Kahit si Angelica Panganiban, 34, ay nakararanas din daw ng pressure sa ibang tao kung kailan siya magpapakasal o mag-aasawa.
At kagaya ng ibang mga natatanong, hindi rin ito nagugustuhan ni Angelica.
Malinaw ang kanyang mensahe: hindi dapat pini-pressure ang sinuman kung kailan dapat magpakasal.
Ibinahagi ni Angelica ang kanyang saloobin tungkol dito sa online show niyang Ask Angelica noong December 4.
Humingi ng payo ang isang netizen kay Angelica kung ano ang gagawin niya dahil sa pressure sa mga tanong kung kailan siya magkaka-boyfriend at magpapakasal.
Sagot ni Angelica, “Batuhin mo yung mga taong nagtatanong ng ganyan. Sabihin niyo, ‘Kayo, kelan kayo gaganda?’”
Nagpahayag din ng opinyon ang guest co-hosts ni Angelica na sina Alex Gonzaga at Kean Cipriano.
Tutol din sila sa pang-uusisa at pagtatanong kung kailan magpapakasal ang isang tao. Hindi raw nakabubuti ang ganitong pressure mula sa lipunan.
Inusisa ni Alex si Angelica kung naranasan din niyang ma-pressure pagdating sa pagpapakasal.
Sagot ni Angelica, “Siyempre, lalo na sa pamilya, di ba?
“Si Mama yung, ‘Sana magkaano ka na, ‘no? Magka-boyfriend ka na, ‘tapos pag ano, siya na talaga iyon,’ Yung mga ganun?”
Sa sumunod na sagot ni Angelica, mahihinuhang sensitibo ang usaping ito para sa kanya.
Dugtong ng aktres, “Then, umabot sa point na nainis ako, kasi parang, bakit?
“Bakit niyo gusto ang isang tao magkaroon ng partner, e, nakikita mo naman na buong-buo siya by herself?
“Talaga ba? Kailangan ba talaga ng lalake o ng babae sa buhay mo para lang masabing kumpleto ka?
“E, di ba nga, dapat buo ka bago ka makipagrelasyon sa iba, dahil kung hindi, hindi rin naman kayo magiging masaya?”
Pagsang-ayon ni Alex sa sinabi ni Angelica, itigil ang pag-pressure sa mga tao kung kailan sila dapat lumagay sa tahimik.
Hirit ni Angelica, “Oo, mind your own business, di ba?”
ANGELICA SHARES HER THOUGHTS ABOUT LOVING
Nagbigay rin ng opinyon si Angelica pagdating sa unreciprocated love o pagmamahal na hindi nasusuklian.
Pahayag ni Angelica, kapag nagmahal ka, hindi dapat naghihintay ng kapalit kahit masakit man.
“Minsan kasi mahirap diyan pag nagbibigay tayo, nag-e-expect tayo ng kapalit.
“’Tapos kung ano yung ibinigay natin, parang nalulungkot tayo na, ‘O, bakit ito lang? Ito yung ibinigay ko, ah. Dapat pantay tayo or higitan mo.’
“Kasi pag nagbigay ka, binigay mo yun, e. Huwag kang mag-expect ng something in return.
“Kaya lang masakit, siyempre, dahil love yung ibinibigay mo, 'tapos hindi narere-reciprocate. Medyo hassle talaga yun.”
Samantala, wala pang kumpirmasyon kay Angelica kung nasa isang relasyon siya ngayon.
Bagamat napaulat kamakailan ang pakikipagpalitan niya ng sweet comments sa isang non-showbiz guy.
Sa birthday episode ng kanyang online show noong November, inilaglag si Angelica ng mga malalapit niyang kaibigan. Tinutukso siyang may nag-aalaga na sa kanya.
Pero nanatiling tikom ang bibig ni Angelica.
Ang pinakahuling napaulat na naging boyfriend ng aktres ay si John Lloyd Cruz. Naghiwalay sila noong 2016.
Naging boyfriend din niya noon sina Derek Ramsay at Carlo Aquino.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
