Hindi pa rin nakukubra ng mga nagwagi sa Miss Philippines 2019 ang kanilang cash prizes kahit mag-iisang taon na silang nakoronahan.
Ito ang himutok ng limang nagwagi sa Miss Philippines 2019 nang dumulog sila sa public-service program ni Raffy Tulfo, ang Idol in Action, sa TV5 nitong Miyerkules, October 14.
Nagpasaklolo kay Tulfo sina Arlove de Jesus (Miss Philippines 2019), Jamilla Van Gestel (1st runner-up), Joanna Valencia (2nd runner-up), Camille Llorente (3rd runner-up), at Charity Dawn Jamon (4th runner-up).
November 2019 nang kinoronahan ang lima mula sa 35 sumali sa pageant, na taong 2017 lang inilunsad.
Kaakibat ng korona ang PHP200,000 cash prize para kay Arlove, PHP150,000 para kay Jamilla, PHP100,000 kay Joanna, PHP50,000 kay Camille, at PHP25,000 kay Charity.
Pero makalipas ang halos isang taon, kinumpirma ng limang pageant winners na hindi pa rin sila nababayaran ng Miss Philippines Foundation, Inc. sa kanilang napanalunan.
Partikular na inireklamo nila kay Tulfo ang presidente ng foundation na si Victor Torre.
CASH PRIZES
Kuwento ni Camille, tumatayong spokesperson ng pageant winners, nakasaad sa pinirmahan nilang kontrata na makukubra ng runners-up ang kabuuan ng cash prizes sa loob ng dalawang buwan matapos ang coronation night.
Babayaran naman ang kabuuang cash prize ng grand winner sa loob ng anim na buwan.
Patuloy ni Camille, December ay nakipag-meeting ang foundation sa pageant winners.
Ang hindi lang daw nakapunta sa meeting ay si Joanna, na hindi kaagad nakaluwas mula sa bahay nito sa Batangas.
Inisyuhan daw sila ni Torre ng mga tseke, pero kalahati lang ng kabuuang cash prizes ang nakasulat na amount.
CHANGES IN CONTRACT
Sa pamamagitan ng private messaging sa Facebook, inusisa raw ni Camille kay Torre kung bakit kalahati lang ng kanilang cash prize ang nakasulat sa tseke.
Nagharap-harap daw silang muli noong January 2020, kung saan ipinaalam ni Torre sa pageant winners na binago nito ang kanilang kontrata.
Sinabi raw ni Torre na kalahati lang ang matatanggap ng mga nanalo sa loob ng dalawang buwan, at ang natitirang kalahati ay makukubra makalipas ang anim na buwan.
Paliwanag ni Camille: “Since under kami ng contract for a year, under the organization, ayaw nila [foundation] na biglaan kaming mawawala.
“Baka raw takbuhan namin kapag nakuha na yung full amount.”
THREATS AND BOUNCING CHECKS
Ayon kay Camille, binantaan pa siya ni Torre kung ipipilit niyang mabayaran nang buo sa kanyang cash prize.
“Sinabihan po ako noon na, ‘Gusto mo hindi na kita ilaban sa international mo, 'tapos ibibigay ko na lang yung full amount sa ‘yo?’” kuwento ni Camille.
Pero ayon kay Camille, hindi sila binigyan ni Torre ng kopya ng binago nitong kontrata.
Hindi rin nila nae-encash ang mga tseke ni Torre dahil wala raw pondo o tumalbog ang mga ito.
Mahihinuhang hindi rin sumabak sa international pageants ang mga nanalo.
Hindi na raw kasi nila ma-contact si Torre o ang sinumang taga-foundation.
Nakausap ng Idol in Action ang secretary ng foundation na si Anne Cabrera.
Sinabi ni Cabrera kay Tulfo na hindi rin niya mahagilap si Torre.
Sinisingil din daw ni Cabrera si Torre dahil hindi pa umano siya nakasuweldo sa nakalipas na dalawang buwan.
Ayon kay Cabrera, sa group chat ng foundation ay nangako raw si Torre na babayaran ang pageant winners.
LARGE-SCALE ESTAFA
Kumonsulta si Tulfo kay Atty. Garreth Tungol, at inirekomenda nitong kasuhan ng large-scale estafa si Torre.
Maituturing na large-scale ang estafa, o swindling, kung umabot sa PHP100,000 pataas ang sangkot na halaga.
Ayon kay Atty. Tungol, sa laki ng pinagsususpetsahang nadispalko ni Torre, posibleng maging non-bailable ang large-scale estafa na isasampa laban dito.
Aabot daw ng hanggang 12 taong pagkakakulong ang parusa laban sa napatunayang guilty sa large-scale estafa, sabi ni Tungol.
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa anumang pahayag mula sa panig ni Torre kaugnay ng reklamo ng Miss Philippines 2019 winners laban sa kanya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.