Nanghilakbot ang veteran broadcast journalist na si Karen Davila nang makita ang viral photo ng isang pool party sa Wuhan City sa China.
Kuha ang picture nitong Sabado, August 15, sa electronic music festival na idinaos sa Wuhan Maya Beach Water Park.
Sa litrato, makikitang magkakadikit na nakababad sa swimming pool ang libu-libong taga-lungsod habang pinanonood ang isang performer sa improvised stage.
Ang stage na gawa sa kahoy ay nakatunghay sa pool.
Ilan sa kanila, lalo na ang mga bata, ay nakasuot ng salbabida. May life vest naman ang iba pa.
Pero halos hindi na sila makagalaw dahil sa pagsisiksikan sa kanilang kinapupuwestuhan. Imposible ang physical distancing.
Wala ring isa man sa mga taga-Wuhan na nasa pool ang may suot na mask.
Ang Wuhan City ang kabisera ng probinsiya ng Hubei sa China.
Sa Wuhan nagsimula ang COVID-19 pandemic noong December 2019.
“VERY DISTURBING” PHOTO
Ang litrato ay kuha ng Paris-based international news agency na Agence France Presse (AFP).
Ipinost ng ABS-CBN News ang picture, na ni-retweet naman ni Karen nitong Lunes, August 17.
Ramdam ang pagkagulat at matinding pagkabahala ng 49-year-old Kapamilya news anchor, base sa pagkakasulat niya sa caption.
Sa pawang capital letters, isinulat ni Karen: “OH MY GOD. PUSO KO. ANO BA”
Mayroon pang see-no-evil monkey emoji sa dulo ng tweet na ito ni Karen.
Galit naman ang reaksiyon ng Twitter users na nagkomento sa litrato.
“VERY DISTURBING” daw ang picture, na masisilayan ng buong mundo na hanggang ngayon ay patuloy na nagdurusa dahil sa COVID-19.

Nakuha pa raw magsaya ng mga taga-Wuhan gayung ang “daming naghihirap, nawalan ng trabaho, namatayan.”



Ang isang netizen tinawag na “Source of COVID” ang mga taga-Wuhan.

Biro naman ng isang Twitter user, ang pinaglulunuyan daw ng mga ito ay tinatawag na “covid pool.”

WUHAN AFTER COVID-19
June 2020 nang buksang muli ang popular na Wuhan Maya Beach Water Park sa siyudad, ayon sa report ng AFP.
Sa ngayon, 50 percent o kalahati lang ng kapasidad ng paliguan ang ipinagagamit sa publiko.
May promo rin na kalahati lang ang babayarang entrance fee ng kababaihang bisita.
Ngayon lang unti-unting nakakabawi ang turismo sa Wuhan makalipas ang 76-araw na istriktong lockdown na ipinatupad sa lungsod.
“Draconian” ang paglalarawan ng British online newspaper na The Sun sa lockdown na ipinatupad sa 11 milyong residente ng Wuhan simula January 23 hanggang April 7.
Ayon sa Chinese state media reports, hindi na nakapagtatala ng COVID-19 cases sa Wuhan simula noong kalagitnaan ng May.
Gayunman, kilala ang gobyerno ng China sa kontrolado at kaduda-dudang pag-uulat ng COVID-19 cases nito, ayon sa The Sun.
Sa official report ng China sa World Health Organization (WHO), sinabi nitong nasa 3,000 ang nasawi sa COVID-19 sa Wuhan.
Pero ayon sa ulat ng The Sun, sa tantiya ng mismong mga taga-Wuhan ay aabot sa 42,000 ang aktuwal na bilang ng mga namatay sa virus sa lungsod.
COVID-19 CLAIMED MORE THAN 762,000 LIVES
Batay sa situation report ng WHO nitong Lunes, August 17, mahigit 21.3 million na ang tinamaan ng COVID-19 sa mundo.
Lampas 762,000 sa bilang na ito ang nasawi.
Sa kasalukuyan, 164,474 na ang nagpositibo sa virus sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Aabot sa 112,759 ang gumaling, habang 2,681 ang namatay.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
