Squamous cell carcinoma o skin cancer ang sanhi ng kamatayan ng former sexy actor na si Mark Joseph.
Ricardo Sarzuelo ang tunay na pangalan ni Mark, na isinilang sa Bantayan Island, Cebu, noong August 4, 1957.
Siya ay 63 taong gulang.
Binawian ng buhay si Mark sa kanilang tahanan sa Marikina City, Linggo ng gabi, December 21, 10 p.m.
Pagbabahagi ng misis ni Mark na si Miriam sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nakaburol ang mga labi ng kanyang asawa sa Dela Paz Funeral Homes sa Eulogio Amang Rodriguez Avenue, Santolan, Pasig City.
Nakatakda ang cremation ni Mark sa bisperas ng Pasko, December 24.
"Sobrang sakit," pahayag ni Miriam sa panayam sa kanya ng PEP.ph nitong Lunes ng hapon.
"I am with him for 38 years. Alam mo ba na yung 38 years na ‘yon, maghihiwalay lang kami, pinakamahaba na ang apat na oras? Napakabait niyang asawa at ama.
"The night before he died, hindi naman siya actually nagbilin. Sabi lang niya, alam niyang mamamatay na siya.
"Sabi niya, ‘Alam mo, Ma, mamamatay na ako.’
"Sabi ko, ‘Hindi totoo ‘yan. Hindi totoo ‘yan,'” emosyonal na sabi ng nagluluksang asawa ni Mark.
Bukod kay Miriam, naulila ni Mark ang kanilang apat na anak na babae at mga apo.

Mark Joseph with wife Miriam Sarzuelo
Bilang Mark Joseph, in-demand actor siya noong dekada ’80 kung saan nakapareha niya ang mga sikat na sexy stars.
Sa maiksing panahong pananatili niya sa movie industry, mahigit sa apatnapu (40) ang bilang ng pelikulang kanyang ginawa.
Kabilang sa mga tumatak na mga pelikula niya ay ang Silip (1985), Hubo Sa Dilim (1985), Bold Star (1986), Kiri (19886), Halik Sa Pisngi Ng Langit (1986), at Materyales Fuertes (1986).
Pero pinaka-memorable para kay Mark ang 1987 film na Tagos ng Dugo dahil isa siya sa leading men ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.

Dahil alam ni Mark na hindi panghabampanahon ang kanyang showbiz career, nagpunta siya sa Amerika, nag-aral sa University of the Art of Healing sa California, at naging mahusay na chiropractor sa Pilipinas.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika