Hindi napigilang magbiro ni Vice Ganda at banggitin ang pangalan ni Billy Crawford sa episode ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime ngayong Lunes, October 19, 2020.
Ngayong Lunes din ang premiere ng bagong noontime show na kinabibilangan ni Billy sa TV5, ang Lunch Out Loud (LOL).
Mula 2011 hanggang 2018, nagsilbing regular host si Billy sa It’s Showtime.
Nangyari ang pag-joke ni Vice tungkol sa paglipat ni Billy sa TV5 sa segment na “Name It to Win It” ng It’s Showtime.
Pumipili ang mga host ng masuwerteng winners via Twitter. Ang kailangan lang ay ginamit ng netizens ang tamang hashtag for the day.
Ang hashtag ngayong Lunes ng It’s Showtime ay #SolidShowtimerAko.
Habang namimili ang hosts, sumingit si Vice at animo’y nakapili na siya ng winner: "Ayan, o! @billycrawford."
Natawa ang fellow hosts ni Vice sa pasimpleng hirit tungkol sa dating Kapamilya.
Babala naman ng host na si Kim Chiu sa biro ni Vice, “Andiyan si Tita Cory.”
Natawa si Vice at tila biglang nag-behave. “Andiyan pala si Tita Cory.”
Ang tinutukoy nila ay si ABS-CBN Chief Operating Officer of Broadcast Cory Vidanes, na present sa studio ng programa ngayong Lunes.
Hindi rito natatapos ang pagbibiro ni Vice kaugnay ng mga dating kasamahan sa ABS-CBN, na nasa kabilang istasyon na, partikular sa TV5.
Pagsapit ng “Hide and Sing” segment, nagbiro si Vice tungkol sa dating long-time Kapamilya director ng ABS-CBN at Star Magic founder na si Johnny “Mr. M” Manahan.
Sa segment, kinikilatis ng mga host at celebrity guest kung sino sa masked singers ang celebrity singer.
Sa isang masked singer, paglalarawan ni Vice, “Nag-a-ASAP ‘to. Malaking lalaki, nag-a-ASAP ito, Mr. M.”
Kitang tawang-tawa si Vice sa kanyang joke.
Si Mr. M ang direktor ng LOL, gayundin ng Sunday Noontime Live, ang Sunday variety show sa Kapatid network, na katapat ang ASAP Natin ‘To sa ABS-CBN.
Coincidentally, si Mr. M din ang dating direktor ng ASAP, mula nang simulan ito noong 1995 hanggang sa bago niya lisanin ang ABS-CBN.
VICE CONGRATULATES FORMER AND PRESENT KAPAMILYA
Subalit mahihinuhang biro lamang ang ginawa ni Vice sa pagbanggit kina Billy at Mr. M.
Ipinakita kasi ni Vice ang suporta niya sa mga “former” and present Kapamilya stars nitong Linggo, October 18.
Inabangan ng manonood kahapon ang premiere ng SNL sa TV5, na katapat ang ASAP Natin 'To.
Ang hosts ng SNL ay dating napapanood sa ASAP: sina Piolo Pascual, Maja Salvador, Miss Universe 2018 Catriona Gray, at Donny Pangilinan.
Bakas sa tweets ni Vice na masaya siya sa pamamayagpag ng “former and present” ABS-CBN stars sa dalawang magkatapat na musical variety shows.
Unang tweet ni Vice: “Congratulations sa lahat ng Kapamilya artists (former and present)!!! You rule! O loko!”
Pero hindi lang artista ang binati ni Vice, kundi maging ang dating Kapamilya production people na nasa ibang istasyon na rin.
Tweet niya (published as is): "And to all Kapamilya production and creative teams (former and present) CONGRATULATIONS !!! San man mapunta magniningning ang mga Kaoamilya! O loko!"

VICE SAYS FRIENDSHIP WITH BILLY IS BEYOND NETWORKS
Minsang nang inihayag ni Vice na ang pagkakaibigan nila ni Billy ay higit pa sa kahit saang TV networks sila napadpad.
Noong September 26, 2020 episode ng online talk show ni Vice, naging guest niya si Billy at asawang si Coleen Garcia.
Paniniyak ni Vice kay Billy, “I love you, at gagalingan mo sa mga gagawin mong trabaho.
"At alam mo, sa pamilya, ‘di ba, meron kang kapatid na lilipat ng bahay.
“Pero hindi porke’t lilipat siya ng bahay, hindi mo na siya kapatid, hindi mo na siya kapamilya, hindi mo na siya mahal.
“Kaya kahit lumipat ka ng bahay, kahit saang bahay man tayo magpunta, magkakapamilya... Family kita... At mahal na mahal kita.”
Kamakailan ay sinagot din ni Billy ang netizens na pilit na ipinagtatapat ang bagong noontime show niya sa TV5 sa It’s Showtime na dati niyang kinabibilangan.
Giit ni Billy, walang kumpetisyon at nananatiling maganda ang samahan nila ng mga dating co-hosts sa It’s Showtime.

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
