PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Relative of slain mother and son says of cop and daughter: “Naglakad lang sila na parang wala lang.”

“Naglakad lang sila na parang wala lang.”
by Jet Hitosis
Published Dec 21, 2020
Jonel Nuezca mug shot
The Tarlac Office of the Provincial Prosecutors on December 21 has approved the filing of murder charges in court against Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca (left) for the killing of mother and son Sonya and Frank Anthony Gregorio on December 20 in Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.
PHOTO/S: Paniqui Municipal Police, Screengrab from YouTube

“Ang lapit-lapit ko lang po sa kanila pero wala man lang po akong nagawa.”

Ganito ang umiiyak na himutok ni Alyssa Calosing habang ikinukuwento kung paano pinatay sa harapan niya ang kanyang lolang si Sonya Gregorio, 52, at tiyuhing si Frank Anthony “Anton” Gregorio, 25.

Si Alyssa ang kumuha ng viral na ngayong video ng malapitang pamamaril at pagpatay sa mag-inang Gregorio.

Nangyari ang krimen bandang 4:30 ng hapon nitong Linggo, December 20, sa labas ng bahay ng mga biktima sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.

Ang pumatay sa mag-ina ay si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46, kapitbahay ng mga Gregorio.

Nang mangyari ang krimen ay off duty si Nuezca, na nakatalaga sa Parañaque City Police Crime Laboratory.

Nakapanayam si Alyssa ng veteran broadcaster na si Noli de Castro sa DZMM Teleradyo ngayong Lunes ng umaga, December 21.

MOTHER AND SON KILLED OVER “BOGA”

Kuwento ni Alyssa, dumalaw siya sa bahay ng mga biktima noong Linggo upang bisitahin ang kanyang tiyahin—anak ni Sonya at kapatid ni Anton—na inoperahan kamakailan.

Napansin daw ni Alyssa na nakainom na si Anton nang magpaputok ito ng “boga.”

Ang boga, ayon kay Alyssa, ay isang uri ng paputok kung saan naglalagay ng thinner sa loob ng lata tsaka ito sinisindihan para sumabog.

Dahil nakainom na, hindi raw masaway si Anton sa paggamit ng boga hanggang sa galit na sumugod sa bahay nila si Nuezca.

Kasama raw ni Nuezca ang asawa nito at anak na batang babae.

Ayon kay Alyssa, sinapak daw ni Nuezca si Anton ‘tsaka pinagbantaang aarestuhin.

Haltak-haltak daw ng pulis ang suot na shorts ni Anton para maisama ito, pero pumapalag ang biktima kaya nagkapunit-punit ang shorts nito.

Dito na raw niyakap ni Sonya ang anak para hindi ito maisama ni Nuezca.

Sa kainitan ng komosyon, hindi raw nakikialam ang asawa ni Nuezca, ayon kay Alyssa.

Pero ang anak daw na babae ng pulis ay nakisali sa kaguluhan at nakipagsagutan pa sa mag-inang Gregorio.

Pabulyaw daw na babala ng bata sa mag-ina, “My father is a policeman!”

Pero sarkastiko raw na sumagot si Lola Sonya ng “I don’t care, eh, eh, eh, ehr.”

Gaya ng nakita sa viral video, ito ang naging hudyat ni Nuezca upang patayin sina Sonya at Anton.

“NAGLAKAD LANG PO SILA NA PARANG WALA LANG”

Kuwento ni Alyssa, naulinigan niya ang banta ni Nuezca sa mag-inang biktima.

"Narinig ko po bigla na 'gusto niyo patayin ko kayo' sabi niya pong ganun," ani Alyssa.

"'Tapos po sakto po pagharap po 'tsaka niya binaril po sina Lola Sonya.”

Ayon kay Alyssa, kitang-kita niya kung paanong walang kalaban-laban na malapitang pinaputukan ni Nuezca ang kanyang lola at tiyuhin.

“Nakasandal po sila, 'tapos binaril niya po, tigdalawang bala po sila. 'Tapos hinayaan niya na lang pong bumagsak.”

Tanong ni Noli: Anong ginawa ni Nuezca pagkatapos nitong patayin ang mag-inang Gregorio?

“Kinuha niya po yung anak niya 'tapos naglakad lang po sila na parang wala lang,” kuwento ni Alyssa.

Labis daw nabigla si Alyssa sa kanyang nasaksihan.

“Para akong namanhid, e,” aniya.

“Para pong umalis yung kaluluwa ko sa katawan ko.”

Nang mahimasmasan sa nangyari, ayon kay Alyssa, “Nagtatalun-talon na po ako sa iyak, sa galit, sa… hindi ko po maintindihan kung ano ang nararamdaman ko.

“'Tapos nakita ko po yung tito ko at lola ko na nakahandusay na sa sahig.”

Sa puntong ito, napaiyak na si Alyssa sa interview: “Ang lapit-lapit ko lang po sa kanila pero wala man lang po akong nagawa.”

Inusisa ni Noli ang tungkol sa lumutang na balitang may dati nang alitan sa right-of-way sa lupa si Nuezca at ang mga Gregorio.

Sinabi ni Alyssa na bagamat naririnig na niya noon ang tungkol doon, wala raw siyang personal na impormasyon tungkol doon dahil hindi siya taga-Barangay Cabayaoasan.

MURDER CHARGES FILED AGAINST KILLER COP

Bandang 6:20 ng gabi ng araw ring iyon, sumuko si Nuezca sa Rosales Municipal Police station sa Pangasinan.

Isinuko rin ng pulis ang service firearm na ginamit niya sa pagpatay sa mag-ina.

Kaagad din siyang nailipat sa kustodiya ng Paniqui Municipal Police sa Tarlac.

Ngayong Lunes, mabilisang inaprubahan ng Tarlac Office of the Provincial Prosecutors ang pagsasampa ng two counts of murder laban kay Nuezca.

Kinumpirma ito mismo ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

“Upon inquest, the Office of the Provincial Prosecutor of Tarlac has found probable cause to indict respondent Jonel Nuezca for two counts or murder,” sabi ni Guevarra.

“The criminal information against accused Jonel Nuezca have been filed in court today,” dagdag ng Justice chief.

Walang inirekomendang piyansa si Tarlac Assistant Provincial Prosecutor Manuel Pascua Jr. para kay Nuezca, ayon kay Guevarra.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
The Tarlac Office of the Provincial Prosecutors on December 21 has approved the filing of murder charges in court against Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca (left) for the killing of mother and son Sonya and Frank Anthony Gregorio on December 20 in Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.
PHOTO/S: Paniqui Municipal Police, Screengrab from YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results