Pumanaw na ang dating action star na si Rex Lapid kahapon, January 15.
Sepsis ang ikinamatay ni Rex, Roberto Cabrera sa totoong buhay. Siya ay 73 taong gulang.
Naulila ni Rex ang kanyang misis na si Bebeth at ang dalawang anak nila.
May tatlong anak din siya sa former actress na si Helen Imperial na U.S.-based na ngayon.
Si Rex, na isinilang noong December 28, 1947, ay dating miyembro ng stuntmen group na SOS Daredevils bago siya nabigyan ng malaking break sa pelikula.
Kabilang sa mga pelikulang pinagbidahan ni Rex ay ang Shotgun Kid (1970), Panlaban: Dos Por Dos (1981), at Dugong Mandirigma (1981).

Ayon sa misis niyang si Bebeth, miyembro ng Iglesia ni Cristo ang kanilang pamilya at naging active simbahan ang kanyang asawa nang huminto ito sa pag-aartista.
"Iglesia kasi kami. Naging busy siya sa chapel noong hindi na siya active sa showbiz," pahayag ni Bebeth nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono ngayong gabi, January 16.
Nakalagak ang mga labi ni Rex sa Loyola Memorial Chapels sa Sucat, Parañaque City.
WHO IS REX LAPID?
Ang nakababatang kapatid ni Rex na si Lucy Cabrera ang nagbigay ng ibang mga impormasyon tungkol sa buhay ng pumanaw na action star.
Saad nito, "Sepsis ang ikinamatay ni Rex pero nagkaroon siya ng mild stroke noong August 2020 kaya hindi na siya nakakalakad o nakakaupo na mag-isa.
"Marami siyang mga pelikula na ginawa noon kasi member siya ng SOS Daredevils."
Ang SOS Daredevils ay naging stuntmen nina Fernando Poe Jr. (August 20, 1939- December 14, 2004 at Jess Lapid Sr. (October 5, 1933-July 13, 1968).
Si Rex ay pinsan ng kanyang kapwa action star na si Senator Lito Lapid.
Ayon kay Lucy, "Screen name lang ni Rex ang Rex Lapid pero Lapid talaga kami dahil ang mother ko ay Lapid.
"Bale second cousin namin si Lito dahil ang mother ko at ang tatay ni Lito, magpinsang-buo.
"Si Jess Lapid Sr. ang nagbigay sa kanya ng pangalan na Rex. Kay Jess talaga nag-umpisa si Rex.
"Merong mga anak sa una si Rex, kay Helen Imperial, yung dating artista.
"Naging leading lady niya yun sa pelikula noong kapanahunan nila. Pero ngayon nasa States na siya, kasama ang tatlong anak ni Rex.
"Ang alam namin, pati ng mother ko, na birthday ni Rex, November 28, 1947.
"Pero lumabas sa birth certificate niya, December 28 ang kanyang birthday. So, yun na lang ang aming inilagay."
Pagbabalik-tanaw pa ng kapatid ni Rex, "Kung alam mo ang istorya, si Rex ang star witness nung pinatay noon si Jess sa Lanai Club [Quezon City].
"Siya ang nakakita kung sino ang bumaril kay Jess kaya itinago siya ni FPJ sa ranch."
Nakatakda ang libing ni Rex sa Manila Memorial Park, Parañaque City, sa January 19.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika