Iba pa rin ang kilig ni Marian Rivera kapag naiisip niya kung paanong itinadhana sila ng asawang si Dingdong Dantes para sa isa't isa.
Sa December 30, 2020 ay anim na taon na silang kasal. Bago iyon ay ilang taon din silang naging magkasintahan.
Si Marian ay 36 years old, habang si Dingdong ay 40.
"Hindi ko sukat-akalain na mapangasawa ko si Dong," bungad ni Marian tungkol sa kanila ni Dingdong, na ang palayaw ay Dong.
"Kasi in the first place, talagang wala ni katiting na pagtingin, wala talaga, e.
"So, hindi ko inaakala na magtatagpo kami at mabibigyan kami ng pagkakataon na maging mag-asawa at magkaroon ng dalawang anak."
Kabuuan ng pangarap ni Marian ang pagkakaroon nila ni Dingdong ng masayang pamilya.
Biniyayaan sila ng dalawang tsikiting: si Maria Letizia o Zia, 4, at si Jose Sixto o Ziggy, 1.
Ani Marian, "Na talagang, sinasabi ko na, very priceless sa akin. Kung may ipapasalamat ako, yun ay ang maging nanay talaga ako."
Miyerkules ng hapon, November 4, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marian sa presscon para sa hinu-host niyang Kapuso drama anthology na Tadhana.
Dito inalala ng Kapuso actress ang mga pagsubok na dinaanan nila ni Dingdong noong simula ng kanilang relasyon.
Una silang nagkatrabaho sa hit Pinoy adaptation ng Mexicanovela na Marimar (2007-2008).
Naging sunud-sunod ang kanilang tamabalan sa mga Kapuso serye: Dyesebel (2008), Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang (2009), Endless Love (2010), at My Beloved (2012).
Kilig din ang kanilang movies na One True Love (2008) at You To Me Are Everything (2010).
Balik-tanaw ni Marian tungkol sa kanila ni Dingdong, "Struggle kasi yung first relationship namin.
"Andaming chismis, andaming batikos, andaming nandya-judge, andaming naninira, andaming gustong maghiwalay kaming dalawa.
"So, yun siguro yung pinaka-struggle."
Nalampasan daw nilang lahat iyon noon.
Nagniningning ang mga matang sabi ni Marian, "Pero tama yun, e, kung itinadhana ka, kahit anong gawin niyo, kahit lagyan niyo ng semento sa pagitan namin, matitibag talaga at pagtatagpuin kami."
marian's tips to keep the romance alive
Kung mayroon mang sikreto sa masayang pagsasama nina Marian at Dingdong, isa raw dito ay ang pagbabalanse sa dynamics nila bilang couple.
Ani Marian, importante ang open communication, pero may halo pa ring lambingan.
"Ayon sa experience ko bilang babae, ayaw talaga ng lalaki na nagger ang babae.
"Ako kasi, direct to the point ako kay Dong. Kapag may mga bagay akong gustong sabihin sa kanya, hindi ako nagpapaliguy-ligoy.
"Sasabihin ko talaga, 'O, Dad, ganito. O, Dad, ganito nararamdaman ko.' Maganda siguro maging honest kayo."
Noong Setyembre, nagawa nina Marian at Dingdong ang masinsinang usapan kasabay ng wellness checkup at pagri-relax nila sa isang resort sa Batangas.
Payo pa ng actress-TV host, "Kahit anong busy niyo, kailangan may pagkakataon pa rin na nagha-heart-to-heart pa rin kayong dalawa.
"At huwag maubusan ng pagkakataon na maging malambing sa isa't isa."
GIVE-AND-TAKE RELATIONSHIP
Mahalaga raw na magbigayan ang mag-asawa at maging sensitive sa pangangailangan ng isa't isa.
Paliwanag pa ni Marian sa PEP.ph: "Kasi vice versa naman iyan, e. May mga pagkakataon na pagod ako. So, siya ang maglalambing sa akin.
"May mga pagkakataon o madalas siya ang nagtatrabaho, siya ang pagod, so alam ko kung anong gagawin ko para i-comfort ko siya.
"So, maganda rin siguro na nagmi-meet halfway kayong dalawa. Hindi puro kabig nang kabig.
"Kailangan give and take kayo lagi."
At pinakamahalaga sa lahat, hindi raw nakakalimutan nina Marian at Dingdong na mag-alay ng dasal bawat araw.
"At magandang factor din siguro, number one in the morning, ang ginagawa namin, nagme-meditate talaga kami every morning.
"Siguro malaking factor iyan na mangyayari sa buong araw—kapag buo ang puso at isip mo sa kondisyon sa nag-create sa iyo."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
Also, you can use these Lazada promo codes or vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
