Matapos mag-shooting ng pelikulang Lockdown noong Setyembre 7-14 sa Cavite, sunud-sunod ang mga pelikula ni Direk Joel Lamangan.
Natapos na niya angAnak ng Macho Dancer na nag-shooting sa Quezon City at Pampanga.
Bukas (Disyembre 4, Biyernes) ng hapon ay may casting call para sa pelikula niyang Burles.
Ikinakasa na ang Joed na biopic ni Joed Serrano, at pagbibidahan ni Wendell Ramos.
Dalawa ang projects niya para sa mga taga-Iglesia ni Cristo (INC).
Maliban sa Net25 series na Love From The Past na pagbibidahan ni Francis Magundayao, may gagawin pa siyang pelikula para sa mga taga-INC.
Subok na ng mga taga-INC si Direk Joel, na nagdirek ng biopic na Felix Manalo (2015) tungkol sa founder ng INC.
May promo pa ang MMFF 2020 entry na Isa Pang Bahaghari, kung saan idinirek niya sina Nora Aunor, Phillip Salvador, Michael de Mesa, Zanjoe Marudo, Joseph Marco, at Sanya Lopez.
DIREK JOEL TESTED POSITIVE FOR COVID
Kahit pandemic at senior citizen siya, abalang-abala si Direk Joel.
“Oo, kahit ako na-COVID. Na-COVID ako, di ba?” kaswal na sambit ni Direk Joel matapos ang unang batch ng preview ng Isa Pang Bahaghari nitong Disyembre 3, Huwebes ng hapon, sa HBE Post, Sct. Fernandez St., Quezon City.
Si Joel sana ang magdidirek ng Christmaserye ng TV5 na Paano Ang Pasko?, kung saan bida sina Maricel Laxa, Julia Clarete, Beauty Gonzalez, Ricky Davao, Allan Paule, at Elijah Canlas.
“E, nag-swab-swab!” maigting na bulalas ni Direk Joel.
“E, before that, nag-swab na ako, na-negative ako. Sinwab na naman ako! Naging positive!”
Kailan pa niya inaming nag-positibo siya sa COVID?
“Hindi naman ako nagtatanggi. Wala namang nagtatanong,” mabilis na tugon ni Direk Joel.
Magpu-pull out na sana noon si Direk Joel para sa lock-in shooting ng Paano Ang Pasko? sa San Pablo City, Laguna.
“Paalis na ako... ay! Kringggg!” pagmuwestra ni Direk Joel sa pagsagot sa cell phone.
“‘Direk, hindi ka pwedeng umalis.’ ‘Bakit?’ ‘Positive ka!’ “Positive, oo.”
Iyon ang dahilan kaya wala si Direk Joel sa presscon ng Anak ng Macho Dancer noong Oktubre 28 sa Game Over PH, Xavierville Ave., Quezon City.
“Nagpagamot ako at nag-isolate,” pagpapatuloy ni Direk Joel.
“Naggamot ng vitamins, vitamins, vitamins! 'Tapos, after 14 days, nagpa-swab na naman ako... Negative! Ohhhh!
“Diretso agad ako sa Anak ng Macho Dancer!”
Nobyembre 3 nag-first shooting day ang Anak ng Macho Dancer sa Mankind gaybar, Timog Avenue, Quezon City.
“Natapos ang Anak ng Macho Dancer!”
Noong Oktubre pa namin batid na nagka-COVID si Direk, pero minabuti naming huwag siyang uriratin tungkol dito. Baka kasi ayaw niya itong banggitin.
“Dyusko! Bakit aayawan kong banggitin, hindi naman cancer. COVID naman ‘yon,” pagkunot-noo ni Direk Joel.
“After 14 days, tapos na!”
Saan siya nag-quarantine?
“Sa bahay ko lang. Walang nahawa,” pag-iling ni Direk Joel.
“Ay! Hindi pala! Si Jim nahawa," pagbanggit niya sa kanyang long-time partner na si Jim Pebanco.
"Pero iyong iba, wala. Kasi, bawal pumanhik sa itaas [ng bahay]! Nasa itaas ako, e! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Hinahatiran na lang ako.”
Vitamins lang ang ininom niya? Walang gamot?
“Vitamins lang at rest. At positive thinking. Sabihin mo, ‘Mane-negative ako!’”
Natakot ba siya?
“Sa COVID? Hindi. Mas masahol pa roon ang sakit ko. Inatake na ako sa puso,” paliwanag ni Direk Joel.
“Hindi naman ako namatay! Dyusko! Ang COVID...”
Bakit wala siyang takot? Bakit work-work-work pa rin siya kahit nagka-COVID na?
“Aba! Sayang naman ang datung, ‘Day!” natatawang sagot ni Direk Joel, sabay takip sa kanyang bibig.
“Sayang naman... Totoo naman, di ba? Nagpapahinga naman kami ni Dennis. Two days. Halimbawa, two days na pahinga, ganoon-ganoon.”
Ang Dennis na tinutukoy ni Direk Joel ay si Dennis Evangelista na line producer ng Lockdown, Anak ng Macho Dancer, Burles, Love From The Past, Joed, at iba pang projects ni Direk Joel.
“Naka-quarantine kami. Two days na pahinga. Ayokong walang pahinga. May pahinga,” dagdag ng premyadong direktor.
Kumusta ang shooting niya ng Anak ng Macho Dancer, matapos siyang gumaling sa COVID-19?
Napangiti si Direk Joel nang sakdal tamis, “Inspired, ‘Day! Ang daming nota!”
ISA PANG BAHAGHARI
Ipinagmalaki ni Direk Joel ang mga artista niya sa pelikulang Isa Pang Bahaghari.
“Lahat sila, mahusay rito, I’m very proud to say,” sambit niya.
Maliban kay Nora Aunor, sino pa ang nag-stand out sa mga suportang artista sa pelikula?
Natigilan si Direk Joel bago sumagot, “Napakahirap naman ng tanong... Tandaan mo, ako ang nagdirek. 'Tapos, pipiliin ko kung sino ang pinaka-outstanding?
“Naku, mahuhusay silang lahat, ‘neng!
“Of course, si Ate Guy [Nora Aunor] at si Ipe [Phillip Salvador]. Si Michael, he’s very good. The young ones are very good.
“Zanjoe Marudo was very good. Joseph Marco with one scene, very good. Sanya Lopez, very good also.”
Bakit sa recent virtual mediacon ng MMFF 2020 ay si Mark Gil ang nabanggit niya, sa halip na ang kapatid nitong si Michael de Mesa? Setyembre 2014 pa pumanaw si Mark Gil.
“Ha? Ay! Biglang nag-flash sa akin si Mark Gil,” napayukong sabi ni Direk Joel.
“Ha! Ha! Ha! Ha! Mali pala! Mark Gil? Michael de Mesa pala. Nasabi ko, Mark Gil.”
Humakot ng awards ang Rainbow’s Sunset sa MMFF 2018, na idinirek niya para sa Heaven’s Best Entertainment (HBE) na siya ring producer ng Isa Pang Bahaghari. Kapareho rin ang scriptwriter nito, si Eric Ramos.
Hahakot din kaya ng awards itong Isa Pang Bahaghari sa MMFF 2020?
“I hope. I hope, I hope, I hope, I sincerely hope,” seryosong pahayag ni Direk Joel.
“Parang feeling ko kasi, naapi-api ito, e. Last year sa Metro Manila Film Fest, 'tapos naging Summer [MMFF]. Nag-pandemic!
“So, para ngayon uli [sa MMFF]... babawi ito!”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
