Inamin ni Angeline Quinto, 30, na mayroon siyang love life ngayon.
Gayunpaman, walang ibinigay na detalye ang ABS-CBN singer tungkol sa taong nagpapasaya sa kanya sa kasalukuyan.
Sa episode ng Kapamilya online lifestyle talk show na I Feel U noong August 16, kinumusta ng host na si Toni Gonzaga ang buhay pag-ibig ni Angeline.
“Actually, ngayon, meron naman po,” pagbubunyag ni Angeline.
May nagpapasaya sa puso niya ngayon?
“Yes po, pero hindi ko pa siya napapakilala kay Mama Bob,” pagtukoy ni Angeline sa kanyang ina-inahan.
“Pero hopefully, Ate, pag naging maayos na lahat, sana makilala siya ng mama ko.”
Pag-uusisa ni Toni, “masaya at inspired” ba ang lagay ng puso ni Angeline?
“Of course, Ate. Opo naman,” pagkumpirma ng singer.
RUMORED NON-SHOWBIZ BOYFRIEND
Usap-usapan ang pagkakaroon ng bagong boyfriend ni Angeline matapos mag-post ito ng mga larawan kasama ang isang non-showbiz guy noong huling linggo ng July.
Sa eksklusibong ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 11, kinilala ang lalaking kasama ni Angeline bilang si Nonrev Pelayo Daquino, 26, taga-Sampaloc, Maynila.
Ngunit sa ulat ding iyon, isang Elisha Arellano ang nagsabing boyfriend niya si Nonrev.
Sa salaysay ng Elisha, naniniwala siyang na-ghost siya ni Nonrev nang dahil kay Angeline.
Ang “ghosting” ay millennial term na tumutukoy sa biglang hindi pagpaparamdam ng isang tao sa kanyang karelasyon o nakakamabutihan.
Ibinunyag din ni Elisha na si Nonrev ay may tatlong anak sa dalawang babae na nakarelasyon nito dati.
Hiningan ng PEP.ph ng reaksiyon sina Angeline at Nonrev sa akusasyon ni Elisha, pero hindi kami nakatanggap ng sagot.
Sa halip, may mga makahulugang post si Angeline sa Instagram na halatang patama sa mga rebelasyon ni Elisha.
Bago ito, noong March 2020, inamin ni Angeline sa PEP.ph na broken-hearted pa siya dahil pinili niyang iwasan na ang lalaking kanyang nakamabutihan.
Nalaman daw kasi ni Angeline na itinago ng lalaki sa kanyang mayroon itong ka-live-in at anak.
Sabi pa noon ni Angeline, tinapos niya ang komunikasyon nila ng lalaki noong February 2020.
Hindi pinangalanan ni Angeline ang lalaki dahil non-showbiz naman daw ito.
A COMPLETE FAMILY OF HER OWN
Sa I Feel U, naikuwento ni Angeline ang tungkol sa hinahangaan niyang kamag-anak na babae.
Si Angeline at ang kamag-anak niyang ito ay pareho raw galing sa broken family. Nasa Canada na raw ang kamag-anak at may sarili nang pamilya.
Hangad daw ng kamag-anak ni Angeline na magkaroon din ng buong pamilya ang singer balang araw.
Kuwento ni Angeline, “Yung lagi niyang sinasabi sa akin na, ‘Pangarap ko magkaroon ka rin ng pamilya, kasi ayokong magaya yung magiging anak [mo] sa akin,’ sa kanya daw na hindi naranasan ang magkaroon ng tatay at nanay.
“Parang siya, hinahangaan ko yung kamag-anak ko na malapit sa akin, na balang araw, sana magkaroon din ako ng sariling family ko na katulad sa kanya.
“Yun talaga yung dasal ko kasi yun ang hindi ko naranasan."
Sabi pa ng singer, “Ever since po, si Mama Bob lang talaga yung nagpalaki sa akin ‘tas hindi ko rin nakilala yung biological mother ko agad.”
Si Mama Bob, o Sylvia Quiros, ay tiyahin ni Angeline. Kapatid siya ng ama ni Angeline na si Pop Quiros.
Pumanaw ang ama ni Angeline noong 2013 dahil sa kidney failure.
Nakilala naman ni Angeline ang kanyang biological mother na si Rosemarie Mabao noong 2012, bagama’t hanggang ngayon ay si Mama Bob ang kasama ng singer.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika