Bagamat hindi pa man lubusang magaling, nagbalik na sa trabaho ang komedyanang si Kitkat matapos makaranas ng food poisoning noong Biyernes, November 27.
Isa si Kitkat sa mga host ng Net 25 noontime show na Happy Time, kasama sina Janno Gibbs at Anjo Yllana.
Bukod kay Kitkat, na-food poison din ang kanyang asawang si Waldy Favia at tatlo pang kasama nila sa bahay.
Lumalabas na contaminated ang seafood na kinain nina Kitkat mula sa isang online-selling food business.
KITKAT’S ORDEAL
Sa pamamagitan ng direct messaging nitong Martes ng gabi, December 1, kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kalagayan ni Kitkat.
“Masakit na masakit pa din po now. Pero lahat ng iba at malalang symptoms, like suka, hilo, panghihina, chills, at pupu liquid, wala na po,” sagot niya.
Ayon kay Kitkat, sa kanilang limang tinamaan, sa kanya ang pinakamatindi.
“Sabi [ng mga doktor], liit daw po tiyan ko so yung toxins daw po mabilis kumalat at nasakop ang tiyan ko.
“'Tapos mga nanuot sa wall ng tiyan ko kaya may toxins pa din.”
Traumatic ang pangyayari dahil na-food poison sila ngayong panahon ng pandemic.
Pagbubunyag ni Kitkat, may ilang kamag-anak at kakilala siyang nagkaroon ng COVID-19 sa pagbisita sa ospital, kaya nag-panic sila nang ma-food poison.
Aniya, “Takot po kami sa ospital.
“May tita po kami at mga pinsan na nagpa-check up lang sa ospital iba sakit.
"Pero si Tita, nagka-COVID, namatay. Yung tatlong anak nagka-COVID, checkup lang sa ospital yun!
“Marami po akong friends and family na nagka-COVID, kaya takot na takot kami.
“Pero etong naranasan naming food poisoning, ka-level ng parang mamamatay na parang COVID.”
Suwerte raw sila dahil ang pinsan ng kanyang mister ay doktor, pati na rin ang asawa nito.
Pumunta raw sa bahay nina Kitkat ang pinsang doktor at doon sila inasikaso, gaya ng pag-a-administer ng dextrose.
HOW THE FOOD POISONING HAPPENED
Idinetalye ni Kitkat sa PEP.ph kung paano at kailan nangyari ang food poisoning sa kanila.
Biyernes, November 27, nagpa-swab test daw silang mag-asawa dahil kailangan nilang dumalo sa birthday celebration ng kanilang mga magulang kinabukasan.
Biyernes ng gabi rin daw dumating ang seafood platter mula sa online food business na ex-deal.
Ibig sabihin, kapalit daw ng pagpapadala ng food platter ay ipu-post ito ni Kitkat sa kanyang social media account.
Kuwento ni Kitkat, “Nung gabi, dahil pinadala 'yan ng Friday, kinain namin dito sa bahay ng dinner. Friday dinner namin kinain, mga 8:00 p.m.
“After three hours, mga 11:30 [p.m.], nagsusuka na kami lahat. ‘Tapos sakit tiyan, 'tapos chills, 'tapos hina, pupu ng tubig.
“Buong madaling-araw ng Saturday, suka, pupu, sakit, at chills kami... [Saturday] ng pagabi, nag-dextrose na kami dito bahay.”
Nakipag-ugnayan daw sina Kitkat sa online food business na nagpadala sa kanila ng seafood platter.
Sinagot daw ng mga ito ang medikasyon na kailangan nina Kitkat.
“Sila bumibili ng gamot. Nung una, brother-in-law namin, kasi baldado kami lahat. Walang makabili.
“Pero binayaran nila yung pinambili ng brother-in-law ko. Sobrang worried din naman sila. Hassle lang at talagang ka-trauma po,” dugtong niya.
Ipinaalala raw ni Kitkat sa online seller na bagamat hindi nila kagustuhan ang nangyari, mag-doble ingat daw sila sa pagse-serve ng ibinebentang pagkain “kasi pwedeng makapatay talaga.”
May plano ba silang idemanda ang online seller?
“Ay, hindi naman po. Di rin naman nila gusto mangyari iyan,” sagot ni Kitkat.
Nagpaliwanag din si Kitkat tungkol sa pagpu-post niya tungkol sa mga taong “epal.”
“Kasi may mga taong shunga na epal. Magte-text para sabihing ‘COVID YAN.’
“Sa kasagsagan ng sakit namin at iyak, as in feeling mamamatay, may magme-message sa iyo ng ganun, di ba????” himutok niya.
Ikinalungkot daw ni Kitkat dahil may mga trabaho siyang kailangang isakripisyo dahil sa pagkakasakit.
Aniya, bago niya tanggapin ang Happy Time noong Setyembre, maraming siyang trabahong pinalampas bunsod ng pandemya.
Limang buwan daw siyang hindi nagtrabaho, at kahit sa garahe ay hindi siya lumalabas dahil sa pangamba sa COVID-19.
Kaya naman kahit patuloy pa siyang nagpapagaling, nagdesisyon si Kitkat na pumasok sa kinabibilangang noontime show ngayong Miyerkules.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
