“Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, walang kasing sakit ng ngayon.”
Bahagi ito ng madamdaming pahayag ni Angeline Quinto kasunod ng pagpanaw ng kinikilala niyang ina, si Sylvia Quinto, na mas kilala sa tawag na Mama Bob.
Si Mama Bob ay nasa kanyang late 70s.
Ipinaalam ni Angeline ang pagpanaw ng kanyang adoptive mother sa pamamagitan ng isang Instagram post noong Sabado, November 7, 2020.
September 7 nang ma-stroke si Mama Bob, at mula noon ay naapektuhan na ang kanyang kilos.
Kasunod nito ay isinailalim si Mama Bob sa sa brain surgery at inilagay sa intensive care unit sa loob ng dalawang buwan.
Bagamat noong una ay nagpakita ng recovery signs, bandang huli ay bumigay rin ang katawan ng ina ni Angeline.
“Alam naman ng lahat na ito yung greatest fear ko, di ba?
“Kahit sino naman parang ano… ewan ko, hindi ko alam. Hindi ko alam,” himutok ni Angeline sa panayam ni MJ Felipe sa TV Patrol nitong November 11, 2020.
Tila hindi pa rin matanggap ni Angeline na wala na ang kanyang kinikilalang ina.
“Nami-miss ko siya sobra. Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, walang kasing sakit ng ngayon. Wala.
“Kasi si Mama yung buhay ko, e. So, paano ko ipagpapatuloy yung buhay ko?”
Pag-amin ng 30 anyos na singer, “Kung hindi ako handa, hindi ako handa. Kasi sa mga ganitong pagkakataon, wala namang nagiging handa, kahit sino, di ba?”
Pero ipinagpapasalamat daw ni Angeline na nadugtungan pa ng dalawang buwan ang buhay ni Mama Bob matapos itong ma-stroke.
Nabigyan daw siya ng pagkakataong ipadama ang pagmamahal sa ina.
“Siguro talagang ibinigay sa akin ng Diyos na makasama ko pa siya ng dalawang buwan.
“At least, nagkaroon ako ng pagkakataon na masabi lahat sa kanya, na binigyan niya ako ng pagkakataon na maging anak niya.
“Wala akong ibang sinabi sa kanya kundi pasasalamat, kung gaano ko siya kamahal.”
Sa report ay ibinahagi pa ni Angeline ang huling sandali kung saan nakantahan pa niya ang kanyang ina.
Sa video, mapapanood si Angeline na nasa ICU, nakasuot ang hospital gown at nakasuot ng face mask.
Sinabihan niya ang nakaratay na si Mama Bob, na hindi kita ang mukha, na kakantahan niya ito ng favorite song niya.
Isang ungol ang maririnig mula kay Mama Bob sa tinuran ni Angeline.
At saka kinanta ni Angeline ang “Somewhere Over the Rainbow.”
Ang video na ito ay isa raw sa mga huling sandali ni Angeline kasama si Mama Bob.

ANGELINE AND MAMA BOB THROUGH THICK AND THIN
Nitong mga nakalipas na buwan ay madalas ang pagpu-post ni Angeline para magbigay ng update sa kalagayan ni Mama Bob.
Humihiling din siyang ipagdasal ang paggaling ng kanyang ina.
Nakilala si Angeline matapos magwagi sa Kapamilya singing competition na Star Power: Sharon’s Search for the Next Female Pop Superstar noong 2011.
Simula noon, nagkaroon na rin ng kamalayan ang publiko kay Mama Bob dahil proud si Angeline sa kanyang interviews tungkol sa pagmamahal sa kanyang ina.
Kahit sa Instagram account ng singer, kitang-kita kung gaano kalaking bahagi sa buhay ni Angeline si Mama Bob.
Si Mama Bob ay tiyahin ni Angeline. Kapatid siya ng ama ni Angeline na si Potenciano Quiroz, na pumanaw dahil sa kidney failure noong 2013.
Mula pagkabata, si Mama Bob na ang nagpalaki kay Angeline.
Naging magkatuwang sila sa hirap at ginhawa—mula sa pagsali-sali sa mga singing competition ni Angeline hanggang sa marating nito ang tagumpay.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
