Isang tao ang nasawi habang mahigit 60 iba pa ang naospital matapos tumagas ang ammonia mula sa isang cold storage facility sa Navotas City ngayong Miyerkules ng hapon, February 3.
Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang nasawi ay isang lampas 40 anyos na lalaking empleyado ng T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage, na nasa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) sa Navotas.
Nakasaad sa report ng BFP na nasa loob ng planta ang nasawing manggagawa nang nabutas ang naroroong drum, na naglalaman ng aabot sa 500 gallons ng ammonia, pasado 4:00 ng hapon.
Karamihan sa mga naospital ay mga residenteng nakatira malapit sa planta na nalanghap ang tumagas na ammonia.
Kaagad na pinalikas ng mga tagaplanta ang mga residente, ayon sa BFP.
Pinaiwas din ang mga motorista na dumaan sa North Bay Boulevard at Road 10 dahil amoy na amoy doon ang ammonia.
Ang planta ay pagmamay-ari ng pamilya ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, ayon mismo sa alkalde.
RESIDENTS’ COMPLAIN “MASAKIT DAW SA ILONG”
Sa panayam ng TeleRadyo kay Tiangco, sinabi niyang 59 sa mga naospital ay dinala sa Navotas City Hospital.
Lampas 10 iba pa, kabilang ang anim na menor de edad, ang isinugod naman sa Tondo General Hospital, dagdag niya.
Sinabi ni Tiangco na ang pangunahing reklamo ng mga residente ay “masakit daw sa ilong... kapag malapit sa lugar.”
Kuwento niya, mabilis na pinalikas ng pamunuan ng planta ang mga residente malapit sa pasilidad.
“The first thing they had to do was ilikas ang mga residente to make sure they are safe. Then pumasok yung BFP.
“Kahit iyong mga ayaw umalis, sinabihan na umalis na. Iyong buong area na yun is densely populated,” ani Tiangco.
TIANGCO APOLOGIZES IN BEHALF OF MOTHER
Sa interview, inamin ni Tiangco na ang planta ay ang negosyong minana ng kanyang ina mula sa kanyang lolo.
“Dahil kumpanya iyan ng mother ko, ako na po ang humihingi ng paumanhin sa nangyari,” sabi ni Tiangco.
Sa kabila nito, nangako ang alkalde na mananagot ang kung sino mang responsable sa insidente.
“But we will make sure, kahit kumpanya po iyan ng kamag-anak ko, sisiguraduhin po natin na kung ano yung dapat... dapat mas una sila,” ani Tiangco.
Bandang 7:00 ng gabi, sa isang Facebook post ay ipinaalam ni Tiangco na “humupa na po ang amoy ng ammonia,” batay sa latest update ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ayon pa sa alkalde, “nasarado na ang valve na nag-leak.”
Sa kabila nito, nananatili pa rin daw sa lugar ang first aid station para sa anumang pangangailangang medikal ng mga residente.
Ang liquid ammonia ay ginagamit bilang coolant sa paggawa ng purified tube ice.
Ang exposure sa low concentration ng ammonia ay maaaring makapagpaubo at makairita sa ilong, mata, at balat, ayon sa health.ny.gov.
Kung nalantad naman sa high concentrations ng ammonia, maaari itong makaapekto sa baga, makasunog sa balat, at pupuwede ring makabulag.