Pinagbabaril sa loob ng kanyang bahay hanggang sa mamatay ang stage at indie movie actor na si Bobby Tamayo.
Ayon sa social media posts ng malalapit na kaibigan at katrabaho ni Bobby, nangyari ang krimen nitong Miyerkules ng umaga, December 30.
Sa Facebook post ng Gawad Sining Short Film Festival nitong Miyerkules, sinabi nitong apat na tama ng bala ang tinamo ng 57-year-old thespian.
Batay sa police reports, wala raw senyales na pagnanakaw ang motibo ng ilang hindi nakilalang lalaki na pumatay kay Bobby.
Sa media reports, napaulat na tinakpan pa umano ng mga suspek ang CCTV (closed-circuit television) camera sa bahay ng aktor sa San Jose del Monte, Bulacan, bago isagawa ang krimen.
Dahil dito, naniniwala ang pamunuan ng Gawad Sining Short Film Festival na “probably premeditated murder” ang nangyari.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay kay Bobby, na inilarawan ng Gawad Sining bilang “humble and kindly actor despite his accomplishments in the film industry.”
CELEBRITIES APPEAL FOR #JUSTICEFORBOBBY
Nagpahayag naman ng magkahalong kalungkutan at galit ang ilang celebrities sa sinapit ni Bobby.
Sa isang Instagram Story nitong Miyerkules, nanawagan ng hustisya ang filmmaker-writer na si Kip Oebanda para kay Bobby.
Gamit niya ang #JusticeforBobby sa kanyang Story.

Ang post na ito ni Kip ay ibinahagi ng indie actress na si Barbara Ruaro sa Instagram.
Caption ni Barbara: "WHAT HAVE WE BECOME... GOD BLESS YOU, MY FRIEND. #justiceforbobbytamayo"

Hustisya rin ang panawagan ng mga aktor na sina Adrian Lindayag at Chai Fonacier.
Tanong pa ni Adrian, bida sa pelikulang The Boy Foretold By The Stars: “Kailan kaya matatapos ang napakasahol na kultura ng pagpatay dito sa Pilipinas?”
Gamit ni Adrian ang #JusticeForBobby at #StopTheKillingsPH.
Si Chai, na lumabas sa pelikulang Patay Na Si Hesus, sinabing bagamat hindi niya personal na kakilala si Bobby, kinokondena raw niya ang pagpatay dito.
Napamura naman ang writer-actor na si Juan Miguel Severo sa kanyang tweet bilang reaksiyon sa pamamaslang sa aktor, na tinawag niyang "Kuya Bobby."
BEST SUPPORTING ACTOR NOMINEE
Napanood si Bobby sa mga pelikulang Bar Boys (2017), Heneral Luna (2015), gayundin sa indie films na Banal (2019) at Nakauwi Na (2017).
Kamakailan lang, tumanggap si Bobby ng Best Supporting Actor nomination mula sa Gawad Arts 2020 para sa kanyang pagganap sa short film na Ang Bahagharing Uhaw sa Ulan (2020).
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
