Lumikha ng kontobersiya ang pagbisita ng negosyanteng si Atong Ang at ang celebrity na si Gretchen Barretto sa Janiuay, Iloilo, noong Linggo, November 8, dahil wala daw itong formal coordination sa provincial government ng Iloilo.
Ayon sa Brigada News FM Kalibo, nagdulot ito ng “crowd gathering” dahil sa dami ng mga taong umusyuso sa pagdating ng dalawa para sa isang pagpupulong.
Nalabag ang quarantine protocols sa social distancing matapos magkumpulan ang mga tao sa isang sikat na resort sa nasabing bayan upang makita si Gretchen.
Inihayag naman ni Janiuay Mayor Bienvenido Margarico na nag-courtesy call ang dalawa sa kanya sa munisipyo pero hindi na raw siya nakasunod sa resort.
Balitang ang layunin ni Atong ay mabisita ang Barangay Gines, Lambunao, na iminumungkahing venue para sa online cockfighting derby sa Panay Island.
Nagkaroon din daw ng mga dayalogo sa Gamefowl Affiliates of Pitmasters-Philippines (GAPP) para sa online sabong sa nasabing resort.

“WALA KAMI GIN-INFORM”
Ayon sa hiwalay na ulat ng One Western Visayas ng GMA News TV kagabi, November 11, sinabi ni Atty. Suzette Mamon, provincial administrator ng Iloilo, na hindi sila na-inform sa aktibidad nina Gretchen at Atong sa lugar.

Saad niya, “In so far as the province of Iloilo is concerned, wala kami gin-inform officially or in any capacity.”

Kasalukuyan pa raw nilang inaaalam kung ano ang dayalogong dinaluhan nina Atong at Gretchen.
Dagdag ng Iloilo administrator, “I would just like to make a clarification on that because we are still checking on what gathering transpired.”

Wala pang pahayag na inilalabas sina Gretchen at Atong ukol rito.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
