Inamin ni Aljur Abrenica na mas naunang nahulog ang loob niya kay Kris Bernal noon.
Pero sadyang hindi nagtugma ang kanilang nararamdaman para sa isa’t isa kaya hindi ito nauwi sa relasyon.
Sinabi ito ni Aljur, 30, sa isang video na in-upload niya sa kanyang YouTube channel noong August 17.
Sa video, naglalaro sila ng asawang si Kylie Padilla ng “jojowain o totropahin challenge.”
Dito ay sasabihin nila kung sino sa mga artistang pinangalanan ang gusto nilang maging kaibigan o karelasyon.
Isa sa mga itinanong kay Aljur ay si Kris, na naging leading lady niya sa mga teleserye sa GMA Network.
Sabi ni Aljur, totropahin niya si Kris at hindi jojowain.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ng aktor na hindi sila nagtugma ni Kris pagdating sa nararamdaman nila para sa isa't isa.
“Para ano, alam ninyo. Hindi lang kami nagkaabot.
“Mas nauna ko siyang nagustuhan. Then, dumating yung time na siya na yung nagkagusto sa akin.”
Sabi pa ni Aljur, blessing in disguise na hindi nauwi sa isang relasyon ang kanilang turingan.
“Nag-move forward kami. Tapos nagkaroon kami ng ibang klaseng friendship, grabe!
“So, yung onscreen, lahat, that’s more than blessing in disguise na maging magkaibigan talaga kami.
“Kesa sa nagkaroon ng serious relationship, kasi it could have been, di ba, baka masira sa set, di ba, pag nag-away kayo.
“Feeling ko, siya na yung magiging kaibigan ko nang ganun, di ba?"
Inusisa naman ni Kylie si Aljur kung posibleng naging magkarelasyon sila noon ni Kris kung pareho silang available.
Sagot ng aktor, “Oo, baka pwede nung time na yun. Possibility na maging jowain.”
Hindi nabanggit ni Aljur kung ipinagtapat ba niya ito kay Kris noon, o kung may karelasyon noon ang aktres kaya't hindi ito niligawan ng aktor.
KRIS’S ADMISSION
Nauna nang inamin ni Kris, 31, na na-in love siya kay Aljur noon.
Sa kanyang YouTube video noong August 13, sinabi ni Kris na may karelasyon si Aljur nang mapagtanto niyang nahulog ang loob niya sa kanyang ka-love team.
"Aaminin ko, na-in love ako sa kanya, pero may girlfriend siya," pag-amin ni Kris.
Ang karelasyon noon ni Aljur ay ang Kapuso actress na si Rich Asuncion, bagamat inilihim noon ng dalawa ang kanilang relasyon.
Mas pinili raw ni Kris na sarilinin na lang ang kanyang pagtatangi kay Aljur.
Paliwanag niya, "Hindi naman ako yung type ng tao na parang porke't like kita, maninira ako. Never ako nagkaroon ng ganung issue.”
Ginawa raw ni Kris ang pag-amin dahil pareho naman silang masaya na ni Aljur sa kani-kanilang buhay.
Nag-propose kay Kris ang non-showbiz boyfriend nitong si Perry Choi noong February 2020, pagkatapos ng higit dalawang taong relasyon.
Ikinasal naman si Aljur kay Kylie noong December 2018, at dalawa na ang kanilang anak.
ALKRIS LOVE TEAM
Sina Aljur at Kris ay batchmates sa Kapuso reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck: Next Level, na umere mula December 4, 2006 hanggang March 25, 2007.
Tatlo ang major categories ng winners noon: Ultimate Hunk (Aljur), Ultimate Sweetheart (Jewel Mische) at Ultimate Love Team (Kris at Mart Escudero).
Batchmate din nila si Rich na itinanghal namang First Princess o first runner-up.
Simula noong 2009, nagsimula ang kanilang tambalan sa Kapuso network na nakilala bilang AlKris.
Kabilang sa mga pinagtambalan nilang mga teleserye ay ang Prinsensa ng Buhay ko (2013), Coffee Prince (2012), Machete (2011), The Last Prince (2010), All My Life at Sine Novela: Dapat Ka Bang Mahalin noong 2009.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
