Labis na pagdadalamhati ang nararamdaman ngayon ng singer na si Angeline Quinto dahil sa pagpanaw ng kanyang adoptive mother na si Sylvia Quiros, na mas kilala bilang “Mama Bob.”
Pumanaw si Mama Bob noong Sabado ng umaga, November 7.
Si Mama Bob ang itinuturing ni Angeline na tunay niyang ina. Ito rin ang nagpalaki sa actress-singer.
Sa madamdaming Instagram post ni Angeline kagabi, November 9, sinabi ng Kapamilya star na tila nawalan siya ng isang paa na tuluyang nagpalumpo sa kanya dahil sa pagpanaw ng ina.
Mensahe niya, “Ma, Hindi ko alam paano ako magsisimula ulit. Paano ako gigising sa umaga na wala ka.
“Ikaw ang buhay ko Mama Bob. Ikaw ang Mundo ko Mama. Ikaw Lahat.
“Tulungan mo ako Ma. Palagi kong tatandaan at gagawin lahat ng tinuro mo sakin. MAHAL NA MAHAL KITA MA.”
Kalakip ng post ni Angeline ang baby picture niya kasama si Mama Bob.

Nagbahagi rin si Angeline ng larawan na kuha sa burol ng kanyang itinuturing na ina.
Caption niya rito: “Yan ang pinaka gusto mong bulaklak Mama. Alam ko gustong gusto mo yung maraming puti at old rose na kulay.
“Nagpapahinga na ng maayos ang PINAKAMAHAL KO.
“Rest well in Paradise Mama Bob.
“I LOVE YOU, MAMA.”

“KONTING LABAN PA MA”
Bago pumanaw si Mama Bob, ilang buwang nanawagan ng dasal si Angeline para sa paggaling nito.
Matagal naratay sa intensive care unit (ICU) sa isang ospital ang adoptive mother ni Angeline dahil sa isang karamdaman.
Noong Setyembre lamang, sinabi ni Angeline na gumaganda na ang vital signs ni Mama Bob pero hindi pa rin ito nagigising.
Saad pa niya, “UNTIL NOW NASA ICU PA PO ANG MAMA BOB, PERO DAHIL SA PAGDADASAL NATIN MAAYOS PO AT STABLE ANG VITAL SIGNS NIYA.
“HINDI PA LANG PO SIYA GANUN KATULAD NOON NA GISING.
“PERO MADALAS DUMIDILAT SIYA AT MAS GUMAGALAW PO NGAYON.”
Noong nakaraang linggo, nakiusap pa si Angeline sa kanyang Mama Bob na lumaban pa ito.
Aniya, “Staying with you, loving you, caring about you, coming to see you. Everything.
"I Love You Very Much, Mama Bob. Konting laban pa Ma. Please Lord”

Sa kanya namang Instagram Stories kagabi, ipinaramdam ni Angeline sa ina-inahan ang taos-puso niyang pagmamahal dito.

Sa comments section naman, buhos pa rin ang pakikiramay kay Angeline mula sa celebrities at personalities na kanyang kakilala.


Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
