Para kay Jay Altarejos, “enabler” at “ipokrito” ang kapwa filmmaker na si Adolf Alix Jr.
Ito ay matapos mag-react si Direk Jay sa Facebook post ni Direk Adolf na kumokondena sa pagpatay ng pulis-Parañaque na si Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya Gregorio at Frank Anthony Gregorio.
December 20 nang malapitang barilin sa ulo ni Nuezca ang mag-ina sa labas ng bahay ng mga ito sa Paniqui, Tarlac.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente, na nagbunsod ng matinding galit ng publiko laban sa mga pulis na nasasangkot sa pagpatay.
DIREK ADOLF CONDEMNS “POLICE BRUTALITY”
Kinabukasan, December 21, kabilang si Direk Adolf sa mga celebrities na nagpahayag ng saloobin laban sa “police brutality.”
Ipinost niya sa Facebook ang tatlong magkakasunod na art cards na nasusulatan ng “STOP THE KILLINGS,” “END POLICE BRUTALITY,” at “JUSTICE FOR SONYA GREGORIO and FRANK GREGORIO #StopTheKillings.”
Caption ni Direk Adolf: “Infuriating. When you give them too much power.”
Nang araw ring iyon, ipinost ni Direk Jay ang screenshot ng Facebook post na ito ng kapwa filmmaker, gayundin ang mga komentong natanggap ng post na iyon.
Kalakip din ng screenshots na iyon ang movie poster ng BATO: The Gen. Ronald Dela Rosa Story.
Ang pelikula ay pinagbidahan ni Robin Padilla at hango sa kuwentong buhay ng dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayon ay senador na si retired General Ronald “Bato” dela Rosa.
Si Dela Rosa ang unang appointed PNP chief sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa buong panahon ng pamumuno ni Dela Rosa, marami ang tumuligsa sa madugong anti-drug campaign ng PNP, kung saan libu-libo ang umano’y napatay sa police operations.
Si Direk Adolf ang filmmaker ng BATO: The Gen. Ronald Dela Rosa Story.
“YOU ARE AN ENABLER OF THESE KILLERS”
Sa caption, kinuwestiyon ni Direk Jay kung paanong nagagalit si Direk Adolf sa mga patayang kinasasangkutan ng mga pulis, gayung ito raw ay “enabler of these killers, particularly BATO DELA ROSA.”
Ipinamukha ni Direk Jay na si Direk Adolf ang gumawa ng pelikula ng police general-turned-senator—na itinuturong responsable sa pagpatay sa napakaraming drug suspects noong ito pa ang PNP chief.
Sumbat ni Direk Jay kay Direk Adolf: “You made a film about him, or have you forgotten?
“You have no remorse over it. Pera-pera lang sa 'yo!
“Ipokrito ka! Enablers kayong lahat.”
Nagpadala ng private message ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Direk Adolf upang ilahad ang kanyang panig sa naging komento ni Direk Jay, pero wala siyang tugon hanggang sa mailathala namin ang ulat na ito.
Bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ni Direk Adolf kaugnay ng isyu.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
