maiintindihan niya kung saan po ako magkakaroon ng trabaho, o kung saan ako kikita. Siguro hindi naman po siya magagalit kasi alam naman niya lahat po tayo nangangailangan ng trabaho.
“Matutuwa pa po yun pag nagkaroon ako ng trabaho. Alam niya,” saad ni Donita.
Lubos na nakilala si Donita nang kunin siyang co-host ni Willie sa programa nitong Wowowin noong 2015.
Napabilang din si Donita sa regional shows and concerts ng GMA Network.
Subalit nang mag-reformat ang Wowowin noong 2018, isa si Donita sa mga natanggal.
Muling nakabalik si Donita sa Wowowin nitong June 2020, subalit hindi na siya pumasok sa show noong July 10.
Kinumpirma ito ni Willie sa isang previous episode ng Wowowin, pero hindi binanggit ang dahilan kung bakit nawala uli sa show si Donita.
Hanggang si Donita na mismo ang nagkumpirmang naospital siya dahil sa COVID-19.
RAFFY TO TALK TO TV5 PRODUCERS
Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Donita, sinabi ni Raffy na plano na niyang makipag-usap sa kanyang producers sa Kapatid network.
Saad niya, “Pwede naman daw siya dito. Kausapin ang mga producer. At least, naipaliwanag na hindi magagalit si Mr. Willie Revillame, baka mamaya magagalit yun.
“So, tingnan natin, baka mahanapan natin siya ng posisyon dito, kasi magaling naman siya, in fairness. Magaling magbiro, magaling sumayaw, mag-joke.”
Nauna nang sinabi ni Raffy na suki siya at ang kanyang pamilya sa comedy bars kung saan nagpe-perform noon si Donita.
Dumating nga raw sa puntong naging kaibigan ni Raffy ang mga comedy-bar performers, kabilang sina Donita, Wacky Kiray, at Vice Ganda.
Si Donita din daw ang kadalasang kinukuhang host nina Raffy sa kanilang taunang company Christmas party.
Sabi naman niya tungkol kay Vice, “Best friend namin ‘yan si Vice Ganda, katulad din ni Kiray at Donita Nose.
“Ang kagandahan kay Vice Ganda, kahit sumikat siya, hindi siya nakakalimot. Hindi katulad ng iba, kapag sumikat na, hindi [ka] na kilala.
“Si Vice Ganda, hindi, e. Alam niya kung saan siya nanggaling at nangingilala pa. And then, si Kiray din.
“Si Donita Nose lang ang hindi medyo umangat. Yung dalawa, umangat na.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
